Sa St. Bernardino Parish Church
11:28 pm
Mas madaling hanapin si Father… Father… Villaflor? Villanueva? (basta! Nahihirapan akong matandaan last name niya kaya tawagan na lang natin siyang “Father”), kumpara sa mga hinayupak na sina Kevin at Mark. Natagpuan ko siyang nakaluhod malapit sa harap ng altar, nakatingala sa nakapakong Kristo.
Napakaipokrito ng eksena.
Kunwa’y madasalin, kunwa’y malinis, pero ang totoo mas masahol pa sa demonyong may sampung sungay ‘tong si Father.
“Father, remember me?”
Tumigil siya sa kanyang pagdadasal-dasalan, lumingon saka tumayo. Bakas sa mukha niya ang pagkabigla.
“Anong ginagawa mo dito?”
“Wala lang. Gusto ko lang magdasal,” sagot ko. Humakbang ako palapit. Napaatras siya pero ayaw niyang ipahalata.
“Sarado na ang simbahan. Makakaalis ka na!” ibinulsa niya ang tangang rosaryo at umalis.
“Sarado? ‘Di ba Father ikaw na mismo na ang nagsabi na kahit kailan, hindi tayo puwedeng paagsarhan ng Diyos kahit gaano pa ang kasalanan natin. Kahit gaano pa tayo kasama.”
Napatigil siya.“Anong gusto mo? Sabihin mo na at marami pa akong gagawin?”
“Teka lang naman, Father. Matagal din tayong hindi nagkita tapos bigla ka na lang aalis basta-basta.”
“Wala akong panahong makipag-usap sa’yo. Marami pa akong dapat asikasuhin. Kung gusto mong makipag-usap, then set an appointment with Marie, my secretary,” sabi niya sa akin nang halos pabulong. Hindi ko alam kung bakit kailangan niyang hinaan ang boses niya gayong wala namang katao-tao sa paligid. Ang security guard sa may gate, kanina ko pa pinagsasaksak hanggang sa lumuwa ang bituka.
“Pasensya na Father kung naistorbo kita. Gusto ko lang kasing malaman kung bakit ginawa mo sa akin ang ginawa mo?”
“What do you mean?” nagmaang-maangan ang ugok. “Anong ginawa ko sa’yo?”
“Father, rape! Ginahasa mo ako!” napatalon siya sa sigaw ko. Dinig ko ang pagaspas ng mga ibon na nabulabog at biglang nagsiliparan.
Humarap si Father, nanginginig ang gilid ng mga labi. “I’m sorry Ron. It happened a long time ago at maniwala ka sa akin, araw-araw ko iyong pinagsisisihan.”
“Sorry? Ganu’n na lang ba ‘yun? Sinamantala mo kahinaan ko. Sinira mo ang tiwala ko sa mga tao . Tapos sorry lang?”
Isang maulang gabi noon, dumating sa buhay ko si Father. Nagdadasal ako kasama ng mangilan-ngilang parokyano ng St. Bernardino nang bigla niya akong tinabihan at nagpakilala. Siguro nabasa niya sa mga mata ko noon na sabog-sabog ang buhay ko, na puno ako ng galit at hinanakit, kaya iprinesenta niya ang sarili bilang isang kaibigan… daw.
Naging magkaibigan nga kami. Ibinuhos ko sa mga balikat niya ang lahat ng mga problema ko. Ang lahat ng mga luhang hindi ko kayang iiyak kahit kanino kundi sa kanya lang. binigyan niya ako ng mga payo, ng atensyon gaya ng isang ama na hindi na nakayanang ibigay ni tatay sa akin noon dahil labas-masok na siya sa ospital. Salamat sa kanya, kahit sandali, kahit panandalian lang, lumiwanag ang isip ko at nanamlay ang sakit sa aking puso. Ron, don’t give up on God because God is not gonna give up on you, payo niya dati na may kasama pang pahagod-hagod sa likod ko.
Nakakasuka.
Naging madalas ang pagkikita namin. Kapag magulo sa labas, kapag pakiramdam kong nalulusaw na ang buong mundo sa poot na pinapasan ko, sa kanya ako tumatambay. Doon sa apartment niya, ipinakilala niya sa akin ang salita ng Diyos sa puntong halos nasaulo ko na ang bibliya from cover to cover. Napanatag ang loob ko at bahagyang humupa ang apoy ng galit sa aking dibdib. Ba’t kaya hindi na lang ako mag-pari? Seryosong may halong birong sabi ko sa kanya dati. Bakit hindi? Pero dapat buo ang loob mo, sagot niya, mahirap maging pari. Takbuhan ka ng bayan kapag may problema.
BINABASA MO ANG
Murder The Five [COMPLETE]
Mystery / ThrillerListahan ng limang taong kailangan nang mawala: 1. Kevin - ang hinayupak na gumahasa sa utol kong si Tina 2. John Lee Mark Villafuerte - ang kupal/bully/spoiled brat na anak ni Mr. and Mrs. Villafuerte. 3. Totong - ang walang silbing tambay na ipina...