PRESENTED FUTURE
by xxcreamoxxSong Choice: Dear No One by Tori Kelly
Genre: Romance
Sub-genre: Science Fiction
Ang lamig. Ikinuskos ko sa isa't isa ang aking dalawang kamay para maibsan ang lamig na aking nadarama. Naka-chaketa man ako'y tumatagos pa rin hanggang sa aking balat ang napakalamig na hangin.
Mula rito sa inuupuan kong bangko ay napatingin ako sa kabilang panig na lakaran ng mga tao, mga taong hindi nahihirapang ibsan ang lamig sapagkat hawak-hawak nila ang kamay o 'di kaya'y yakap-yakap nila ang kanilang mga minamahal. Tila hindi rin alintana ang maiingay na busina ng mga kotseng halos hindi na umuusad dahil sa trapik.
Tumayo ako't sumabay sa paglalakad ng mga iyon nang nakabusangot. Hindi dahil sa kainggitan, ngunit dahil sa tanong na namuo sa aking isip, Sinong kailangan ng kasama sa buhay kung kaya mong tumayo sa iyong sariling mga paa?
Para sa isang taong iniwanan, mabuti na lang ang magsarili't lumayo sa mga taong hindi naman pang-permanente.
Natigilan ako nang maamoy ko ang napakasarap na bagong lutong pandesal sa isang panaderya. Naakit ako nito dahil na rin sa init na nanggagaling doon, kaya bumili ako.
"Pabili nga ho ng limang pandesal." Nakabili agad ako dahil wala silang kustomer. Nakangiting hinarap ako ng tindero habang nilalagay na sa supot ang mga pandesal. "Iha? Mukhang malungkot ka ata?" Inignora ko iyong tanong saka nagbayad. Napansin niya naman kaya nagtaka siya, "Hindi ka nakakapagsasalita?"
Nangunot-noo ako at hindi napigilang sumagot. "Nagsasalita ho, sadyang hindi ko sinasagot ang mga nangingialam." Napatawa 'yung tindero sa aking tinuran na akala kong magpapatahimik sa kan'ya dahil doon ako magaling, ang patikumin ang mga bibig ng mga taong pilit pinapasok ang buhay kong may pintong nakasirado.
"Naiintindihan kita iha, kahit ako ay magsusungit dahil kakagaling ko lang sa isang masakit na hiwalayan. Tama ba?" Mas lalong tumaas ang kilay ko. Saan niya nakuha ang lakas ng loob itanong iyon? Saka, kahit kailan hindi pa, at ni hindi ko gugustuhing pumasok sa isang relasyon. Para saan pa? Para maghiwalay rin? Hindi ko kailangan.
Lalayasan ko na sana ang pakialamerong iyon ngunit hinarangan niya ako. "Matutulungan kita iha."
"Hindi ko ho kailangan." Diretsahang sagot ko at pilit siyang iniiwasan ngunit mas makulit pa siya sa kiti-kiti kahit na ba puros puti na ang buhok niya. Para na kaming nagpapatintero, kaso matagumpay niya akong napigilan dahil sa kaniyang ibinulalas, "Kailangan mo iha, hindi mo lang maamin."
Iyon ang biglang nagpalambot sa tila naging bato ko nang puso. Sige, aaminin ko na. Tao nga lang rin ako, naghahangad ng hindi lang basta itong mainit na pandesal, kundi pati rin ang init na hatid ng chaketa ng iba. Kamay na hahawak sa akin, at yakap na magbibigay kaligtasan. Kailangan ko, rin.
Matapos ipaliwanag sa akin nung matanda ang isang hindi kapani-paniwalang bagay na makakatulong daw sa 'kin, ngunit agad ko namang pinatos dahil sa kadesperadahan na rin siguro. Binigyan niya ako ng papel at bolpeng magaagamit ko para mahanap ang pupuno sa kakulangang aking nadarama.
Tumungo na ako sasinabi niyang lugar, napakahabang pila ang sumalubong sa akin, halos tatlong gusali ang naharangan ng pila bago matatanaw ang mismong gusaling patutunguhan nito. Patunay lang na maaring totoo nga ang sinalaysay sa akin nung tindero pagkat heto, pinagkakaguluhan. Kaya napapila na rin ako. Habang nasa pila'y sinulat ko na ang liham na aking ipapadala.
