~
[5]
[Kasalukuyan]
Isang linggo na ang nakalipas.
Ilang araw ko nang hindi nakikita si Carina. Ilang araw na lang din ang natitira at matatapos na ang semester. Marami na naman mababago.
"Aleiza, tapos mo na ba 'yan?" lumapit sa'kin si Kimberly, tinatanong niya ang sinusulat kong assignment namin. Kinokopya ko ito mula sa aking cellphone.
"Oo, ito kunin mo na para masulat mo na rin,"
Ibinigay ko sa kanya ang nagawang kopya. Nakalimutan niya na gumawa ng assignment.
Nasa labas kami ng silid-aralan. Para kaming mga estudyante na walang classroom, mga nakaupo kami sa sahig. Gusto namin na dito gumawa ng assignment habang hinihintay na matapos ang kasalukuyang klase. Pwede ko rin aminin na ayaw namin pumunta sa library, inaantok kasi kami kapag doon nag-aaral.
Bumaba ako sa may hagdanan nang makita ko sina Diana, doon sila nakatambay. May binabasa silang papel, "Kilala niyo ba si Carina?" tanong ko nang makalapit ako sa kanila.
Tiningnan nila ako saglit, "Carina? Ano'ng apelyido?"
"Natividad...Carina Natividad kung hindi ako nagkakamali,"
Sa pagkakatanda ko, Natividad ang apelyido ni Carina.
Ilang sandali pa ay tumingin sila doon sa papel na nakadikit sa pader, "Ito ba 'yon?" tanong ni Diana.
Lumapit ako para basahin kung ano ang nakasaad sa poster. Nanalo kaya siya sa isang patimpalak?
Nagulat ako sa nabasa. Tiyak na si Carina ang babae na nasa larawan. Hindi siya sasali sa isang patimpalak ng aming ekswelahan o nanalo man. Wala siyang sasalihan.
"Kilala mo pala siya?" tanong ni Richelle . "Matagal na siyang nababalita dito sa school. Hanggang ngayon kasi hinahanap pa rin 'yung lalaki na sinasabing nang rape sa kanya. Kawawa siya, 'no? Graduating na dapat siya ngayong taon,"
Siya ang babae na nasa larawan.
Ang babaeng matagal ng wala sa mundo.
Ang babaeng naging kaibigan ko.
Ang babaeng patay na pero nakikita, nakakasama at nakakausap ko pa. Hindi pwedeng magkamali ang mga mata ko.
Si Carina ang babae na 'to.
"Aleiza," tawag nila sa'kin, "Tinatanong namin kung paano kayo nagkakilala,"
"Bakit parang gulat na gulat ka?" pag-usisa ni Vianca.
Paano nga ba kami nagkakilala? Hindi ko basta pwedeng sabihin ang mga nangyari. Hindi tiyak kung paniniwalaan nila ako. Bakit gulat na gulat ako? Sino ba ang hindi magugulat kung nakakakita siya ng multo? Isang napakabait na multo.
"Nagkakilala kami ng dahil sa eroplanong papel. Nabigyan niya ako dati,"
Hindi ako makapaniwala sa sinapit ni Carina.
Siya ang kaibigan ko.
Siya ang babaeng hinahanap ko ngayon.
Wala na siya.
Matagal na siyang wala.
Pero...
Paano ko siya nakakausap?
Bakit ko siya nakikita?
Gusto ko siyang makita ulit ngayon. Kailangan niya ng makakausap, kailangan ko siyang tulungan na maghanap.
~
