CHAPTER 2
"Ano bang kalokohan 'to?" Nakasimangot na tanong ni Caly kay Kenjie. Sa halip na sagutin siya nito ay humarap ito sa puno na hitik na hitik sa dahon.
"Maraming taon na ang lumipas at marami na rin ang nagbago pero tayong tatlo ay nanataling matatag tulad ng punong ito. Naghanap talaga ako ng katulad na katulad ng lugar na 'yon at itong lugar ang napili ko," pakasabi niyon ay pumulot ito ng bato saka inihagis sa ilog. "Alam niyo..." medyo tumawa. "Noong una tayong magkita-kita hindi ko inisip na magiging magkakaibigan tayo. Nagbigay ako ng taning sa friendship natin, sinabi ko noon sa sarili ko 'pag umabot ng limang taon ang samahan natin, babalik tayo sa lugar kung saan una tayong nagkakila-kilala at magpapangakuan sa isa't isa."
"Pero ang lugar na 'yon ay wala na dahil ang dating gubat ay isang siyudad na ngayon," dugtong ni Nica na nakakaunawa na sa nangyayari.
"Alam ko na hindi ito ang lugar kung saan tayo unang nagkita pero gagawin nating sagrado ang lugar na 'to para sa'tin." Pakasabi niyon ay may kinuha itong kahon. Saka lang nila napansin ang di kalakihang hukay sa may paanan ng puno. "Ibabaon natin dito ang mga mahahalagang bagay na itinago natin noong mga bata tayo. Ito ang magiging simbolo ng wagas nating samahan." Tumayo ito at hinarap sila pareho. "Akin na ang mga kahon."
Agad naman 'yong binigay ni Nica, naalarma naman si Caly sa balak gawin ni Kenjie.
"Sandali!" pigil ni Caly kay Kenjie "Ibabaon mo ba diyan si Monika?" Mababakas sa mukha niya ang kalungkutan.
"Ano pa nga ba?"
"P-Pero..."
"Caly, hindi mo pa ba naiintindihan ang gusto kong mangyari?" naiinis na tanong ni Kenjie.
Hindi nakaimik si Caly, nahihiya siyang napayuko. Pinipigilan niya ang maiyak nang sinisimulan nang tabunan ni Kenjie ang hukay.
"Ano pala ang mahalagang bagay ang ibinaon mo diyan?" usisa ni Nica. Naging interesado rin si Caly sa isasagot ni Kenjie.
"Iyong suot ko noong araw na iniligtas ko kayo. Masyadong malaki ang iniwang alaala ng damit na 'yon. Tanda niyo, napunit ang manggas niyon sa pagligtas ko sa inyo."
Napatangu-tango naman si Nica. Si Caly ay nanatiling nakayuko. Hanggang sa lapitan siya ni Kenjie at inangat nito ang nakayuko niyang mukha.
"Lahat naman ng ibinaon natin importante sa'tin kaya fair lang 'yon," paliwanag nito.
"Pero unfair 'yon!" tuluyan ng napaiyak si Caly. "Hindi niyo naman sinabi sa'kin na ibabaon pala si Monika." Napahagulhol na ito.
"Sshhh...Tama na," alo ni Kenjie. "Hindi mo na kailangan si Monika, andito naman kami. Kung nalulungkot ka at iniisip mo'ng nag-iisa ka, hindi naman kailangang si Monika ang lapitan mo kasi manika lang siya. Andito kami ni Nica para sa'yo. Tandaan mo 'yan palagi."
Nayakap ni Caly si Kenjie. "Nakakainis ka kasi, ang supla-suplado mo! Wala na si Monika, wala na 'kong kakulitan,"aniya sa pagitan ng pag-iyak.
"E di kami ni Nica ang kulitin mo."
"Wala na akong lalaruin."
"Kailangan mo pa ba 'yon?"
"Wala na akong kayakap 'pag gabi."
"Hayaan mo, bibigyan kita ng kapalit ni Monika. Iyong aakma sa edad mo."
"Promise?"
"Oo naman, malakas ka sa'kin e."
"Paano naman ako," singit ni Nica.
"Siyempre pati ikaw makakatanggap ka rin mula sa'kin ng mayayakap mo."
BINABASA MO ANG
Paradise Promises Land Book 1-5 (Teenage days)
Teen FictionWalang hanggang pagkakaibigan ang pangako ng labing-dalawang magkakaibigan sa lugar na tinawag nilang Paradise Promises Land. Ang kwento ay magsisimula sa pagkabata hanggang marating nila ang adulto. Ang Book 1-5 ay mostly teenage days.