Dumaan ang ilang oras at nasa katabing gusali pa lang ako, "Kailangan ko ba talagang gawin ito?" Pagdadalawang-isip ko, kailangan ko pa nga ba talagang malaman? Paano kung wala naman? Edi nasayang lang ang pagsisikap ko Kaya ko naman nang mag-isa, kung sino man siya, hindi ko siya kailangan. At baka wala rin namang, siya. Sabi kasi nung matanda, kung meron man edi dapat may natanggap akong liham, pero wala. Kaso sabi niya rin, baka parehas kaming nag-aalangang magpasa, kaya kung siya daw ako, magpapadala na siya. Sus, malay ko bang goodtime lang pala 'yun? Nasayang lang oras ko. Hindi dapat ako gumaya sa mga taong desperadang nakapila rito para malaman kung sino ang taong nakatadhana sa kanila o kung meron man. Kasi sigurado akong, sa 'kin? Wala.
Paalis na sana ako nang mabangga ko 'yung taong nakapila sa likod, nabitawan ko tuloy 'yung sulat ko, at gano'n rin ang sa kan'ya. Humingi ako ng paumanhin at pinulot ang sulat ko, gano'n rin siya saka ako umalis.
Naupo muli ako sa isang bangko, binasa 'yung sulat na puno ng katangahan, ngunit anong pagtataka ko't nag-iba ang nakasulat doon. Humaba.
Dear my future someone,
I wrote this just to tell you that I'm willing to wait, because I'm certain, God will give you to me someday, and I know it'll be worth the wait. :)
Your future someone.
"Naku po, mali 'yung napulot ko." Tatayo na sana ako para ibalik ito sa may-ari nang biglang sumulpot ang inaasahan ko. "Mali rin 'yung napulot ko." Napatingala ako para lang makita ang nakangiti niyang mukha dahil sa tangkad niya, sabay inabot niya ang sulat sa 'kin, humingi muli ako nang paumanhin, at ganoon rin siya.
"Bakit ka pala umalis sa pila? Ayaw mo nang subukan? Wala namang mawawala e. Saka, isang pangungusap lang naman itong sulat mo." Medyo natawa pa siya, nairita ako nang may isang asungot na naman ang nangingialam. "Tara nga, sasamahan kita baka kinakabahan ka, kaunti na lang ang pila, 'wag ka nang aangal." Kung makapagsalita 'to parang magkakilala kami. Por que nabasa niya lang laman ng sulat ko't pinagtawanan niya?
"Teka--" Pipiglas na sana ako sa paghigit niya, pero nang mapadpad ang kamay niya sa aking kamay ay hindi na ako nakaalis pa. Kakaiba 'yung init ng kamay niya, nakaka...baliw.
Nakarating kami roon, at ilang minuto lang ay sabay na kaming sumalang, dahil dalawang room ang available. Doon, nasaksihan at naeksperyensahan ko ang bago't pinagkakaguluhang imbensyon sa panahon ngayon. Ang LTYFS Invention, o letter to your future someone invention. May isang higanteng clear room doon kung saan ako i-e-examine gaya ng proseso sa pagkuha ng x-ray para malaman kung sino, kailan ko makikilala, at kung meron man akong makakasama in the near future. Kung saan din ipapadala ang sulat ko. Halos kalahating minuto ang itinagal ng examination bago lumabas ang resulta, nagtaka ako nang magulat ni pati ang mga scientists na nasa loob dahil sa resulta.
"We'll put this expectacular and first time result we got in a simpler way for you, miss. You already met your future someone, and he even received your letter now, plus! He also sends you a letter." at may ibinigay sa aking sulat 'yung amerikanong scientist, ang pagkagulantang ko ay mas trumiple nang unang kita ko pa lang sa papel ay alam ko na kung kanino nanggaling iyon, hindi ko na kaialngang basahin pa.
"Congratulations." Palakpak nila habang ako naman itong halos luwa na ang mata sa gulat na papalabas sa room na iyon.
"Nandito na ako." Napatingin ako sa nagsalita, at tumambad ang lalakeng pinagdalhan ko ng napakaikling liham. Wala man lang dear at from, effortless, pero puno ng kahulugan na pinagtawanan niya pero sana, nadama niya.
Kailangan kita.