Isang babae, magagarang damit at isang sulok ng kwarto lang naman yung kailangan para kahit papaano ay mailipad tayo ng imahinasyon natin sa ibang dimensyon na tayong dalawa lang yung may alam. Tuwing recess at lunch break, sa halip na mga kwaderno at libro, ito madalas ang hawak natin. Sa piso, mula sa baong inipon pa ni inay at itay, bumibili tayo ng mga laruang papel, madalas may kasama pa nga itong kendi kaya sulit na din yung piso mong ibinawas sa sampu na mayroon ka. Tanda ko pa kung paano ka unang lumapit habang hawak ang mga manikang papel mong bago pa, ang ilan sa mga damit ay nakakabit pa din sa papel na pinagdikitan nito. Tayo lamang noon ang laman ng isang sulok na iyon na habang ang lahat ay naglalaro sa labas ng silid aralan na manikang papel din ang hawak ng mga babae at bola naman yung sa mga lalaki. Niyaya mo akong makipag-laro sayo at ewan ko ba, kahit sanay ako mag isa at hindi ako sanay sa tao ay nakuha mo din agad yung loob ko ng mga panahon na iyon, siguro dahil na din katulad ng mga manikang papel na hawak nating pareho ay kamukha mo sila. Mahaba ang buhok at maganda.Minsan, pinapahiram mo sa akin yung mga damit ng mga manika mong papel, binibihisan natin sila ng makukulay na mga bistida, gumagawa tayo ng mga kwento at sa mga istorya na iyon, binibigyang buhay natin sila. Kunwari pupunta sa mall at bibili ulit ng mga magagarang damit, may mga mangingibig katulad ng mga istorya na pinapanood natin sa telebisyon at madalas ang mga istoryang nabubuo natin ay mga kwento na gusto nating mangyari sa susunod na panahon kung saan malaki na tayo dahil mga bata pa tayo noon. Pag sinabi mong gabi na, magpapaalam na ang mga manika sa bawat isa, na boses naman natin na kayliit yung nagsasalita, sasabihin na kailangan na nilang matulog pareho kasabay ng pagsisimula ng panibagong klase tuwing hapon.
Pag may mga nasisira, mga manikang naputol na yung leeg sa kapapalit natin ng damit at mga damit na hindi na kumakapit dahil wala na yung nagdidikit ay hindi din tayo umiiyak dahil piso lang naman at makakabili ulit tayo, katulad nga ng sinabi ko nung simula, may kendi pang kasama kaya sulit na din kung bibili tayo ng bago.
Dekada na din, at wala na ang mga manikang papel na dating nagbibigay aliw sa atin. Ang simbolo ng kabataan na mayroon tayo. Ngunit ang totoo naman, hindi talaga ito nawala, dahil sa paglipas ng panahon, ang dating mga laruang papel ay naging tayong dalawa. Tayong dalawa na nagsumikap na makibagay sa kanila. Nagbibihis ng magagara, lumalabas para magsaya, natutong mag lagay ng kung ano mang ornamento at mga pinta upang pagtakpan ang mga ilang parte na hindi natin parehong matanggap sa ating mga sarili, mga kahinaan na alam nating nandyan lang. Ikaw at ako, pareho tayong naging manikang papel, hindi man napuputulan ng leeg, madali din tayong masira. Nakakakilos man ng maayos, pero madalas para bang parati na lang may nagko-kontrol sa atin, minsan nga ang galing din nating magpanggap na para bang wala din tayong nararamdaman, nagpapakaperpekto, namumuhay sa ibang pagkatao para matanggap lamang ng mga mapanghusgang matang nakatingin sa atin pareho sa lipunang hindi naman natin ginusto. Pero di gaya ng mga ito, nakakaramdam tayo, nasasaktan, napapagod at minsan nga nawawalan na din ng ganang mabuhay. Maiisip na lang natin na sa ilang mga parte sa buhay na ito, sana naging katulad na lang natin sila, yung pag natatakot tayo, nagagalit tayo, yung mga panahon na gusto na lang nating umiyak dahil sobrang pagod na tayo sa lahat, sa mundo at sa mga tao, sana wala na lang din tayong maramdaman. Sana di na lang tayo nasasaktan.
Pero hindi din katulad ng mga ito, na kapag nasira ay pwedeng paltan pa, hindi tayo naging ganoon. Hindi mapapaltan ng piso o kahit magkano ang mga bagay na nasira at nakasakit sayo at maging na din sakin. Maari ulit natin itong buuin, hanapin muli ang mga pirasong nawala, ang mga maliliit na detalye na bumuo ng pagkatao natin, susubukan natin itong pagsama-samahin dala ang pag asa na baka sakaling maayos pa, baka makakita pa tayo ng silbi sa mga pirasong ang mga ilan ay nadurog na sa sobrang lakas ng pagkahulog idagdag mo pa na nakalimutan natin pareho na hindi pala tayo ganoong katibay, may kahinaan din tayo. Maari nating takpan ang mga butas, ang mga parte kung saan hindi na nagawang ibagay ang ilan sa hawak nating piraso, takpan natin ang mga kakulangan gamit ang ibang bagay na alam natin hindi kabilang doon, oo baka sa pangalawang pagkakataon, maaayos pa din tayo pareho, parang kagaya lamang ng paglalagay ng isang scotch tape sa mga sirang parte ng laruang mayroon tayo dati, kahit papaano may silbi pa din naman hindi ba? Magagamit pa din at mapapagtyagaan, ganuon din tayo. Pero iba na. Hindi na katulad ng dati. Hindi na kasing ganda noong mga una, hindi na nagdudulot ng saya. Pero sana nga may silbi.
ŞİMDİ OKUDUĞUN
Naghihintay sa wala, Umaasa sa wala (Prose and Poetry)
PoetryDahil ang lahat ng nararamdaman at libo libong mga tanong at salita na gumugulo sa puso't isipan ay kailangan ding isulat pagkat kailan man ay di ito mabibigkas at maipapahayag ng isang manunulat.