Sa isang ospital sa Pasay.
10:35 pm
At dito na magtatapos ang lahat. Sa isang lumang public ospital na mukhang hindi kailanman naambunan ng kahit kaunting tulong ni Mayor.
Mag-a-anim na buwan na ring nakaratay dito sa ospital si Papa dahil sa sari-saring sakit na kumapit sa kanya. Nag-umpisa sa diabetes na hindi naagapan na lumalala hanggang sa naapektuhan pati ang kanyang kidney na ngayon sumama pati ang baga.
Tinitignan ko ngayon si Papa. Sa ilong at payat niyang braso, nagsasanga-sanga ang tila ugat ng puno sa dami na mga suwero’t tubo papunta sa kung ano-anong makina.
“Pa…” , sabi ko.
Idinilat ni Papa ang kanyang mga mata sabay ngiti. Ibinubuka niya ang kanyang bibig pero walang salita akong naririnig. Nilapit ko ang aking tenga. Wala pa rin.
Sa halip, kinuha niya ang kamay ko, hinawakan. Maugat ang kanang kamay niyang iyon at medyo nangitim na ang ang mga peklat ng pinasukan ng isang libo na yatang injection na itinurok doon.
Umiiyak ako habang nakatingin sa mga mata niya. Mga matang nakikiusap at nagmamakaawa. Noon kasing may lakas pang makapagsalita si Papa, paulit-ulit niyang binabanggit sa amin ni Mama na gusto na niyang umuwi. Hanggang ngayon, kita ko pa rin sa malamlam niyang mga mata ang kahilingan iyon.
“Pa, uwi na tayo”
Dahan-dahang gumuhit ang ngiti sa kanyang labi.
Bigla, nagbalik sa akin ang lahat ng alaala.
Si Papa na hilig akong kargahin sa kanyang malalapad na balikat noong ako’y bata pa. Si Papa na nagturo sa akin ng basketball. Si Papa na buong pagmamalaking ipinagyabang ako sa buong barangay noong manalo ako sa isang drawing competition na sinalihan ko sa school. Si Papa na nagsabit sa akin ng medalya sa stage noong naging salutatorian ako noong high school. Si Papa na laging may bitbit na pasalubong sa tuwing babiyahe sa kung saan. Si Papa na laging nagpapaalaala sa akin na dapat laging lumaban ng patas sa buhay.
Pero ang taong nakahiga nagyon sa kama, hindi siya ang Papa ko. ibang-iba siya sa taong nakilala ko simula pa pagka-musmos.
Hapis ang kanyang mukha, ga-tingting ang mga braso, naninilaw ang puti ng mga mata. Lumiit ang kanyang pangangatawan, epekto ng kawalan niya ng gana sa pagkain. At ang balat, biglang kumulubot na parang pasas. Dala marahil ng sangkatutak na gamot na bumanlaw sa kaloob-looban ng kanyang sistema.
Dahil sa sakit ni Papa, nagkandabaon-baon kami ni Mama sa utang. Sari-saring raket pinasok namin ni Mama para lang may maipangtustos sa pagpapagamot niya. Ako: estudyante sa umaga, fast food crew member sa hapon at call center agent sa gabi hanggang madaling araw. Si Mama: kakanin vendor sa palengke sa umaga, naglalako ng ulam sa tanghali, nagbabahay-bahay naman sa hapon para magbenta ng Avon at Boardwalk products at sa gabi, nag-iingay sa pagsigaw ng balut sa buong barangay. Pati weekends, hindi rin niya pinatawad. Sabado, tumatanggap siya ng labada kung kani-kanino at mga pa-plantsa naman tuwing linggo.
Pero lahat ng pagsusumikap naming iyon, kinain lang kahat ng sakit ni Papa. Sa bawat araw na dumadaan, palaki nang palaki ang bayarin, pakapal din nang pakapal ang promisory notes na pinipirmahan ni Mama.
Hanggang sa isang maulang hapon, n’ung kaming dalawa na lang ni Papa sa loob ng kanyang silid kung saan siya naka-confine ngayon, bigla na lang niyang nasabi na gusto na niyang umuwi. Alam ko ang ibig niyang sabihin. Pare-pareho na kaming pagod. Siya sa sakit, kami sa pagtatrabaho. Naramdaman niyang mapupunta rin sa wala ang paghihirap namin. Realist kasi si Papa. Batid niyang panahon na para mag-impake.
BINABASA MO ANG
Murder The Five [COMPLETE]
Mystery / ThrillerListahan ng limang taong kailangan nang mawala: 1. Kevin - ang hinayupak na gumahasa sa utol kong si Tina 2. John Lee Mark Villafuerte - ang kupal/bully/spoiled brat na anak ni Mr. and Mrs. Villafuerte. 3. Totong - ang walang silbing tambay na ipina...