ACT 8: Kahilingan Sa Balon✔

955 8 1
                                    

ACT 8: Kahilingan Sa Balon

NOON UNANG PANAHON, ang liwanag ng araw ay dumapo sa makikinang na haligi ng Kaharian ng mga White, tila sumasalamin sa karangyaan at kapangyarihan nito. Isang kalesang magara ang huminto sa harap ng tarangkahan, at bumaba ang isang lalaki-matikas, may tindig ng isang dukeng sanay sa tungkulin-kasama ang kanyang anak na babae.

"Haring Fernando, isang karangalan na makapunta rito," ani Duke Armando Grimm habang magalang na yumukod. "Narito ang aking anak, si Ella."

Ang batang si Ella, sampung taong gulang pa lamang, ay tumingkayad upang yumuko sa harap ng hari. "Ikinagagalak ko po kayong makilala, Haring Fernando White!" Ang boses niya ay puno ng galak at paggalang.

Ngumiti ang hari, nagbabadya ng kalugod-lugod na pagtanaw.

"Napakagandang bata, at higit pa roon, magalang. Magandang pagpapalaki, Duke Armando," ani Haring Fernando, saka tumingin sa kanyang sariling anak na nagtatago sa kanyang likuran.

"Narito naman ang aking anak, si Snow White. Sampung taong gulang na siya sa susunod na buwan," sabi ng hari habang pilit na hinihila si Snow mula sa kanyang taguan.

Si Snow ay halos maglaho sa likod ng ama, nahihiyang tumingin sa mga bisita.

Nanginginig pa ang boses nang magsalita, "A-ako po si Snow White. Ikinagagalak ko po kayong makilala."

Napangiti si Ella sa kanyang kasing-edad. "Huwag kang mahiya. Magiging magkaibigan tayo," wika niya, ang boses ay parang alingawngaw ng init ng araw na bumabati sa malamig na hangin.

Nag-usap ang mga ama, tila naiwang magkaibang mundo sina Ella at Snow. Sa likod ng palasyo, tahimik nilang tinahak ang isang hardin na tila pinalamutian ng mga engkanto-mga bulaklak na sumisilip sa bawat sulok, at isang balon na tila naliliman ng hiwaga.

"Ito ang balon ng kahilingan," ani Snow, ang kanyang mga mata ay nagningning sa ilalim ng anino ng mga puno. "Dito ako madalas humiling. Sabi nila, kapag inilabas mo ang iyong hiling, hindi ito natutupad."

Namilog ang mga mata ni Ella. "Talaga? Parang gusto ko nang humiling ngayon!"

Kumuha sila ng tig-iisang bato, at unang inihagis ni Snow ang kanya. Mariin siyang pumikit, at nang dumilat ay may munting ngiti sa kanyang mukha. "Hindi ko pwedeng sabihin, sekreto ito," ani Snow.

Tumawa si Ella. "Ako naman!" Inihagis niya ang bato at mariing pumikit, parang tinatahi sa kanyang puso ang kanyang hiling.

"Anong hiniling mo?" tanong ni Snow, sabik na malaman.

"Secret din!" sagot ni Ella, tumatawa habang sabay silang tumingala sa bughaw na langit.

Mula sa terasa ng palasyo, napansin ni Ella ang isang babae-ang madrasta ni Snow, si Ravenna.

Napakaganda nito, animo'y isang diwata na iniluwal mula sa sinag ng araw. Ngunit may kung anong lamig sa kanyang titig na tila bumalot sa paligid.

"Sino siya?" tanong ni Ella, punong-puno ng paghanga.

"Siya si Ravenna, ang madrasta ko. Pero ayaw niyang tinatawag siyang mama. Kaya Ravenna na lang," sagot ni Snow, na may halong lungkot sa kanyang tinig.

Kumaway si Ella, ngunit walang tugon mula sa babae. Bagkus, tumalikod ito at naglakad papasok sa palasyo. Napansin ni Ella ang lungkot sa mga mata ni Snow.

"Pasensiya ka na. Gano'n talaga siya," ani Snow, pilit na ngumiti. "Lagi siyang gano'n. Basta tungkol sa kanyang kagandahan, wala siyang ibang iniintindi."

Hinawakan ni Ella ang kamay ni Snow. "Huwag kang mag-alala, Snow. Narito ako. Magkaibigan tayo mula ngayon."

Sa ilalim ng araw, habang nagtatawanan ang dalawang bata, tila nabalot ng pag-asa ang buong paligid. Ngunit sa likod ng mga pader ng palasyo, may alingawngaw ng inggit at lihim na plano na nagkukubli sa kagandahan ni Ravenna.

Ang balon ng kahilingan ay nanatiling tahimik, tila iniipon ang mga hiling ng dalawang inosenteng bata-mga hiling na mag-uugnay sa kanilang mga tadhana sa darating na panahon.

WARRIOR PRINCESS CINDERELLA Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon