Dedicated to dearANYA :)
[3]
Lumipas ang mga araw at naging magkaibigan kami ni Carina. Wala man kaming eksaktong usapan na itinuturing na niya akong isa sa mga kaibigan niya, nararamdaman ko naman ito sa tuwing magkasama kaming dalawa. Sa totoo lang, wala pa akong nakikita na kasama niya sa tuwing makakasalubong ko siya sa unibersidad. Ako na ang kusang lumalapit para kumustahin at kausapin siya.
Nagkakaroon na kami ng mga kaibigan ko ng kaunting hindi pagkakaintindihan. Nagtatampo na sila dahil mas madalas akong nawawala sa paningin nila, sa kadahilanang gusto kong samahan si Carina. Kung minsan sabay kaming kumain, depende sa oras ng klase niya, nagtataka na nga ako dahil madalas ko na siyang nakikita ngayon. Hindi gaya dati na para bang hindi siya nabubuhay sa mundo.
Kagaya nang madalas kong gawin kapag naglalakad mag-isa sa campus, heto na naman ako, hawak ang aking cellphone, tinitext ang mga kaibigan para itanong kung nasaan na sila. May mga subject na hindi ko sila kasama sa klase, may mga pagkakataon naman na ako ang nahuhuli sa pagpasok, late kung tawagin ng nakararami, gaya ngayon.
Ngayong araw hindi ako nakapasok sa unang subject namin, ang pangalawa naman ay pagkatapos pa ng tanghalian. Kagagaling ko lang sa bahay at katatapos kumain ng agahan pero ito na naman ako at kakain ng ulit.
'Nasa Panini na kami. Punta ka na lang dito'
Binasa ko ang mensahe na mula kay Kimberly. Ang tinatawag ng lahat na Panini ay kainan sa loob ng aming unibersidad. Malapit lang ito sa gym ng aming paaralan. Pagpasok ng gate, sa bandang kanan mo ito makikita. Hindi ganoon kalaki ang aming canteen, sapat lang upang makapagbigay serbisyo sa mga mag-aaral.
Kung minsan pakiramdam ko mag-isa lang ako palagi kahit mayroon akong mga kaibigan. Kung minsan naman nararamdaman ko na ang daming mga mata na nakatingin sa'kin. May mga kakilala ako sa ibang kurso pero sa mukha at pangalan lang, hindi ko pa sila nakakausap.
Kilala ka sa paaralan na 'to kung nagawa mo nang manalo sa isang pa-kontest ng pagandahan, patalinuhan at palakasan. Sa mga nabanggit, wala pa akong nasasalihan. Kaya hindi na ako nagtataka kung nabibilang sa kamay ang mga kaibigan ko dito.
Bago pa ako makapasok sa loob ng Panini kailangan ko munang lagpasan ang mga estudyante na nakatambay sa labas nito. Mga nakatayo, nag-uusap, nagtatawanan. Mahiyain ako, kung maaari ipagsisiksikan ko ang aking sarili sa isang masikip na daanan para lang makalagpas sa dagat ng mga tao at hindi sila makausap o hindi nila ako bigyan ng pansin, ay gagawin ko.
Nang makalagpas ako sa mga estudyanteng nagkumpulan sa labas ng canteen, bumungad naman sa'kin ang mga estudyante na abala sa pagkain. Agad na hinanap ng mga mata ako aking mga kaibigan. Kaagad ko rin naman silang namataan sa isang sulok, nagkukuwentuhan.
Nasagi na naman sa isipan ko, paano kung hindi ko sila nakilala? Makakatapos siguro ako sa kolehiyo na may iisang kaibigan at iyon ay si Carina. Gusto ko na ulit siyang makita, 'yung mga ngiti niya na nagsasabi na 'huwag isipin ang problema'.
"Aleiza!" tawag sa'kin ni Kimberly, "Akala namin naligaw ka na," pagbibiro niya.
Nilapitan ko na sila, pinatong ang bag sa lamesa at naupo sa upuan na nireserba nila para sa'kin, "Sa liit ba naman ng campus natin maliligaw ka pa," pagbibiro naman ni Diana.
