Gubat

887 1 0
                                    

Sa tuwing gabi ay nananaginip ako ng kakaiba. Kakaiba ngunit kapansin-pansin na pare-pareho lamang ang senaryo. Lagi akong binabantayan ng isang lalaki habang ako'y nasa loob ng isang gubat. Napakakisig niya. Parang inukit ang bawat hulma ng kanyang katawan. Napakatigas kung ito'y iyong tititigan. Tanging dahon lamang ang saplot na tumatakip sa kanyang kaselanan. Walang ibang damit kundi dahon lamang. Sa tuwing napapatagal ang aking pagtitig sa kanya ay nakakakita ako ng pagngisi sa kanyang mukha. Tila perpekto ang pagkakagawa dito. Walang tapon, lahat ay maganda. Napansin ko na tinititigan din niya ako. Mata sa mata na tila isang pendulum na nakakagawa ng hipnotismo hanggang sa ako'y mahulog sa kanyang patibong. Ang kanyang pagngisi ay napapalitan ng pag-ngiti at unti-unti ay lumalakad siya papunta sa akin.

Ngunit sa tuwing napapalapit ang kanyang pagpunta sa akin ay unti-unti siyang pumapangit. Unti-unting lumiliit ang kanyang katawan hanggang sa maging buto't-balat na lamang ito, Ang kanyang mukha ay hindi ko maipaliwanag. Isang salita lamang ang pumapasok sa aking isipan sa tuwing nakikita ko ng malapitan ang kanyang mukha; nakakatakot.

Malapit na ang kanyang mukha sa akin. Hahalikan na niya ako at ako naman ay namamawis sa kaba dulot ng pagkatakot at pag-aalinlangan dahilan ng aking pagkakita sa kanyang mukha. Kaya ang ginagawa ko na lamang ay pumipikit at iniisip ang kanyang mukha habang siya'y nasa malayo hinihintay ko ang kanyang paghalik sa akin ngunit parang wala na siya sa aking harapan. Binuksan ko ang aking mga mata at nakikita ko siyang tumatakbo palayo kasabay ng pagbabalik ng kanyang katawan na nakakapagpainit sa aking katawan. Sa tuwing siya'y lumalayo ay palakas ng palakas ang kanyang hagulgol na siyang nagiging daan upang masira ang buong kagubatan. Nakikita ko din ang aking repleksyon sa harapan na umiiyak , may nakayakap sa aking isa ding lalaki na mas angat pa ang pisikal na katauhan kaysa kanya. Hinihila niya ako papalayo hanggang sa mapunta kami sa lugar na punong-puno ng dugo. Dugo ang aking tinatapakan na parang ako'y nakalutang dahil nakikita ko ang mga tao sa loob ng dugo, naghihirap, nagsisisi, nagpapakasakit ng mas higit pa sa ginawa sa Kanya. Biglang yumakap ang lalaking humila sa akin upang mapunta ako sa dimensyong iyon. Lumalapit ang kanyang mukha sa akin. Alam kong hahalikan niya rin ako ngunit bigla ko siyang tinulak sa hindi maipaliwanag n kadahilanan. May hagulgol akong naririnig na galing sa lalaking nakita ko sa gubat.

"Tom, huwag! Huwag! Nakikiusap ako, si Mark ito," ang tinig na aking naririnig mula sa lalaking nakita ko sa kagubatan.

Lumalayo ako sa lalaki na yumakap sa akin at sa tuwing ako'y napapalayo ay pumapangit ang kanyang itsura na siyang kabaligtaran ng nangyayari sa lalaki sa tuwing siya'y lumalayo.

Liliwanag ng liliwanag ang kapaligiran hanggang sa halos ikaw ay mabulag na dahil sa liwanag na iypng makikita. Makakaramdam ako ng isang malakas na pagsampal hanggang sa ako'y magising na. Tinanong ko ang aming kasambahay na si Manang Fe kung may sumasampal ba sa akin upang ako'y gisingin ngunit tanging pag-iling lamang ang kanyang naisasagot kasabay ng pagyakap niya sa akin.

Minsan ko na ring naikwento sa kanya ang aking panaginip at isa lamang ang kanyang sagot.

"Anak, tagapagtanggol mo ang lalaking nakikita mo sa gubat na bumaba upang sagipin ang buhay ninyo."

"Ninyo po? Eh bakit po hindi kayo kasama?" Ang inosenteng tanong ko sa kanya.

"Isa kasi ako sa kanila anak. Maswerte ka anak dahil nagpakita siya sa panaginip mo, senyales lamang iyon na nalalapit na ang inyong pagkikita."

"Eh bakit po lalaki siya? Di ba po dapat babae siya?"

"Anak, ang mga tulad namin ay walang sekswalidad. Nabubuhay kami ayon sa gusto naming katauhan. Kung babae ba o lalaki. Basta anak oras na halikan ka niya ay huwag kang mag-alinlangan dahil sa tuwing hahalik siya sa iyo ay bumabalik ang lakas niya sa dati. O siya, huwag nang maraming tanong at marami pa kong gagawin."

Iniwan niya ako ng mga oras na iyon na napapaisip sa kanyang mga sinabi. Naguluhan ako, oo. Hindi ko alam ang aking gagawin.

Hanggang sa isang araw ay sumali ako sa isang military training upang makumpleto ko ang aking requirements sa NSTP. Takot na takot ako dahil sa gubat pa kami magtetraining. Lagi lamang akong nakabuntot sa aking mga kagrupo ngunit sa hindi inaasahang insidente ay bigla akong natalisod dahil sa kami'y pinagmamadaling pumunta sa lugar ng mga organizers. Sila na din kasi ang ginawa nilang officers. Natalisod ako sa pagmamadali dahilan ng pagkahulog ko sa isang ilog na kumokonekta sa talon. Malakas ang agos ng tubig kaya tuloy-tuloy ako hanggang sa nahulog na nga ako at nawalan ng malay.

Laking gulat ko na lamang nang ako'y magising. Alam ko ang nangyari sa akin kaya't nagpasalamat ako sa Kanya dahil niligtas Niya pa rin ang aking buhay. Pilit kong iginagalaw ang aking katawan pero hindi ko kinaya. Pinagmasdan ko ang aking nakikita. Napakapayapa rito, ganitong-ganito rin ang lugar kung saan ko siya nakita. Kinabahan ako bigla. Bumilis ang pintig ng aking puso lalo na't may narinig akong mga yabag ng mga paa dahil sa tunog na nililikha ng naapakan niyang mga tuyong dahon. Nakita ko na siya. Ang aking tagapagtanggol.

"Mark," ang pangalan at salita na siyang tanging namutawi sa aking bibig.

The End

One-shot BXB StoriesTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon