Murder 2

3.8K 48 11
                                    

                                                                **********

Murder 2 –

Huwebes, 3:40 pm

Sa labas ng gate ng Dr. Claro Cornelio College

Pangalawa kong itutumba itong si Mark.

Kasama niyang magyosi ang dalawang kupal niyang tropa na sina Julius at Domeng. Masaya silang nakaupo sa barandilya at humuhithit ng mga ‘cancer sticks’ na para bang ayos lang ang lahat at walang kaproble-problema sa mundo.

P’wes ako, may problema at sila---lalo na si Mark---ang problema ko. Sa mga hindi nakakaalam ng mga katarantaduhang pinagagawa ni Mark, hayaan niyong bigyan ko kayo ng kaunting background story.

Si John Lee Mark Villafuerte, nickname: Mark, ay isa sa pinakagagong tao na inire sa kasaysayan noong ika-24 ng Disyembre taong 1995. Dahil iniluwal siya isang araw bago si Kristo, marami ang nag-akalang lalaking matinong bata itong si Mark---na alam naman naming imposibleng mangyari dahil gago rin ang mga magulang niyang sina Mr. and Mrs. Tomas and Raquel Villafuerte.

 Well, maikling kuwento lang tungkol sa mag-asawang ito.

Ang negosyo ng mag-asawang ito ay mangamkam nang mangamkam… este, mamili nang mamili ng mga lupa sa mga maliliit na bayan-bayan at liblib na probinsya at saka muling ibenta ang mga iyon nang lima o higit pang beses mula sa orihinal nitong presyo doon sa mga taong taga-roon din mismo.

Ang mga pobreng taga-nayon naman (na karamihan ay magsasaka) walang kaalam-alam na hindi na pala nila  pag-aari ang mga lupang sinasaka at tinitirikan ng kani-kanilang mga bahay kahit ang totoo, may sapat silang dokumento na nagpapatunay na kanila iyon with matching mga titulo.

 Mga dokumemto’t papeles na peke RAW ayon sa mga kamag-anak ng mga Villafuerte sa DAR at iba pang matataas na ahensya ng gobyerno. Kaya ayan tuloy, ang mga kawawang magbubukid napipilitang bilhin ang mga lupaing sa kanila naman talaga.

Pero ‘wag daw mag-alala ayon sa matabang si Mrs. Villafuerte dahil puwede naman daw bilhin ulit iyon ng mga hampas-lupang magbubukid. ‘Yun nga lang may patong nang 60 to 70 percent na interes. Kaya ang resulta, dahil sa sobrang mahal, madalas umaabot na sa ikatlo o ika-apat na henerasyon ang pagbabayad sa mga lupa.

Minsan may isang magsasakang naglakas-loob na lumaban sa mga Villafuerte. Siya ay si Mang Ageng. Nagsampa ang matanda ng demanda laban sa mag-asawang land grabber at tumakbo ang kaso sa korte ng maraming taon. Sa sobrang dami, unti-unting naubos ang pera at kabuhayan ni Mang Ageng hanggang sa huli, pati siya wala nang nagawa kundi ibenta na rin ang sariling lupa sa mga taong kumakamkam dito.

Muli, to the rescue si Mrs. Villafuerte. Dahil mayroon ‘daw’ siyang malaking puso (at ‘yon ay isang malaking “DAW”) at isang taong pala-simba, siya na raw ang bahalang magbayad sa abugado ni Mang Ageng at sa iba pa niyang legal fees. Marami ang humanga sa matabang donya dahil kamangha-mangha nga naman na tulungan ang taong nagsakdal sa’yo. “Love thy enemies,” madalas na sinasagot sa kanila ni Mrs. Villafuerte. Pero ang hindi alam ng marami---lalo na ni Mang Ageng---na pinsan pala ng tabachingching na donya ang abugado ng matanda at malayong kamag-anak naman ang judge na humawak sa kaso.

 Wais talaga.

Samantala, ang mga magsasaka naman na hindi bibili ng lupa ay inaabisuhang mag-impake sa loob ng tatlong araw kung ayaw nilang masaktan. Magiging sagabal lang daw kasi sila sa ipapatayo nilang golf course at resort sa lugar. Isa pa, isa silang nanggigitatang sakit sa mata sa mga dadayong turistang Hapon at Koreano.

Murder The Five [COMPLETE]Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon