BASTED

62 4 0
                                    

Umuwi ka sa bahay na dala-dala ang bulaklak ng rosas at talampunay na bitbit mo kaninang umalis. Halagang 3,500 ang bulaklak na walang awa mong pinaghahampas sa basurahan habang isinisigaw ang pangalan ng iyong karibal. Naaawa ang iyong mga kapitbahay sa nakikita dahil alam nilang basted ka na naman sa pang-labinlimang pagkakataon. Inawat ka ng iyong Ama at niyakap na lalong nagpadurog sa puso ng mga tambay at mga tsismosang estapadora.

Nakatanaw sa bintana ang iyong Ina at lihim na lumuluha habang pinagmamasdan kang nakikipagsuntukan sa basurahan. Tinungo ng luhaan mong Ina ang aparador kung saan naroroon ang mga bagay na magpapakalma sa iyo- ang Basted Kit.

Kinarga ka ng iyong Ama papasok ng bahay. Lumapit ang iyong Ina... hawak ang dalawang quatro kantos na gin at isang cd at ang alaga mong pusa na si Meowzi. Binuksan mo gin- nilagok. Sa bawat lagok mo ay kasabay nito ang pag-agos ng iyong mga luha na humahalik sa iyong mga labi. Iniayos mo nang upo ang iyong alagang pusa. Kitang-kita at ramdam ni Meowzi sa loob ng labinlimang taon kung paano sinugatan, pinarusahan at niyurakan ang iyong puso.

Isinalang mo ang cd- itinodo ang volume. Buong puwersa mong sinasabayan ang kantang 'Bukas na Lang Kita Mamahalin' sa harap ni Meowzi habang humahagulgol. At sa bawat letra ng iyong inaawit ay siya namang nagpapasikip sa dibdib ng mga kapitbahay mong nagdadalamhati.

Nagtirik ng kandila ang buong barangay bilang pakikiramay sa iyong namatay na puso. Nakatitig ang iyong mga magulang sampu ng iyong mga kabarangay sa mga kandilang unti-unting nalulusaw... kasabay ng mga panalangin na kayanin mo sana.

Kinabukasan.

Dagsa ang mga tao sa harapan ng inyong tahanan- naghihintay. Idinilat mo ang iyong mga mata. Naligo at isinuot ang damit mong pamasko kahit Pebrero pa lang. Kinagat ang gel na nasa sachet at inilagay sa magkabilang palad at isinampal mo sa iyong ulo. Sa hawi pa lang ng iyong buhok ay malalaman na 'Galawang Pandiinan' ang ayos nito. Lumabas ka ng bahay na may angas na parang isang action star na pormang mapapaaway sa beerhouse.

"Anak, saan ang lakad mo?" tanong ng iyong Ina.

Sabay-sabay itinaas sa ere ng mga kapitbahay mo ang kanilang mga kamao nang marinig nila na sinabi mong-

"Manliligaw po."

SABORGATahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon