Ako?

473 6 0
                                    

Alas tres ng madaling araw, hindi pa din makatulog.  Nag-online sa facebook nagbabakasakaling may naka-online din para may makachat pero wala.  Nakakapagtaka, wala namang pasok bukas pero walang mga puyateros sa internet.  Siguro pag college na, mas maraming naka hang-out sa bar kesa nagiinternet kapag Friday.  I feel exhausted sa dami ng research work na pinagagawa ni Prof. Cagatan pero at least natapos ko na.  Pero kahit pagod buhay pa din ang diwa ko, di ako makatulog.  

Sobrang tahimik dito sa bago naming nalipatang village, kasi nga madaling araw na, tulog na ang mga tao.  Patay ang ilaw, hindi kasi ko makatulog kapag maliwanag.  Habang naririnig ko ang pag galaw ng kamay ng wall clock dito sa kwarto ko, iniisip ko ang dahilan kung bakit hindi ako makatulog.

Two weeks na kong nasa college wala pa din akong friends, mag-isa lang akong magbyahe papunta at pauwi sa school.  Bakit kaya walang pumapansin sa akin? Sa tingin ko naman, maganda ako, saka hindi naman ako masungit.  Isang beses sinubukan ko kausapin yung classmate ko, pero tiningnan nya lang ako na para bang nakatingin sya sa kawalan. Mahiyain kasi ko e, pagkatapos nun ayoko nang makipagusap sa iba ko pang classmates, hinihintay ko na lang na sila kumausap sa kin kaso di naman nila ko pinapansin.  

Nalulungkot tuloy ako, wala akong mapaglibangan.  Buti pa dati nung nakatira kami sa apartment, marami akong kaibigan.  Miss ko na silang lahat, yung mga friends ko sa high school saka yung mga kapitbahay namin.  Problema hindi ko alam kung paano pag-commute papunta dun, natatakot ako na baka maligaw ako. Di kasi ko sanay mag-commute hatid sundo kasi ako ni papa sa school dati.  

Alas kwarto na, gising pa din ako.  Di na nga pala Friday, Saturday na maya maya babangon na ko, may NSTP pa kasi kami mamayang seven.  Dalawang oras din ako byahe ko papuntang school.

Umaga na, amoy ko na ang luto ni mama.  Paborito namin ni papa ang agahan, pancakes.  Nilagyan pa ni mama ng maple syrup saka liquid chocolate sarap.  Pero parang wala sa mood si mama, sobrang lungkot ng mukha nya.

"Anak, hindi ko maintindihan kung ano pa ang lulutuin ko sa iyo tuwing umaga, lagi ka na lang hindi kumakain. Alam ko na mahirap para sa iyo na nasa Saudi na ang papa mo pero matuto ka namang alagaan ang sarili mo. Namimiss ko din sya, pero kailangan niyang magtrabaho doon."

"Alam ko naman yun, ma.  Nandito naman ako, huwag ka mag-alala, hindi kita iiwan." Pero malungkot pa din si mama.  Hindi ko maipaliwanag kung bakit sobrang tindi ng lungkot na nababanaag ko sa mukha nya. 

Malapit na pala ko ma-late, tumayo na ko sa upuan. "Bye ma, pasok muna ko." Sabay halik sa pisngi ni mama.  Hindi sya sumagot, nakita ko na lang na tumutulo ang luha sa mga mata nya.

*********

Papasok na ko sa school, nakita ko yung kapitbahay naming si Brandon, kumakaway sa kin.  "Hi Chelsea! Pasok ka na?"   Ang gwapo ni Brandon, chinito.  

Nung bagong lipat kami, mailap sya, pag nakikita ko syang tumitingin sa kin, bigla nyang nilalayo yung tingin nya.  Nagtaka na lang ako nitong mga huling araw bigla na syang naging friendly sa kin.  Sa ngayon, tinuturing ko na siya matalik na kaibigan.  Kapag napapadaan ako sa bakuran nila na lagi kaming nag-uusap ng mga kung ano ano lang.  Tungkol sa kung ano anong weird stuff, sa aliens, sa mumu, sa spirits anything under the sun.  Pareho kami ni Brandon, mahiyain may sariling mundo.  Sabi nya nga sa kin dati daw sya pumapasok sa special school kasi autistic siya.  Pero para sa kin, kahit ganun si Brandon, siya na yata ang pinakamatinong lalake na kaedad ko na kilala ko. E ano naman ngayon kung may sarili syang mundo?  E di ok, pareho kami.  

"Hi Brandon,  oo pasok na ko.  Ikaw,di ka ba pumapasok?" Bago pa masagot ni Brandon yung tanong ko.  Biglang dumating yung nanay nyang masungit.  "Brandon! Anong ginagawa mo dyan? Pumasok ka dito sa loob ng bahay, wala kang mapapala dyan sa labas!

******

Gabi na naman, hindi na naman ako makatulog.  Ilang araw na kong hindi makatulog.  Di mapakali, nagiisip.  Bakit laging malungkot si mama? Bakit kahit anong gawin ko, walang ibang pumapansin sa kin kundi si Brandon?  Bakit may kandila yung litratro ko sa kwarto ni mama?

Ako?Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon