4

39 3 0
                                    

[4]

Vianca: Pauwi na kami. Sorry :( ang sabi kasi ni Diana mauuna ka na. Sabay na lang tayo bukas. Sorry talaga, Aleiza.

Nalungkot ako nang mabasa ang mensahe na galing kay Vianca. Ang ibig sabihin lang nito ay mag-isa akong uuwi ngayong araw.


Magkakasama kami kanina sa parehong klase, ngunit ngayon ako na lang ulit mag-isa. Nasa mundo na naman ako na ako lang ang may alam. Wala akong kilala sa mga dumaraan. May lalagpas at ngingitian ako ngunit kahit sila hindi ko kilala. Ganoon nga siguro ang mga Pinoy, kahit sino na lang na makasalubong mo ay ngingiti sa'yo. Ganoon din ang mga mag-aaral sa paaralan aming unibersidad, lahat mukhang mabait sa unang tingin. Pero, hindi ito sapat na dahilan para lahat sila ay iyong pagkatiwalaan. May mga tao na buong akala mo kilalang-kilala mo ngunit sa huli hindi pala.

Sa kabila ng bawat kabaitan na pinapakita, may mga natatagong lihim pa rin talaga ang bawat isa.

May mga tao na sa una kaiinisan mo, subalit sa huli sila pa ang taong sasama at uunawa sa'yo hanggang sa dulo. Sa ngayon, masaya na ako sa mga kaibigan ko. Masaya na ako sa iilan na nakakasama ko sa pang araw-araw. Hindi pa ako handa na mas palawakin ang mundo na iniikutan ko.

May hawak akong payong habang naglalakad sa ilalim ng matinding sikat ng araw. Mag-isa. Marami akong nakakasalubong na magkakaibigan na nagtatawanan. May ilan na ngayon pa lang papasok sa klase. May ilan naman na pauwi na rin gaya ko.

Bakit hindi ko magawang maging kagaya nila? Maraming kaibigan. Malawak ang mundo. Wala naman akong problema sa buhay, may masaya akong pamilya. May mga mababait akong kaibigan. Pero pakiramdam ko hindi ako normal. Naiiba ako sa lahat.

Natigil lang ang pag-iisip ko nang malalim nang may nanggulat sa'kin. "Aleiza!" tuwang tuwa niyang binanggit ang pangalan ko habang nakatingin sa'kin at nakangiti.

Hinahawakan niya ang magkabilang balikat ko. "Carina, ginulat mo naman ako,"

Ngumiti siya, "Nakakagulat ba ako? Pasensya na. Natuwa lang ako nang makita ka. Bakit ka pala nag-iisa?"

Pinayungan ko siya. Sobrang init ng panahon ngayon pero nagawa niyang maglakad ng walang kahit anong panangga sa init. "Hindi na ako nag-iisa ngayon. May kasama na ako, ikaw."

"Hmm, hindi ka naman talaga nag-iisa palagi. May kasama ka, hindi mo lang siya nakikita,"

Nagtaka ako sa sinabi niya, "Talaga? Sino? May nakikita ka ba na hindi ko nakikita?" pabirong tanong ko sa kanya.

Kinilabutan ako sa sinabi niya kanina. May kasama ako sa araw-araw na hindi nakikita ng aking mga mata. Sino naman kaya iyon?

Nakangiti niyang sinabi ang, "Oo. Marami akong nakikita na hindi mo nakikita. Nagtataka nga ako sa'yo, may isang bagay ka na nakikita, ikaw lang ang nakakakita sa bagay na iyon,"

Mas lalo akong napaisip.

"Huh? Medyo malabo. Hindi ko maintindihan,"

"Wala, pahayag niya.

Patuloy kami sa paglalakad. May hawak siyang papel ngayon, nagtaka ako, kanina pa ba niya hawak iyon? O sadyang hindi ko lang kaagad nabigyan ng pansin ang mga bagay na dala niya dahil sa mukha niya lang ako nakatingin.

Sa ngiti pa lang niya hindi mo na maiiwasan na titigan ang isang tulad niya.

"May ibibigay ako sa'yo," saad niya. Nakatingin ako doon sa papel na ginagawa niyang...eroplano?

"Papel na eroplano? May nakita akong ganyan no'ng isang araw, sa'yo ba 'yon?" pahayag ko.

"Sa akin nga 'yon. Nahulog ko siguro. May hinahanap kasi ako," sabi niya.

"May hinahanap ka na naman?" takang tanong ko.

Simula nang makilala ko siya may hinahanap na siya. Hanggang ngayon hindi pa pala niya ito nakikita. Imbes na bigyan pansin ang tanong ko, ngumiti lamang siya at sinabing, "Huwag mo 'tong iwawala. Kapag gusto mo akong makita palagi mo na lang iyan tingnan. Maganda ba?"

Inabot niya sa'kin ang puting eroplanong papel.

Sa unang tingin, ang simple nito. Walang ibang dekorasyon. Puti lamang lahat. Walang nakasulat. Pero sa ibang aspeto, naging maganda ito dahil isang mabuting kaibigan ang gumawa at nagbigay sa'kin.

"Oo naman. Kasing ganda ng gumawa. Dalawa na ang ganito mo sa'kin,"

Itinago ko ang unang eroplanong papel na nakit sa Panini noong araw na 'yon. Hindi ko rin alam kung bakit ko ito itinabi, walang kahit ano na nakasulat, pero sa palagay ko ay napaka importante nito.

Tumingin siya sa itaas, "Gusto ko nang makalipad," sabi niya.

"Makalipad?" pag-uulit ko. "Gusto mo bang maging eroplano?"

Isang tanong na walang katinuan lamang ang binitiwan ko. Alam kong imposible na maging isang eroplano ang tao. Maaring magpalipad ng eroplano ang tao, ngunit kahit kalian hindi magiging eroplano ang nagpapalipad nito.

"Imposible kaya 'yon. Gusto ko lang makarating sa paraiso gamit ang mga kamay ko,"

At ginamit niya ang mga kamay para lumipad kunwari. Nagmukha siyang sisiw na gustong makalipad.

"Kakaiba ka," sambit ko habang pinipigilan na matawa.

Kakaiba siya sa lahat ng kakaiba. Nanatili siyang nakatingin sa itaas. "Kapag nakita ko na 'yung hinahanap ko baka makarating na ako sa paraiso. Hindi kita iiwan, magkaibigan pa din naman tayo 'di ba?" sabi nito. "May ipapakita pala ako sa'yo" hindi ko namalayan na naglalakad na kami pabalik nang campus.

Nagmamadali siya sa paglalakad. May ipapakita daw siya sa'kin na isang magandang lugar. Palagi raw siyang nandoon para makita ang tinatawag niyang paraiso.

Naguguluhan man, sumama na rin ako sa kanya. Baka masagot ang mga katanungan ko sa lugar na pupuntahan namin.

Nakarating kami sa likudang bahagi ng paaralan kung saan matatagpuan ang maraming naggagandahang bulaklak at puno. Ngayon lamang ako nakarating sa bahaging ito ng paaralan namin. Hanggang tingin lang ako sa lugar na ito. Gusto ko man puntahan pero hindi ko magawa. Nanaig ang takot sa'kin. Pakiramdam ko kasi may kakaiba sa lugar na ito.

May isang malaking puno sa gitna, dito ay naupo si Carina sa lilim na binibigay ng puno. Inaya niya akong tabihan siya. "Nakikita mo ba ang lugar na iyon?" may tinuro siya sa kawalan.

Malawak na kalangitan ang nakikita ako ngayon. Asul at puti. Isang magandang larawan ng langit.

"Magkikita tayo doon sa tamang panahon," dagdag niya.

"Talaga?" tanong ko kahit may hindi ako naiintindihan sa sinasabi niya.

Saan sa parteng iyon kami magkikita?

"Oo. Pangako," nakangiti siyang tumingin sa'kin saglit at muli niyang pinagmasdan ang kalangitan.

Tiningnan ko ang eroplanong papel na binigay niya. Tinangay ito ng malakas na hangin. Gusto ko man itong habulin at muling kunin, huli na. Nakalipad na ito palayo sa'kin, palayo sa'min ni Carina.

~

Paper PlanesTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon