Kanina pang nakikipagtitigan sa kisame. Nagtataka kung bakit mas napupuna niya ngayon ang pagdaloy ng buhay sa kaniyang katawan. Parang napakikiramdaman niya ang lahat na prosesong nagaganap sa loob niya. Ang pagpasok ng hangin mula sa ilong hanggang sa baga. Ang pag-iimbak ng dugo ng puso niya at maayos na pagtatalaga nito sa mga ugat kung alin ang makakakuha ng mas maraming supply. Ang paglilinis ng kaniyang pantog sa mga dumi ng likidong sumisirko sa mga kalamnan niya. Pati ang pamumuo ng mantika sa namumugad niyang tigyawat. Lahat ng ito ay nararamdaman niya.
Bumangon siya mula sa magulong higaan. At mabaho. Dahil sa mag-iilang buwan na siyang hindi nakikipagsalamuha sa mga tao sa labas ng kwarto niya, hindi niya inaalala ang paliligo.
Dumiretso siya sa gawing kaliwa ng kwarto, paunti-unti lang ang hakbang dahil madilim. Kailangan niyang buksan ang lampshade na nakapatong sa mesa. Ayaw niyang buksan ang mas malaking ilaw para sa kwarto dahil sa 'di niya gusto ang pakiramdam ng binabalot ng matinding liwanag.
Naupo siya ng sandali sa swivel chair. Nagpaikot-ikot ng paunti-unti para lang maramdaman na gumagalaw. Ayaw niyang lumipas ang mga sandali na nakatang lang siya at walang ginagawang aktibidad ang katawan. Bagamat, nitong nakalipas na ilang buwan, masasabing lahat ng mga pinag-gagawa niya ay hindi naaayon na gawin ng isang normal na tao. Kinuha niya ang isa sa mga librong nakasalansan sa shelf. Hindi niya gusto ang naunang napili kaya kumuha pa siya ng isa. Hindi niya din gusto. Mahirap na magbigay atensyon sa isang bagay dahil sa loob ng isipan niya, hati sa libo-libong kompartamento ang mga ideyang pinipilit niyang i-organisa.
Bumalik siya sa higaan. Ngayon ay may kaunti nang liwanag na nagbibigay giya sa kaniyang paningin. Napansin niya ang maruming higaan. Nahulog na sa sahig ang ilan sa mga unan niya. Ang kumot, halos nakabuhol na sa sarili dahil sa maya't maya niyang paggalaw sa higaan. Parang tinirintas na malaking tela. Isa-isa niyang pinulot ang mga unan at ibinalik sa kama. Inayos niya din ang kumot at tinupi. Plinantsa ng tinatamad na mga kamay at braso. Sa pakiramdam niya, maiging simulan ang lahat sa paglilinis. Sa pagkukumpuni ng mga nasira niyang bagay. At pakiramdam.
Dinig mula sa loob ng kaniyang kwarto ang ingay sa labas. Sa sala. Sa kusina. Sa kwarto ng kapatid niya. Sa labas kung nasaan ang totoong mundong kunwaring 'di niya tinatakasan.
'Hayaan mo na't kailangan niya lang ng oras.'
'Ba't kasi 'di mo pag-aralin?'
'Eh 'di ba nga kaya siya tumigil dahil wala na tayong maipangtustos.'
'Vocational course ayaw niya?'
'Magastos din 'yon.'
'Gamot niya pa lang inaabot na ng libo ang 'sang araw.'
'Ang boses mo..'
Lahat ng bulungan nadidinig mula sa kwarto. Lahat ng ingay nadidinig mula sa isipan niya.
Ang kaninang inakala niyang pagsisimulang muli ay nagi ulit haka-haka ng sariling katauhan. Bukas? Bukas makalaw? Malabo pa. Alam ng sarili ang bagay na ito.
Nahimlay siyang muli. Mas iba na sa pakiramdam ang mahiga sa malinis na kama. Parang mas nalilinis ang isipan. Maging ang mga imahen sa dingding na madalas nagsisilbing gising na bangungot ay naglaho na. O pansamantalang naampat ng ginagawa niyang pagmumuni-muni. Umeepekto pa din siguro ang gamot na ininom niya kanina kaya tahimik lang ang halimaw sa kalooban niya.
Nahimbing siya ng mga ilang minuto. Sa tantiya niya. At dahil galing sa pagtulog, 'di niya gaanong maaninag ang kaligiran. Tanging ilaw pa din ng lampshade ang nagbibigay kulay sa mga pigurang nakapaligid sa kaniya.
Sa paanan niya, merong tao.
'Kanina kapa ba gising?'
BINABASA MO ANG
Huling Dalaw
Mystère / ThrillerSino ang higit na mas nakakakilala sa sarili? Ang mundo sa labas ng materyal mong katawan? O ang maliit na nilalang na nagkukubli sa kaibuturan mo?