Napakababaw na sabihin ang salitang "gusto kita" para ipaliwanag ang pagkakagulo at pagkalito ng bawat selula na mayroon ako ngunit mabigat din kung sasabihin kong mahal na nga siguro kita. Mahal na kita. At oo, sa sitwasyong ito, hindi ko alam kung saan ako lulugar, at hindi ko din matimbang kung nasaan tayong dalawa, marahil ay nasa silangan ka habang ako ay nasa kanluran, hawak ang mapa-patungo sayo, may direksyon ngunit naliligaw pa din dahil patuloy pa rin akong nagtatanong at naghahanap kung nasaan ako sayo? Masyado ng malabo. Para kang isang bugtong na dapat pag isipan, pag-aralan at intindihin. Ang hirap mong intindihin. Gusto kong isipin na gusto mo din ako, pero sa mga kilos mo, na sa sobrang pagmamasid ko ay halos napag aralan at nakabisado ko na, palaging nasa gitna lahat at kagaya ng isang mahirap na bugtong, mahirap pa ding bigyang ng kasagutan. Kumbaga sa pagitan ng oo at ng hindi tayo yung baka, pwede, marahil, siguro, ewan, maaring pwede naman. Sa pagitan ng mainit at malamig na tubig parating tayong dalawa yung maligamgam, sa pagitan ng umaga at ng gabi, ikaw at ako yung hapon na nag aagaw ang liwanag at ang dilim. At sa pagitan ng ikaw at ng ako, maaring magkaroon ng "kayo na pala?" o siguro ay yung salitang "kami ng dalawa." At oo, alam kong sa pagitan ng ikaw at ng ako, posibleng hindi magkaroon ng salitang "tayo."At hindi ako sigurado kung may kahahantungan ba itong mga pagsugal ko, na sana hindi ko na kailangan pang sumisid ulit sa ilalim ng tubig at malunod sa mga pag iisip tungkol sa ikaw at ako at ng salitang tayo, na ayaw kong mabighani sa ganda ng mundo sa ilalim at hilingin sa langit kung maari akong manatili na lang kahit na alam kong hindi nya ako pagbibigyan dahil ang mundo na yun at ang mundo na mayroon ako ay mananatiling magkaiba at nakakasigurado akong pag dumating ang panahon na yun hinding hindi ko kayang sagipin ang sarili ko dahil alam kong malulunod at malulunod ako. Na sana hindi ko na kailangan pang sumisid at sumugal ng mag isa, na kung itinadhana talaga ng nasa itaas na pagtagpuin tayong dalawa magiging kakampi ko ang langit at dadalhin ka sa akin ng mga alon na patuloy na sumasayaw sa hampas ng hangin, ngunit pinapanatili pa ding kalma ang mga parte na dati ng dinaanan nya.
At nakakatawa na sa ngayon ay wala akong magawa kundi ang umupo sa dalampasigan at pagmasdan ang paglubog ng araw dito sa kanluran gaya ng pagsikat nito sa silangan na patuloy na ginigising ka dahil nakakasawa din palang maglaboy maghanap ng sagot sa bugtong na ako din naman yung gumawa at dumepende lamang sa mapa, na siguro na sa sandaling ito gusto ko naman na ako yung matagpuan na mahirap na ding sumisid ng mag isa at yakapin ang mga kaisipang hindi ko alam kung ikaw ay nagkakaroon din. Pero patuloy ko pa ring hinihintay na sa bawat pagdating ng mga bagong alon ay kasama ka nila kasabay ng pagkalma nito sa dagat habang unti-unti itong nalulusaw sa pag usbong ng mga bago at ang mga bago ay malulusaw din at papalitan ng mga bago, gayundin ang mga selula sa katawan ko, hahawiin ang pagkalito, magiging panatag at bubuo ng kapayapan sa unos sa loob na nagkaroon ako, na magiging makabuluhan kung pareho tayong sumugal, hindi lamang ako, at hindi lamang din ikaw. Pagkat ang pag ibig ay hindi lamang ginawa para sa nag-iisa, kundi palaging parati sa dalawa.
ŞİMDİ OKUDUĞUN
Naghihintay sa wala, Umaasa sa wala (Prose and Poetry)
PoetryDahil ang lahat ng nararamdaman at libo libong mga tanong at salita na gumugulo sa puso't isipan ay kailangan ding isulat pagkat kailan man ay di ito mabibigkas at maipapahayag ng isang manunulat.