HINDI talaga mamatay-matay ang isyu kay Ella. Marami pa ring bitter sa kasal nila ni Devey. Pero ngayon lang siya nakadama ng pagmamalaki. Hindi rin naman siya magtatagal sa resort kaya tinarayan na niya ang mga O.I.C niya na pinag-iinitan siya at hinahanapan ng butas para masira ang pangalan niya. Mabuti na lang nariyan si Jero para protektahan siya. Hindi na siya natatakot mapatalsik sa trabaho.
Kinagabihan paglabas ni Ella sa trabaho ay nagulat siya nang may guwapong lalaki na lumapit sa kanya. Ngayon lang niya ito naengkuwentro pero paanong kilala siya nito?
"Sandali, hindi ako sasama sa iyo. Sino ka ba?" mataray na sabi niya nang niyaya siya nitong sumakay sa kotse nito.
"Inutusan po ako ni Devey na sunduin kayo. Hindi pa kasi tapos ang trabaho niya," anito.
"Sino ka nga?" inis na tanong niya ulit.
"Ako si Elias, isa sa tauhan ni Devey."
Medyo komportable na siya. Pero bago siya tuluyang sumama rito ay tinawag muna niya si Erman na nakita niya kanina sa dining. Kinomperma nito sa kanya na hindi masamang nilalang si Elias. Magkakilala ang dalawa. Pumayag na siyang ihatid siya nito.
Ngunit nagtataka siya bakit hindi patungo sa bahay nila ang tinatahak nitong daan, sa halip ay sa farm ng mga Rivas sila huminto.
"Bakit tayo narito?" tanong niya kay Elias, nang nakaparada na ang sasakyan sa garahe ng villa.
"Dito daw po kasi dederetso mamaya si Devey," anito. Bumaba na ito at nag-abala pang pagbuksan siya ng pinto.
Bumaba naman siya. Wala pa ma'y kinakabahan na siya. May atraso pa kasi siya kay Devey. "Wala akong damit rito," maktol niya.
"Si Devey na po ang bahala roon."
Iginiya na siya ni Elias sa loob ng villa, kung saan may nakahaing hapunan. Nagulat siya nang salubungin sila ng magandang babae na may suot na pulang apron. Malaking tanong na naman ang rumehistro sa utak niya.
"Hi! I'm Hannah. Ready na ang hapunan ninyo," nakangiting bungad sa kanya ni Hannah.
Hindi niya magawang ngumiti, pero dinaup niya ang inaalok nitong palad.
"Aalis na ako, Hannah. Ikaw na ang bahala kay Ella," pagkuwa'y apila ni Elias, saka nagmamadaling umalis.
"Kung hindi mo na matiis ang gutom mo, mauna ka nang kumain, Ella. Huwag mo nang hintayin si Devey, baka magka-ulcer ka," ani Hannah.
Umupo naman siya sa harap ng hapag na maraming nakahaing pagkain. "Bakit maraming pagkain?" hindi natimping tanong niya kay Ella.
"Order ito ni Devey. Gusto ka niyang busugin. Kumain ka na. May ginawa akong banana split, gusto mo ba?" anito.
"Ah, mamaya na pagkatapos kumain. Salamat."
"Okay. Siya nga pala, may pinabiling damit si Devey sa akin para sa iyo. Isuot mo raw pagdating."
"Anong damit?"
"Ah, pantulog."
Tatang-tango lamang siya. Pagkuwa'y napatingin siya sa bracelet na suot ng kaliwang braso ni Hannah. Pamilyar iyon sa kanya, hanggang sa mapagtanto niya na ganoon din ang bracelet na madalas suot ni Devey. Curious na talaga siya sa Hannah na ito. Naalala niya, ito pala ang sinasabi ni Devey na kababata nito. Ibig sabihin mas marami itong alam tungkol kay Devey, o sa madaling sabi ay mas mahaba ang pinagsamahan nito at ni Devey. Wala na dapat siyang pakialam doon, pero aywan niya bakit nakadama siya ng munting insecurity kay Hannah.