Tinangkang kausapin ni Arthur si Nadine nang makalabas sila sa Restobar pero pumiksi ito.
"We really have to talk, Nadine. Please stop ignoring me."
"Para ano, para ipamukha sa 'kin ang kahabag-habag kong kalagayan sa kamay ng madrasta ko na ipinagsawalang bahala mo? May panga-pangako ka pa na hindi ako iiwanan, na tutulongan mo ko sa laban ko sa madrasta ko tapos isang araw nilandi ka lang ni Clariz bumigay ka naman. You've change a lot, Arthur." Puno ng hinanakit na sumbat ni Nadine.
"That's not true!" tigas ang pagtanggi ni Arthur. "Ginagamit ko lang si Clariz para makapag-espiya sa mga anomalyang ginagawa ng madrasta mo. Marami ka pang dapat malaman kaya please sumama ka sa 'kin kahit saglit lang."
Natigilan si Nadine at inarok ang kaharap kung nagsasabi ito ng totoo. Nagpasya siyang sumama rito.
Si Caly ay pinayagan na ng mga magulang na makalabas pero bawal pa rin siyang dumalaw sa mga kaibigan. Kung saan-saan siya namasyal. Nang mapagod ay naupo siya sa namataang bangko at itinabi ang bag sa tabi niya pero bigla na lang may humablot no'n. Sa bilis ng pangyayari pagtanga na lang ang nagawa niya. Magnanakaw! Gusto niyang isigaw pero walang lumabas sa bibig niya. Ang malas naman niya. Ngayon na lang siya nakalabas nanakawan pa siya. Nag-isip siya ng paraan kung paano makakakuha ng pera. Kinapa niya ang suot na mga aksesorya kung may maisansanla siya sa mga 'yon pero wala. Nawawalan na siya ng pag-asa nang may lumapit na grupo. Ang GLAISA ng Amazing Teens kasama si Chantal.
"Mukhang nangangailangan ka ng tulong," anang lider na si Chantal.
"Kayo ba ang may pakana ng pagnanakaw sa 'kin?" akusa niya.
"Bibirahan ko ng suntok 'to," anang mainitin ang ulo sa grupo.
"Hindi kami ganyan ka-cheap, Caly. Bigatin kami magtrabaho kaya kung ako sa 'yo sumapi ka na."
"Ano bang meron sa 'kin at pilit n'yo akong pinapasali sa samahan n'yo?"
"Nakitaan ka namin ng potensyal. Sa katapangan mo pa lang no'ng kidnapin ka ng grupo ni Brandon kitang-kita na ang potensyal mo."
"Pati ba naman 'yon nakarating sa inyo?"
"Malawak ang sources namin, Caly. Malulula ka sa mga impormasyong hawak namin once na pumasok ka ng Amazing Teens."
"Hindi pa rin ako payag pero pwedeng manghiram ng pamasahe pauwi?"
"Ang paghingi mo ng tulong sa 'min ay isang magandang sign kaya ito." Inabutan siya nito ng isang libo.
"Sobra naman ata 'to saka 'wag nga kayong assuming. Gipit lang talaga ako."
"Pupusta pa rin akong sasapi ka sa samahan." Pakasabi no'n ay magkakasabay na naglakad palayo ang grupo ng mga emo look. Kainis na magnanakaw 'yon, nagkaroon tuloy siya ng utang na loob sa mga wirdung 'yon.
"Alam mo, Nay, mula nang dumating galing Maynila si Ate hindi na marunong ngumiti. Minsan naririnig kong humihikbi na parang ang sakit sakit ng sinapit niya sa Maynila." Si Cory 'yon, nakababatang kapatid ni Jane. Pinagmamasdan ng mag-ina na nasa bakuran ang huli na nakatanaw sa bintana malayo ang tingin.
"Ewan ko ba diyan sa Ate mo. Buong akala ko maganda na ang buhay niya sa piling ng Tiyang Martha n'yo. Tulad ng ginawa nitong paglisan na walang paalam, wala ring paalam ang pagbabalik."
"Ano kaya ang problema ni Ate?" kausap na ni Cory ang sarili pero naisatinig pa rin. "Hindi kaya nagka-boyfriend na si Ate sa Maynila kaya ganyan na lang maka-emote?"
"Napakabata pa ng Ate mo para sa ganyan. Ang sabi ng Tiyang Martha n'yo ay mahal na mahal nito ang mga kaibigang iniwan sa Maynila."
