2. Ang Itinakdang Propesiya

279 18 13
                                    

"Sa kadiliman ng liwanag at kaliwanagan ng dilim, isisilang ang itinakda upang ipakita ang tunay na paraiso."

-


Maliwanag at malaki ang buwan sa kalangitan. Ang mga pinuno mula sa apat na tribo ng paraiso ay nagsimulang magpulong kasama ang iba pang mga babaylan at mga nakatatanda sa kanilang maliit na nayon. Natapos man ng matiwasay ang ritwal na naganap ay nagtaka pa rin ang iba at naguluhan dahil sa sinambit ng kanilang babaylan na si Tandang Gila. Nagaganap ang pagpupulong sa lugar na tinatawag nilang Templo ng Agila na nakapwesto sa itaas ng mataas na bundok sa gilid ng natutuyong nayon at pinapagitnaan ng malaking sasakyang panghimpapawid na tila kinakalawang at naaagnas na.

Sa tuktok ng tila templo na iyon na inukitan ng iba't-ibang disenyo at mga hayop ay wala ring nabubuhay. Umaakyat sila sa pamamagitan ng mataas na hagdang gawa sa tinibag na mga bato. Masasabing umaabot sa limandaang hakbang bago makapunta sa tuktok ng templo. Bawat hakbang ay sakripisyo para sa kanila ngunit ito'y hindi nila iniinda. Ang pagpupulong ay importante para na rin sa kaayusan ng kanilang nayon.

"Ang punong babaylan ang nagsasabi sa atin ng itinakdang mangyari. Siya ang nakakaalam ng lahat."

Nagwika ang isa sa mga pinuno ng tribo na tinatawag na Lingkawo. Nagngangalan ang pinuno at ang babaylan na iyon na Rima. Nakasuot siya ng pulang roba, ang kanyang kwintas ay gawa sa isang pinatuyong balat ng ahas at ang nakasabit naman dito ay isang bungo ng usa. Nakaguhit sa kanyang magkabilang pisngi ang kulay pula at itim na tinta. Hawak niya ang isang kahoy na tungkod ngunit siya ay nakaupo sa gitna ng apoy kasama ang iba pang mga babaylan at matatandang may katungkulan.

"Hindi ako sumasang-ayon. Alam kong hindi pa nagkakamali ang punong babaylan, nirerespeto ko ang kanyang pangitain ngunit ang isang ito? Parang hindi yata tama," kontra ng isang lalaking pinuno ng isa pang tribo na nagngangalang Apo Hontario.

Ang tribo na kanyang pinamumunuan ay ang Wayan. Nakasuot siya ng isang itim na balabal habang ang kanyang buhok naman ay napapalamutian ng mga itim na balahibo ng uwak. Halos mapuno ng itim na tinta ang kanyang balat dahil sa dami ng tato. Nakaupo din siya sa mabuhanging lupa at isa rin sa mga nakapalibot sa apoy.

Nakadilat ang punong babaylan na si Tandang Gila. Siya ang nasa gitna ng lahat at nasa likod niya ang apoy. Mahinahon siyang nakikinig sa lahat.

"Ito ang itinakda. Marami na ang senyales! Ito ang inuusal ng ating punong babaylan bago pa dumating ang panahong ito..."

Isa pang matandang lalaki ang nagsalita, ang pinuno at ang babaylan ng tribong Pikana na nagngangalang Apo Malaya. Ubos na ang kanyang buhok sa ulo, nakasuot siya ng dumihing roba na humahaba hanggang sa kanyang mga paa. Maging ang kanyang kamay ay hindi na makita dahil sa haba nito.

"Sumasang-ayon ako," matipid na tugon naman ng isang babaeng babaylan na kaharap ni Tandang Gila.

Ang pinuno mula sa tribong Arko na nagngangalang Maya, ang pinakabata sa lahat ng babaylan ng Paraiso. Hawak niya ang isang tungkod na gawa rin sa bakal ngunit ang itaas na dulo nito ay hugis kidlat at sa dulo ng tungkod ay nakatarak ang isang kulay pulang bato. Sa kanyang ulo ay may mga palamuting piraso ng bakal at ang kanyang suot ay nababalutan naman ng mga guhit ng tubig, mga hayop at halaman. Isang niresiklong robot na may tatlong gulong ang lumapit sa kanyang tabi at pinagmasdan ang mga nangyayari. Hinimas niya ang robot na iyon na agad namang lumiit ng bahagya gawa ng pagdikit ng mga gulong nito. Ngumiti naman ang babaylan at muling tumingin sa iba pa.

"Naiintindihan ko, gaya ng sabi ko kanina. Hindi sa hindi ako naniniwala sa mga nakikita ng punong babaylan ngunit..."

"Ngunit gusto mong malaman kung totoo ang itinakda?" ang punong babaylan ang nagwika. Binasag niya na ng tuluyan ang kanyang katahimikan at agad na sinangga ang mga salitang binitawan ni Apo Hontario.

Resiklo: Recalibration (Spin Off)Where stories live. Discover now