Rich Kid and Zombie Girl

11 0 0
                                    

Flirting With Death



"Anim na babae. Isang lalaki."
"Ah, alam na."
"Paka judgemental mo, no?"

Tumawa ako. Nasira tuloy yung paglalagay ko ng eyeliner. Di bale, kunyari kasama sa look. Tumigil sa pagsilip sa may kurtina si Shay at bumalik sa tabi ko. Pinagpatuloy ang paggulo sa buhok niya. Ako naman, naglagay ng lipstick na lagpas-lagpas. Kunyari, dugo. Inayos na ng make-up artist yung mukha ko kanina kaya parang naagnas yung kalahati ng mukha ko.

"Nasasanay na kong ganyan itsura mo, Anna." Sabi ni Shay. Hinila ko naman ang buhok niya.
"Umayos ka ha." Sagot ko at natawa naman si Shay. "Anong itsura nung lalaki?"
"Matangkad, tisoy. Gwapo."

Napairap ako dun sa gwapo. Parehas kasi kami ng taste ni Shay kaya alam kong gwapo nga yung tinutukoy niya.

"So, dinala niya dito sa Death Dare yung mga kasama niyang babae. Para ano? Para kapag natakot, yayakap sa kaniya. Naku, lumang tugtugin na yan." Sabi ko habang inaayos o ginugulo yung damit ko para magmukhang ilang araw na kong hindi nagpapalit ng damit o naligo man lang. Pero halata naman yun kasi butas yung damit ko.

"Alam mo ikaw, Savannah Louise Reyes, kung makapag-generalize ka, wagas. Hanggang langit." Sabi ni Shay at ngumiti ako. Napaka-inosente talaga ng kaibigan ko.
"Ilang buwan na ba tayo dito sa Death Dare?" Tanong ko.
"Anim na buwan?" Sabi ni Shay at nagbilang sa kamay niya. "Anim."
"Hindi pa ba enough yung anim na buwan para sabihin kong halos lahat ng lalaking nagpupunta dito sa Death Dare, ganun yung plano? Matakot ang kasama nilang babae para maka-chancing sila."
Nagkibit-balikat si Shay. "Itong isa, hindi yata. Basta, iba yung dating."
Umirap naman ako. "Yun din ang sinabi mo sa ibang lalaki dati."

Death Dare o para mas kumpleto, Death Dare Manila, ay isang interactive game o maze kung saan yung mga gustong sumali ay papasok sa loob ng isang abandoned building. Ang building na yun ay puno ng mga zombie. Sino yung zombie? Kami. Kaya nga ganito ayos namin. Abandonadong building na siya at nasa gitna ng kawalan. Biro lang, 50 minutes outside of Manila lang. Pero nakakatakot pa rin. Yung mga players, dapat ma-solve nila ang isang puzzle. Kapag hindi, kami ang mananakot.

Nag-apply ako dito para may konting income dahil naghahanap pa ko ng trabaho. Okay naman yung sweldo at SOBRANG enjoy manakot ng tao. Lalo na yung mga lalaking nagte-take advantage dito sa Death Dare. HINDI AKO BITTER. Kasi alam kong may mga babae ring ganun. Iimbitahin ang lalaki para makayakap rin. Wala lang. Nakakatawa na nakakaasar lang. Target ko talaga yung halatang mga nagcha-chancing. Ilang beses na kong nakahuli nung mga ganun at tinakbuhan ang kasama nila sa sobrang takot. Mwa ha ha ha.

"Ready ka na?" Tanong ni Shay at tumayo mula sa upuan niya.
"I was born ready. " Sagot ko.
"Ano ba yan, Anna. Everytime tatanungin kita ganyan ang sagot mo. Feeling mo nasa movie tayo."
Natawa ako. "Bakit ba? Favorite part ko 'to no."

Pumunta na kami sa pwesto namin. Nagtago ako at naghintay para sa mga tatakutin ko. Excited na kong makita yung gwapong sinasabi ni Shay para lang takutin siya. As if on cue, biglang tumugtog ang nakakatakot na music. Ibig sabihin, start na ng first batch ng tatakutin. Narinig kong pumasok na sa sila sa unang kwarto kung saan ang unang problem na kailangan nilang i-solve. In fairness, mukhang mabilis nilang natapos ang first at second problem dahil sumigaw na si Shay. Siya kasi yung nanakot sa labas ng second room. Kung sumigaw siya, ibig sabihin nakalabas na ang grupo at papunta na sa final room.

MY TURN!!!

Nagtago ako sa likod ng kurtina ng kunyari-kunyariang bedroom na 'to. Nasa harap ng kurtina yung salamin. Ang final clue, nasa likod ng salamin na 'to. Pumasok na ang grupo. Sinilip ko isa-isa ang tatakutin ko. Oo nga. Tama si Shay. Pogi nga si mr. Pogi. Charming. Isa-isa silang naghanap ng clue. Malapit na nilang ma-solve ang problem at nandun na sila sa lamesa na may salamin. Lumabas ako sa kurtina para takutin sila at maubusan ng oras. Tumapat ako sa salamin. Isa-isa silang tumingala sa reflection ko.

1...2...3...

"AAAHHHHH!!!! JUSKOPO!!!"

Sabay-sabay silang sumigaw, except si Mr. Charming na nakatulala lang. Biglang naglabasan yung mga babae sa kwarto at binitawan lahat ng clues na nakuha nila. Nagsarado na ang pinto. Nakangiti na si Mr. Charming at nainis na ko. Dapat natatakot siya eh! Wala pang hindi natatakot sa akin!

