PAGDATING sa bahay ay inatupag kaagad ni Ella ang mga gamit niya na nagkalat sa sala. Pinabuhat niya ang mga maleta niya kay Devey at dinala sa kuwarto nilang napakalaki. Sa laki ng kama ay puwede na silang magsayaw ng chacha roon. May mini sala ang kuwarto at may extention para sa mini library. Maluwag ang banyo na may magarang jaccuzi. Pero ang mas umagaw sa pansin niya ay ang mini garden sa balcon ng kuwarto, kung saan natatanaw ang malawak na karagatan na may maliliit na isla. Sa hardin ay puro pulang rosas ang tanim. Halatang matagal nang naitatag ang dalawang palapag na bahay na iyon dahil Ginagapangan na ng damong berde ang mataas na pader. Matatarik na rin ang punong kahoy na nakatanim sa nasasakupan ng malawak na lupaing iyon.
Hindi siya makapaniwala na naipundar ni Devey ang bahay na iyon gamit ang sarili nitong pera. Na-curious talaga siya kung ano ba talaga ang pinagkakakitaan nito, maliban sa regular itong nagtatrabaho sa isang investigation agency at pribadong ospital. Hindi pa kasi siya nagkakaroon ng lakas ng loob na usisain ang personal nitong buhay.
Habang nagsasalansan siya ng mga damit niya sa closet nila ay abala naman si Devey sa pagkalikot sa munting palasyo na gawa sa styro poam. Ginawa iyon ng papa niya noong limang taon siya. Ganoon siya kaingat sa mga bagay-bagay, lalo na kapag may sintimental value.
"Ang husay naman ng papa mo, Ella. May talent siya. Ano ba ang tinapos niya?" mamaya'y wika ni Devey.
"Nag-aral siya ng Civil Engineering pero hindi niya tinapos, nagpalit siya ng kurso," aniya.
"Anong kurso?"
"Law."
"Wow! Pero ang sabi ng mama mo may investigation agency ang papa mo maliban sa ibang business."
Nawindang siya. Ang alam niya'y empleyado lang ang papa niya sa ahensiyang iyon. "Hindi pag-aari ni papa ang ahensiyang 'yon," giit niya.
"Pero pinakita sa amin ni mama ang LTO ng ahensiya, at nakapangalan sa papa mo. Siya ang nakalagay as owner. Nagsagawa kami ng imbestigasyon tungkol sa ahensiyang iyon, at napatunayan namin na ang papa mo ang nagtatag. Noong mawala siya ay pinasara ang ahensiya dahil nalamang may malaking pagkakautang ang ahensiya sa binipisyo ng mga tao at maraming discripancies sa mga papeles. Nagsinungaling ang papa mo at gumawa ng pekeng dokumento para makakuha ng permit sa gobyerno para sa ahensiya. Medina ang ginamit niyang apelyido sa halip na Kim. Ginamit niya ang apelyido ng mama mo. Pinapaimbestigahan din namin ngayon ang organisasyong pinamumunuan umano ng papa mo sa South Korea. Active pa rin ang organisasyon na iyon sa Korea pero iba na ang pangalan. Walang nakakaalam na isa sa naging empleyado ng papa mo kung ano ang dating pangalan ng organisasyon," mahabang paliwanag ni Devey.
Uminit ang bunbunan niya. Sa pagkakaintindi niya ay pinapalabas ni Devey na may anumalyang ginawa ang papa niya. Anong malay niya eh abala siya sa pag-aaral noon at wala siyang pakialam sa pinaggagawa ng mga magulang niya. Ang mahalaga sa kanya ay nasusustintuhan siya ng mga ito.
"Hindi tuso si papa, Devey!" depensa niya, habang pigil ang inis.
"Kung walang maling ginawa ang papa mo, hindi kayo naghirap, Ella. Ang milyong utang niya sa bangko, mga atraso sa dating empleyado niya, hindi ba malaking mali na iyon? Anong malay mo eh bata ka pa noon?" ani Devey, na lalong nagpakulo sa dugo niya.
"Oo, maaring nagkamali siya, pero alam ko may malalim siyang dahilan."
Napatayo si Devey. "At ang dahilan na iyon ang kailangan nating malaman, Ella. Kung totoong may dumakip sa papa mo, ibig sabihin, may nasagasaan siyang tao o kung sino na nagawan niya ng malaking pagkakamali o kasalanan. Hindi siya basta mahahamak kung wala siyang pinahamak."