ACT 10: Ang Magical Dark Knights ng Black Empire✔

858 9 3
                                    

ACT 10: Ang Magical Dark Knights ng Black Empire

Ang malakas na ihip ng hangin ay nagdadala ng lamig sa rooftop ng Fablecrest Academy. Sa ilalim ng maitim na langit na puno ng mga bituin, apat na pigura ang nakatayo. Ang kanilang mga anino ay tila nagtataglay ng bigat ng mga lihim na hindi dapat mabunyag.

Si Kevin, ang lider, ay nakatingin sa malayo, ang kanyang mga mata’y parang nagbabantay sa isang bagay na hindi makita ng iba. Si Jayden, ang pinaka-istrikto at seryoso sa grupo, ay nakapamaywang at halatang inis. Si Vincent, ang mapagbirong miyembro, ay nakasandal sa pader, habang si Theo, ang tahimik ngunit mapanlikha, ay tahimik lamang na nakikinig sa usapan.

“Huwag nating sayangin ang oras dito,” ani Jayden, ang boses niya’y puno ng pagkainis. “Hindi tayo narito para makipaglaro.”

Binalingan siya ni Kevin, ang kanyang titig ay malamig ngunit kalmado. “Alam ko.”

Ngunit hindi nakatiis si Jayden. “Però anong ginagawa mo? Nakikipaglaro ka sa isang ordinaryong babae na ‘yun? Hindi ba’t sinabi nating walang personalan?”

Napakurap si Kevin, ngunit hindi siya sumagot kaagad. Sa halip, tinapik niya ang railing ng rooftop, tila nag-iisip ng sagot na tama.

Nang magsalita siya, ang kanyang tinig ay mababa ngunit puno ng diin. “Kasama ito sa plano ko.”

“Plano?!” sumiklab si Jayden. “Ano pa ba ang plano mo, Kevin?"

"Ang ayusin mo ay ang trabaho mo. Asikasuhin mo ang paglilinis na mapaalis ang pakialamerang ‘yun!”

Saglit na katahimikan ang bumalot sa grupo, hanggang sa huminga nang malalim si Kevin.

“Ginagawa ko ang lahat ng ito para sa misyon natin. Kaya kung may problema ka, Jayden, siguro ayusin mo muna ang sarili mo.”

Napapadyak si Jayden at tumalikod, ang kanyang mga kamao’y mahigpit na nakatikom. “Huwag mo akong turuan ng trabaho ko.”

“Kalma lang, guys,” ani Vincent, na tila nagtatangkang ayusin ang tensyon. Ang kanyang ngiti ay hindi nawala kahit na ang paligid ay puno ng init.

“Narito tayo para sa ating misyon, hindi para magtalo-talo.”

“Bakit hindi mo itanong kung sino ang laging mainit ang ulo?” balik-tanong ni Kevin, ang boses niya’y puno ng sarkasmo.

Ngunit nanatiling tahimik si Jayden. Sa isang sulok, si Theo ay nakatayo pa rin, tahimik na parang anino. Ang kanyang mga mata ay nasa kanila, ngunit ang kanyang isip ay tila nasa ibang lugar.

“Vincent, ano bang nakakatawa?” tanong ni Kevin, bahagyang sumimangot nang mapansing natatawa ang kasamahan.

“Wala,” sagot ni Vincent, sabay kibit-balikat. “Ang intense niyo lang. Parang teleserye.”

Napailing si Kevin, ngunit hindi niya maiwasang mapangiti nang bahagya.

Sa kabila ng tensyon, alam niyang maaasahan niya ang grupo sa anumang laban. Tumayo siya nang diretso at huminga nang malalim.

“Tama na ‘yan. Ipinapatawag tayo,” sabi niya, ang boses ay nagkaroon ng seryosong tono

Sa pagbaba mula sa rooftop, naramdaman nila ang bigat ng kanilang misyon. Ang bawat hakbang pababa ng hagdan ay parang nagdadala ng dagdag na responsibilidad.

Si Jayden, kahit galit, ay nanatiling tahimik. Ngunit ang kanyang isip ay puno ng mga tanong. Bakit nga ba napapansin niya ang pagbabago sa kilos ni Kevin? At bakit tila ang isang ordinaryong babae na si Ella ay nagiging bahagi ng kanilang mundo?

Si Kevin naman ay tila abala sa kanyang sariling iniisip. May dahilan siya kung bakit pinili niyang bigyang-pansin si Ella. Alam niyang hindi siya dapat magpadala, ngunit hindi niya maiwasan. May kung anong koneksyon ang nararamdaman niya tuwing napapalapit siya kay Ella—isang damdamin na hindi niya maipaliwanag.

WARRIOR PRINCESS CINDERELLA Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon