Murder 3

1K 35 3
                                    

Murder  3 -

Sa tapat ng dati naming bahay sa Pasay

(Hindi ito sa Purok 17, Zone 2)

Ayoko ng maingay.

Ayaw na ayaw ko ng ingay.

Naiinis ako kapag may mga kapitbahay kami noon na malakas na magpatugtog. 'Yung tipong sa sobrang lakas nagba-vibrate ang mga dingding ng bahay at nanginginig ang salamin ng bintana namin. Nayayamot ako sa sinumang nagpapasimuno ng ingay. Gusto kong isalpak sa mga tenga nila ang gahigante nilang mga speakers para naman malaman nila kung ano ang pakiramdam ng mga tulad kong rinding-rindi na.

Pero bingi ang mga tao. Mas trip nila ang ingay kaysa sa katahimikan. Nag-ingay sila nang nag-ingay sa mahabang panahon kaya oras na para putulin na ang kagaguhang iyon. Panahon na para sila tumahimik---habambuhay.

Bitbit ang paltik ni Kevin, namasahe ako mula Caloocan. Sumakay ako ng MRT, bumaba, pumara ng jeep, bumaba ulit at sumakay ng tricycle. Naglakad ako ng sampung minuto hanggang sa wakas, nakarating ako sa dati naming inuupahang bahay at tulad ng dati---tulad ng maraming taong nagdaan---nadatnan ko doon sa tapat si Totong at ang mga tropang niyang nag-iinuman. Sa tabi nila, sumasabog sa lakas ang dalawang speakers na may kalakihan, inaawit ang mga rap songs ng kung sinong rap artist (Gloc 9?) na hindi ko na maintindihan ang sinasabi dahil sa sobrang bilis.

Sa likod nila, kita ko ang fluorescent light na dumudungaw sa itaas na siwang ng pintuan ng bahay. May mga bago na doong nakatira. Kawawa naman sila. Ilan gabi kaya silang napuyat? Ilang beses kaya nilang sinaway o pinakiusapan sina Totong na lumipat na lang sa ibang lugar at doon mag-inuman? Ilang beses kaya silang sinabihan ni Totong ng, Putang ina n'yo! Mga wala kayong pakisama! Kung gusto niyo ng tahimik, doon kayo sa subdivision tumira!

Hayop talaga 'tong si Totong. Kahit na isang dangkal lang ang lamang ni Kevin sa kanya pagdating sa "Kagaguhan Scale," hindi pa rin makakaila ng kahit na sinong taga-Pasay na salot din sa lugar ang putang inang 'to. Biruin mo ba naman kasi maski sarili niyang kapitbahay, tinatalo. Kapag wala silang perang pang-inom, siya at ungas niyang mga ka-tropa, ay gagawa ng plano kung paano at saan didilehensya. Kukuha siya ng kapirasong papel at ballpen at doon ililista kung sino sa mga ka-lugar nila ang mukhang maykaya. At kapag sinabi kong "maykaya", dapat meron silang laptops, kotse, sangkaterbang nagkikislapang koleksyon ng mga alahas, kumakain gabi-gabi sa labas, higanteng flat-screen TV's at kung ano-ano pang anik-anik.

Una sa listahan nila noon si Rudy. Ang sampung taong pagpapagal niya sa Dubai bilang service driver, napunta lang sa wala sa isang iglap nang limasin ni Totong at ng tatlo pa niyang ka-tropa ang kalahati ng kanyang napundar. Kinuha nila ang Mac laptop nito pati na rin ang mamahaling Rolex, ATM card, ang sari-sari niyang credit cards, dalawang DVD players (isang Toshiba at isang Sony) at dalawang '38 inch LCD flat-screen TV. Hindi ko alam kung paano nila nabuhat lahat 'yon palabas ng bahay, pero ang pinakanakakabilib, ginawa nila 'yon sa katanghaliang tapat habang naiidlip si Rudy sa sofa sa sala.

Pangalawa sa listahan si Egdardo Macasampac Jr. aka Lovi Poe. Isang napakagandang bading na sali nang sali sa mga inter-barangay, inter-city, international at inter-galaxy gay beauty contests. Minsan talo pero kung sinusuwerte, minsan din nananalo. At noong minsang magwagi sa isang pa-contest sa TV, naisubi niya bilang premyo ang tsekeng nagkakahalaga ng P50,000 na pahalaghag lang niyang ipinatong sa ibabaw ng kanyang dresser. Natulog siya pagkatapos at pagka-gising, halos itaktak na niya ang buong buhay sa kahahanap dito. Ang hindi niya alam nanenok na pala ni Totong ang tseke at agad ipina-cash kasabwat ang pamangkin ng biktima. Tsk... tsk... tsk...

Si Lourdes ang ikatlong biktima. Well, hindi talaga siya kundi ang anak niyang si Roger. Martes daw noon, maagang isinara ni Aling Lourdes ang kanyang sari-sari store para manood ng pelikula ni Vice Ganda kasama ang buong pamilya maliban na lang sa panganay na si Roger na noon ay masakit ang ulo at nilalagnat. Isang oras pagkaalis na pagkaalis nila Aling Lourdes, sumalisisi si Totong at ilan sa mga tropa at tinungkab ang medyo manipis na plywood at trapal na nagsisilbing tabing ng tindahan. Medyo maingay ang proseso at doon nahalata ang pagiging amateur ng mga ungas kaya tuloy nagising si Roger. Kahit parang tinatadyakan ng sampung kabayo ang ulo niya dahil sa sakit nito, pinilit pa rin ni Roger na buhatin ang sarili at bitbit ang walis-tambo, tumungo siya sa sari-sari store na kakabit lang ng kanilang bahay. Binuksan niya ang pinto, pinindot ang switch ng ilaw, at iniumang ang walis sa pag-aakalang sa pagkakataong iyon ay may mahuhuli na siyang malaking daga na lagi na lamang ginagawang five-course meal ang tinda nilang tsitsirya. Pero kabaligtaran ang nangyari, siya ang nahuli ni Totong. Isang malakas na suntok sa noo mula sa kamaong may brass knuckle (o kung tawagin ng iba ay 'four finger") ni Totong ang agad na nagpatumba kay Roger. Iniwan nila ang kawawang biktima nang walang malay sa malamig na sementong sahig saka tumalilis tangay ang nuwebe mil na kinita ng tindahan sa buong maghapon. Nagulantang s'yempre ang pamilya ni Roger, hindi dahil sa ninakawan sila kundi dahil na-comatose kasi ang kanilang panganay. Nayanig pala nang husto ang bungo nito dahil sa impact ng sapak at ang kaliwang bahagi ng utak niya ay namaga. Halos isang buwan ding naghirap si Roger sa ospital bago nagkaroon na lang ng kasunduan ang lahat na alisin na lang ang kanyang life-support system. Tatlong napakasakit na araw muna ang dumaan bago siya tuluyang pumanaw at iniwan niya ang ama't ina na baon sa utang.

Murder The Five [COMPLETE]Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon