ALAS-OTSO na ng gabi pero hindi pa nakakauwi si Ella. Nag-overtime kasi siya dahil hindi dumating ang kareleyibo niya. Mabuti na lang may on-call employee sila. Kalalabas lang niya ng front office nang makita niya si Jero na kalalabas ng elevator. Nagkasabay pa silang nag-log out sa information.
"You're still here," manghang sabi nito. "Pauwi ka na ba?" pagkuwa'y tanong ni Jero.
"Oo. Nag-overtime kasi ako."
"Ah, okay. Hintayin mo na ako sa garahe, may kukunin lang ako sa opisina ni daddy," anito.
Bigla siya nabuhayan ng dugo. Nang naka-duty siya ay halos hindi na niya kayang ngumiti dahil sa pagod at stress dahil sa mga guest na maraming complain. Pagkatapos niyang mag-log out ay dumeretso na siya sa malawak na garahe ng hotel. Napakaswerte talaga ng unang araw niya sa trabaho. Si Jero talaga ang nagpasigla ng araw niya, kahit may kaunting pagkadismaya dahil sa pakialamerong si Devey.
At speaking of Devey, nakikita na naman ng mga mata niya ang bulto nitong humahakbang patungo sa kinaroroonan niya. Itim na itim ang aura nito na parang namatayan. Suot pa nito ang mabalbong jacket nitong kulay itim din. Walang bahid ng ngiti sa mukha nito, pero ramdam ng katawan niya ang presensiya nitong sadyang papalapit sa kanya.
"Hello, Ella! May balak ka atang tumira rito sa resort," kaswal na sabi nito nang makalapit may isang dipa ang pagitan sa kanya.
"Need lang mag-overtime," tipid niyang sagot.
"First duty overtime kaagad? Ano ba ang silbi ng milyones na kinikita ng resort kung hindi kukuha ng maraming tauhan?" komento nito.
"Nagkataon lang naman."
"Paano mo nasabing nagkataon, eh bago ka pa lang dito?"
"Normal lang ito."
"Hindi. Noong si Tito Erron ang namamahala ng resort, hindi napapasubo sa overtime ang mga tao."
Hindi siya nakasagot nang biglang sumulpot si Jero sa likuran ni Devey. "May problema ka ba sa pamamahala ko, Devey?" sabad ni Jero.
Marahas na nilingon ni Devey si Jero. "As I always told you, you're not a good manager. Mabuti pa si Erman, may malasakit sa mga tao," matapang na buwelta ni Devey.
"Then, it's none of your business. Ano ba ang ipinaglalaban mo?"
"I'm just concern."
"For Ella?" Humalukipkip si Jero at matalim ang titig kay Devey. "Don't worry I'll take care of her."
Kinakabahan si Ella sa daloy ng usapan ng dalawa. Hindi niya maintindihan bakit nagkaganoon ang mga ito. Noong high school sila ay parang magkapatid lang ang mga ito. Ni minsan ay hindi niya nakitang nag-away ang mga ito o kahit magbangayan.
"Fine. Ihahatid na kita, Ella," pagkuwa'y sabi ni Devey.
Hindi pa man siya nakahuma ay inagaw na ni Jero sa kamay niya ang kanyang bag. "Ako ang maghahatid sa kanya," anito.
Umatras naman si Devey. "Sabi ko nga ikaw ang maghahatid," nagpaparayang wika nito.
Sumunod na lamang siya kay Jero patungo sa kotse nito. Habang nagmamaniobra si Jero ay nakatingin lang siya kay Devey na nakatayo pa rin sa puwesto nito kanina at tinatanaw sila.
"Magkaaway ba kayo ni Devey, Jero?" hindi natimping tanong niya kay Jero, nang nakalabas na sila sa resort.
"Hindi naman. Dumarating kasi ang pagkakataon na masyado siyang nagmamagaling kaya naiinis ako. Masyado siyang mayabang. Akala niya alam na niya lahat. He's always underestimate my ability."