"Nakapagtataka lang kasi bakit biglaang umuwi."
"Huwag kang mag-alala kakausapin ko. Sana magsalita na siya ngayon."
"Jane, anak. Ano ba talaga ang nangyari sa 'yo sa Maynila?" Nagulat si Jane nang marinig ang boses ng ina. Naramdaman niya ang pagtabi nito sa kanya sa upuang gawa sa kawayan. "Nag-aalala na kami lagi ka na lang kasing nagmumukmok sa sulok."
"Nay, patawarin n'yo po ako sa ginawa kong pagtakas sa masaklap na kapalaran natin dito sa probinsiya. Hindi naman po kaila sa inyo na matagal ko ng pangarap na maging mayaman. Hindi n'yo ako kayang pag-aralin ng high school kaya umalis ako at humingi ng tulong kay Tita Martha. Ang bait ng kapatid ni Tatay, kinupkop ako na parang anak, pinag-aral sa sikat at pribadong paaralan sa Maynila. Ang saya-saya ko pero hindi kumpleto ang araw ko na hindi ko kayo naiisip, na sana nararanasan n'yo 'yong kaginhawaang nararanasan ko ro'n. Nakatagpo ako ng mga mayayamang kaibigan pero ang babait nila."
"Kung gano'n bakit ka umalis?"
"Nay, nagpanggap ako bilang ibang tao. Kinahiya ko na mahirap tayo kaya nag-imbento ako ng mga kwento na magpapaniwala sa lahat na mayaman tayo pero nang matuklasan nila parang wala na akong mukhang ihaharap sa kanila. Naging tapat sila sa 'kin pero ako puro kasinungalingan lang ang pagkatao ko," mangiyak-ngiyak na kwento niya.
"Ang mahalaga natuto ka," alo nito sa kanya. "Ang mahirap para sa mahirap at ang mayaman para sa mayaman."
"Pero bakit kayo ni Tatay?"
"Kaya nga ganito ang sinapit natin ngayon, anak. Ayaw naming mangyari sa inyo ang nangyari sa 'min ng Tatay n'yo. Alam naming bawal pero pinagpatuloy namin dahil mahal namin ang isa't isa. Noong una hindi kami nagsisisi pero ngayong halos hindi namin kayo maitaguyod ng maayos marami kaming pinagsisihan."
"Kung hindi naman ninyo inilaban ang isa't isa wala kami rito. Nagsisisi ba kayo ro'n?"
"Siyempre hindi. Kayo ang kayamanan namin ng Tatay n'yo na hindi matutumbasan ng kahit anong karangyaan sa buhay."
"Nay, gusto ko pa ring ipagpatuloy ang pag-aaral kahit sa pampublikong paaralan dahil gusto ko kayong iahon sa hirap. Nagising na ako sa katotohanan, tatanggapin ko na ang pagiging mahirap pero hindi ko aalisin ang pangarap kong yumaman."
"Patnubayan ka sana ng Panginoon."
"Salamat po, Nay." Niyakap niya ang ina dala ang pag-asang balang araw makakaahon sila sa hirap.
Pagbaba ng taxi ni Caly ay napansin niya agad si Brennan sa harap ng gate nila. "Brennan!" natutuwang salubong niya rito.
"Caly!" masayang salubong din ni Brennan. Nagulat siya nang yakapin siya nito ng mahigpit. "Namiss kita ng sobra."
"Hindi rin halata," pasarkastikong aniya. Kumalas tuloy ito mula sa pagkakayakap.
"Pinapalabas ka na pala bakit hindi ka nadalaw?"
"Bawal pa rin akong makipagkita sa inyo," malungkot niyang sabi. Narinig nilang bumukas ang tarangkahan at iniluwa no'n ang ina.
"Brennan, the funny guy, right?" Napatango lang ang binata. "Enjoy each other's company while I'm not around," anitong pumara ng taxi saka agad ding sumakay.
Tuwang-tuwang nagkatinginan ang dalawa. Nagpasya silang gumala at naisipan nilang maglaro ng bowling.
BINABASA MO ANG
Paradise Promises Land Book 1-5 (Teenage days)
Teen FictionWalang hanggang pagkakaibigan ang pangako ng labing-dalawang magkakaibigan sa lugar na tinawag nilang Paradise Promises Land. Ang kwento ay magsisimula sa pagkabata hanggang marating nila ang adulto. Ang Book 1-5 ay mostly teenage days.