3. Ang Babaylan ng Kanluran.

134 13 0
                                    

"Hininang ng apoy at asupre ang kanyang katawan, ang langis ay tila dugo nang dumadaloy sa kanyang mga ugat, ang puso ay ang makinang walang kapaguran...gigising siya sa oras ng labanan."

-

"Jeng jeng jeng jeng jeng jeng jeng jeng jeng jeng jeng jeng jeeeeeng!" Sinabayan ni Inoy ang isang lumang tugtugin mula sa niluma at kinakalawang nang radyo.

Pumipitik pa ang kanyang daliri habang inuugoy ang kanyang ulo. Napatingin naman sa kanya ang robot na anyong lobo na kasalukuyang nakaupo at nahihimlay lamang sa mabuhanging sahig sa kanyang tabi.

"Kailan mo ako hahagkan...matagal na akong naghihintay. Nakadungaw sa bintana, mga dahon lang ang kumakaway..." anya ng kanta. Nababali pa ang tunog nito dahil sa lumang cassette ang ginagamit na nakasalang sa radyo.

Panay naman ang pukpok ni Inoy gamit ang isang martilyo sa isang maliit na piraso ng bakal. Pinoporma niya ang bakal na iyon ayon sa kanyang kagustuhan. Maya-maya pa ay kinuha nya na ang isang tila armas na isinusuot sa kanang kamao ng kung sino mang gagamit nito. Ikinabit nya ang piraso ng bakal na iyon at isinuot iyon sa kanyang kanang kamay. Kinuha nya ang isang pahabang bala na gawa sa mahabang bakal at itinutok iyon sa isang lata na nakatayo sa di kalayuan. Pinihit nya ang maliit na piraso ng bakal na nasa gilid ng kanyang braso. Kumawala ang maliit na pana mula dito. Tumama iyon sa lata ngunit agad na napayuko si Inoy nang makitang pabalik ang balang iyon sa kanya.

"Kailan ko madaramdaman, pagdampi ng iyong labi...tinatanong ko ang mga bituin..."

*PAAK!*

Tumama naman ang panang iyon sa maliit na radyo kung saan nakasalang ang cassette tape na pinapapatugtog ng bata. Napayuko naman siya.

"Hala!" gulat nyang sambit.

"Inoy ano ba 'yan?!" sigaw naman ni Tata Selo na nasa kabilang dulo ng malawak na tambakan na iyon. Itiinaas pa niya ang welding mask na nasa kanyang ulo nang makarinig ng ingay.

"W-wala po ito Tata Selo," sambit ni Inoy habang tinatanggal ang armas sa kanyang kamay. Agad nya namang tinanggal ang casette tape sa loob ng radyo. Napakapit na lamang siya sa kanyang mukha nang makitang basag ang kanyang casette tape. Hinugot nya pa ang tila mahabang linya ng tape sa loob ng radyo. Nakita nyang wala itong putol ngunit alam nyang hindi na magagamit ang case nito.

"Pambihira namaaaaan!" usal nya habang napapakamot ng ulo.

"Ay nako, siya, siya...madali lang naman palitan 'yan eh. Kumuha ka ng case doon sa mga nakatambak sa likod. Baka may natira pa. Kung wala eh gumawa ka na lang ng paraan," wika ng matanda nang makalapit.

"H-hindi niyo po ba ako papagalitan?" tanong ni Inoy.

"Papagalitan? Bakit ko naman gagawin 'yon. Eh ikaw din naman ang gumagawa ng ibang gamit dito. Sige na basta. Ayusin mo na 'yan!" sambit ni Tata Selo. Napangiti na lamang ang bata ngunit napapangiwi. Tila tumatawa naman ang robot na anyong lobo na si Sam sa kanyang tabi. Kinagat niya ang nawasak nang radyo at tila nag-aaya na makipaghabulan sa kanya.

"Aaargh! Saaaam!" inis na bulyaw ni Inoy.

Lingid sa kanilang kaalaman ay may isang estranghero na nakapulupot ng abuhing balabal ang nakamasid. Pinagmamasdan lamang niya ang robot na iyon habang nakikipaglaro sa bata at ang matandang bantay na humahalakhak lamang sa kanila.

__________________________


Sa isang maliit na kubo matatagpuan si Tandang Gila, ang babaylan at ang namumuno sa buong tribo ng Paraiso. Sa kainitan ng araw kung saan nakakulob ang buong espasyong iyon ng tela na tila ginawang tent, may mga nakasabit na mga bungo ng robot nang mga nakaraang henerasyon ng gyera, mga palamuti na animo'y mga elemento ng nakaraang mundo na sa karamihan ay kakaiba at nakakapanibago. Nakaupo siya sa harap ng mga maliliit na bato, tanso, kalawaning piraso ng bakal, turnilyo at kung ano-ano pa sa kanyang mesa. Nakadilat siya ngunit nakatingin sa kawalan habang kinakapa ang mga pirasong iyon.

Resiklo: Recalibration (Spin Off)Where stories live. Discover now