Lumipas ang mga gyera at ang pagkagunaw ng mundo. Ang mga luntiang kagubatan ay tila naging malawak na disyerto. Ang mga siyudad at mga gusali ay tuluyan nang nawasak. Nasadlak sa hirap ang mga tao mula sa lugar na tinatawag na 'Paraiso'. Ang pagkain ay mahirap nang mahanap, natuyo ang mga ilog at ang mga lawa, itinuring na ang kabuuan ng mundo bilang patay na alaala. Wala na halos hayop ang makikita sa lugar na ito, wala na halos nabubuhay kundi ang mga tao na naghihikahos sa kanilang pang araw-araw na pamumuhay.
Simula nang matapos ang gyerang nuklear ay sunod-sunod na delubyo na ang naganap. Nagbago ang panahon, ang mga lugar kung saan umuulan ng niyebe ay biglang natuyo. Ang mga halaman ay imposible nang tumubo dahil sa radiation. Ang mundo ay lalo pang naging mainit, natuyo ang mga lawa, mga ilog at maging ang malaking parte ng karagatan. Naganap ang napakalaking gyera bago mangyari ang panahong iyon. Bakal laban sa bakal, tao laban sa tao at higit sa lahat, tao laban sa pwersa ng kalikasan. Walang nanalo, ang lahat ay nagunaw. Isang patay na planeta nang maituturing ang mundo. Tila isang wasteland at tapunan ng mga bakal at basura. Ang mga siyudad sa panahong ito ay nababalutan na rin ng buhangin. Kung may halaman man ay iyon ang mga nakapulupot sa nilulumot at naaagnas nang mga gusali. Wala nang kahit anong teknolohiya sa mundong iyon kundi ang ilang mga naisalba at ginawa ng mga tao na nakaligtas mula sa gyera at pwersa ng kalikasan. Halos buhangin at abo na lamang ang makikita sa dulo ng paningin ng lahat.
Ang mga tao ay umaasa na lamang sa mga piraso ng bakal bilang kanilang katulong sa kabuhayan. Ang mga piraso ng bakal na kanilang napupulot ay ginagawa nilang mga robot na may sariling pag-iisip. Ang iba ay ginagamit bilang kakaibang imbensyon na tutulong sa kanilang pang-araw-araw na kabuhayan, higit sa lahat, sa paghahanap ng tubig.Naniniwala ang mga taong ito sa teknolohiya ngunit mayroon ding ibang tribo na naniniwala sa mga babaylan at salamangka. Naniniwala sila sa mahika upang makapanggamot. Walang lunas sa malubhang sakit sa panahong ito dahil wala na ring mapagkuhanan ng gamot. Walang mga halaman, ang mga gamot at bagay naman na kanilang nakikita upang makapanggamot ay kinakalawang at nabubulok na. May iba't-ibang tribo ang nakatira sa lugar na tinatawag na 'Paraiso.' Ang mga tribong ito ay nagkahiwa-hiwalay base sa kanilang mga paniniwala, kultura, pangalan, pinanggalingan at angkan. Mayroon ding mga bandido at mga tribo na nakikinabang lamang sa pagnanakaw at sa pagkitil ng buhay ng iba. Naging magulo na ang sangkatauhan sa panahong ito. Ang tanging pinoprotektahan lamang nila ay ang kanilang mga tribo, paniniwala at pamilya.
Magkakaiba man ang paniniwala at kultura ng mga tribong ito, mayroon pa rin silang pinangingilagan at kinatatakutan, ang mga 'mutano'. Tinatawag nilang mga mutano ang isang grupo ng mga tila halimaw na nagkatawang tao na ito dahil sa kanilang kakaibang itsura. Nabubulok ang ibang parte ng kanilang mga katawan. Marami silang tato at mga latay na tila naging peklat na. Ang kanilang mga mata ay nanlilisik, mababangis at walang awa sa kanilang mga biktima. Mabibilis, madugo, madudungis at brutal sila kung makipaglaban. Higit sa lahat, gumagamit din sila ng teknolohiya na kanilang nakakalkal at napupulot sa malawak na tambakan at buhangin upang gumawa ng mga gamit na pandigma. Sa panahon kung saan ang teknolohiya ay nawasak, napaglumaan at kinakalawang na, sa kanila na ang may pinakamoderno at pinakamisteryoso. Hindi nila alam kung saan galing ang mga halimaw na ito, hindi nila alam kung paano sila nabuhay sa ganoon karahas na kondisyon. Ang alam lang ng mga tao ay delikado sila at kinatatakutan kaya't lumilipat sa iba't-ibang lugar ang ibang mga tribo para lamang makaiwas sa kanila at mahanap ang totoong 'Paraiso.'
YOU ARE READING
Resiklo: Recalibration (Spin Off)
Science FictionLumipas ang mga gyera at ang pagkagunaw ng mundo. Ang mga luntiang kagubatan ay tila naging malawak na disyerto. Ang mga siyudad at mga gusali ay tuluyan nang nawasak. Nasadlak sa hirap ang mga tao mula sa lugar na tinatawag na 'Paraiso'. Ang pagkai...