At nagtawanan silang lahat.
"Nag-iba na naman ang takbo ng utak niyo," sabi ko na lang sakanila.
Masaya silang kasama. Wala ka nang hahanapin pa sa kanilang lahat. Totoo silang kaibigan. Kung may napapansin silang mali sa mga sinasabi at kinikilos mo, kokomprontahin ka nila. Wala silang itatago sa'yong lihim. Sikreto ng isa ay sikreto ng lahat. Sa sobrang lapit namin sa isa't isa, kami na rin ang nagiging dahilan kung bakit nalalaman ng taong gusto ko na may gusto ako sa kanya. Ganyan talaga ang mga kaibigan, mas kinikilig pa sila sa'yo kung makikita o makakasalubong mo ang lalaking nagiging dahilan ng pagtambay mo sa campus kahit wala ka ng klase dahil hinihintay mo siyang lumabas ng silid o kaya naman ay mapadaan lang saglit.
"Nagutom kami sa paghihintay sayo," wika ni Kimberly.
"Binusog ko naman kayo ng kwento," sambit ni Richelle.
"Ikaw, hindi ka ba kakain?" tanong ni Diana sa'kin.
Pinag-iisipan ko, kung hindi ako kakain ngayon at alas tres pa ang tapos ng klase ko mamaya. Magugutom ako, "Bibili na ako. Dito lang muna kayo," bilin ko sa kanila. "Huwag niyo akong tatakasan!" pagbabanta ko.
Isang beses, iniwan nila ako habang bumibili ng pagkain dito, dala nila ang aking mga gamit, nagtago sila sa labas ng Panini. Isang napakagandang ideya noon. Ha ha ha. *nakaiinsultong tawa*
Wallet lang ang dinala ko papunta sa counter para umorder ng pagkain. Habang nakapila ako nagmamasid ako sa paligid. Mahilig akong mag obserba. Wala namang kakaiba ngayong araw.
Namimili ako ng ulam nang may naramdaman akong tumapik sa balikat ko. Inaasahan ko nang si Diana o Kimberly lamang iyon, pero isang babeng nakaputi na sobrang lapad ng ngiti ang bumungad sa'kin nang ako ay lumingon sa direksyon niya.
Si Carina.
Suot na naman ang pang araw-araw na uniporme at wala na naman siyang dalang gamit. Nakangiti lang siya sa'kin, "Saglit lang ah?" sabi ko sa kanya.
Kinukuha na ng babae 'yung order ko.
Napatingin sa'kin saglit ang babae na nasa harapan ko, "May iba ka pa bang bibilhin?" tanong niya nang masabi ko na ang aking gustong bilhin.
"Wala na," tumingin ako kay Carina, "Ikaw? Gusto mong kumain? Ililibre na kita,"
Umiling siya at ngumiti, "Busog pa ako," sagot niya.
"Iyan na lang po, ate. Salamat!"
Nanatili nakatingin sa'kin ang babaeng tindera, at makalipas ang ilang segundo umimik na siya, "Ahh..ganoon ba? Sige, sige. Saglit lang ha, saglit lang."
May kakaiba sa kilos at pananalita ng tindera. Kung makatingin siya sa akin ay para bang isa akong multo.
Binalewala ko lamang ang tindera, kakausapin ko si Carina nang mapansin ko na wala na siya sa aking tabihan.
Lumingon-lingon ako sa paligid at nakita ko siyang nakaupo doon sa inupuan ko kanina. Ang bilis niyang makarating sa pwesto na iyon.
Sana makasundo niya ang mga kaibigan ko. Pero hindi nila pinapansin si Carina, nagtaka ako saglit. Hindi nila Gawain ang magbalewala ng kaibigan. Ang kaibigan ng isa ay kaibigan ng lahat.
May tampo kaya sila sa pagkakaibigan namin ni Carina?
May isang bagay lang na nakapukaw ng atensyon ko. Doon sa mismong pwesto na kinatatayuan ni Carina kanina ay may naiwan na papel, isang eroplanong papel. Pinulot ko ito at tiningnan kung may mensahe ba sa loob nito.
Walang kahit ano na nakasulat dito.
~