"Ngaaaar!!!!" Sigaw ko at nilapit ng konti ang mukha ko sa kanya.

Tinakpan nya ang bibig nya kasi natatawa pa siya. In character ako kanina pero ngayon hindi na.

"Anong problema mo?!" Naiinis na tanong ko.
"I'm sorry." Tawa pa nya. "Ikaw pala yun."
"Ang alin?" Inayos ko ang buhok ko na nakakain ko na dahil sa sigaw ko kanina.
"Yung secret weapon ng Death Dare. Kung bakit walang nakakasolve ng problems kasi nanakot ka!"
"Trabaho ko kasi yun!" Sabi ko.
"At ang galing mo! I'm a fan." Sagot ni pogi na may pahawak-hawak pa sa chest nya to show sincerity. Bago to ha. "Actually, nagpunta lang kami ng mga kasama ko dito kasi gusto ko lang talaga malaman kung unbeatable ba talaga 'tong Death Dare. Now I know, kayang-kaya ang problems, distraction ka lang."
"Teka, nagpunta ka lang dito para malaman yun? Hindi ka...hindi ka nang-chachancing?"
"Huh?" gulat na tanong nya. "Hindi ah. Mga ano um, kasambahay namin yung kasama ko."
Nanlaki ang mata ko. "Ano?! Anim ang maid niyo!? Ang laki mo na may yaya ka pa!"

Sasagot sana si Mr. Charming kaso tumunog na ang buzzer. Ibig sabihin tapos na ang first batch at dapat maghanda na sa 2nd batch.

"Kung sobrang fan ka, alam mo naman na siguro ang procedure. Iaalay na kita sa Death Dare." Sabi ko.
Ngumiti sya. Abot hanggang tenga. "I've been waiting for this!"

--------------------------------------------------------------------------------

Sumilip ako sa may lobby, hinahanap na ng mga yaya si charming. Nakikipag-away sa receptionist namin. Pinipigilan kong tumawa.

"Teka, ilabas niyo yung alaga namin. Di nyo pwedeng kunin yun!" Sigaw ng isang babae.
"Yun po ang rule mga madam." Sagot ni receptionist Yvette. "Kapag di niyo natapos at may natira sa Final room, iaalay sya sa Death Dare."
"Anong iaalay?!" Sigaw nung isang babae. "Ano, di na naman makikita yung alaga namin? Ano ba tong larong to!"
"Ma'am, pumirma po kayo sa agreements. Ganun po talaga."

Paborito ko rin sa part na to yung mga guest na hindi nakakaintindi na joke lang naman ang lahat. Syempre di naman pwedeng itago namin yung guests. Illegal detention yun, huy. Parang kidnapping na rin. Natatawa sa likod ko si Mr. Charming. Naka-makeup na siya. Gnaun kasi. Kapag naging alay ka, dapat handa ka ring manakot sa next batch ng guests. Zombie ka na rin. In fairness kahit naka zombie make up, lutang pa rin yung kagwapuhan ni Charming. Parang hindi naman nakakatakot. Humarap ako ng tuluyan sa kanya habang nakasandal sa dingding. Compressd kami dito sa small space kung saan sumisilip sa lobby.

"Hoy." Bulong niya. "Ano palang name mo?"
"Savannah. Anna na lang."
"Ah."
"Ikaw, anong pangalan mo?"
Tumingin naman sya sa mga mata ko. "Alam mo ba, para sakin, di ganun ka-convincing para sakin yung zombie look mo."
Umirap ako. "Bakit naman?" 
"Yung mga mata mo kasi. Masyadong expressive."

Kumunot naman ang noo ko. Natawa sya at hinawakan yung noo ko. Parang pinaplantsa.

"Nakakunot yang noo mo. Stop worrying. Maaga ka magkaka-wrinkles."

Gago. Inalis ko yung kamay nya.

"Hoy, Mr. Charming. Kapag yang mga yaya mo---"
"Di ko sila yaya. Anong tawag mo sakin?"
"Kapag yang mga kasama mo nagwala dito, ibabalik kita sa labas."
"Huy, wag ka naman ganyan. Looking forward nga ako manakot eh."
Natawa ako. Nagtakip tuloy ako ng bibig para di marinig. "Teka, sadya ka nagpaiwan kanina?"
"Oo. Para ialay. Pathetic ba?"
"Medyo."

Tinulak nya ko kahit nakasandal na ko sa dingding.

"Ang saya kaya ng trabaho mo." Sabi nya at sumilip ulit sa labas.
"Nasasabi mo lang yan dahil rich kid ka."
Tinignan nya ko ng masama. "Hindi ah. Marunong akong...marunong akong kumayod."
"Talaga? Patunayan mo nga."
Mas nilapit nya pa sakin ang mukha nya. "Fine. Ako ang mananakot sa final room. Tapos ikaw sa third batch. Paramihan ng lalabas ng kwarto?"

I bit my lip. Baka mapagalitan ako ni boss kapag di ko ginawa ang trabaho ko. Pero nakikita ko yung determination sa mata nya. May gustong patunayan.

"Sige."
"What? Really? Pumapayag ka?"
"Game on, rich kid."
"Game on, indeed, zombie girl."


to be continued??

See the world through the eyes of the rich kids and the zombie girl.

Naabot mo na ang dulo ng mga na-publish na parte.

⏰ Huling update: Jun 10, 2016 ⏰

Idagdag ang kuwentong ito sa iyong Library para ma-notify tungkol sa mga bagong parte!

Shorts (Short stories)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon