Dalawang linggo na ang nakalilipas matapos mapatay ang Tatay ni Bolt. At noong araw ding 'yon ay kasabay na gumuho ang pangarap niya. Naging palaboy ang batang si Bolt, madalas siyang nakikitang natutulog sa sementong may marka ng dugo kung saan natagpuang patay ang kanyang ama.
Isang araw.
"Bolt, inaanak, malaki ang utang na loob ko sa Ama mo. Nabanggit niya sa akin noon na gusto mo maging mananakbo at lumahok sa mga paligsahan. Huwag kang mag-alala tutulungan kita— magiging runner ka," sambit ng kaniyang Ninong.
Labis ang kaligayahan ng batang si Bolt at may isang tao na tumulong sa kanya para buuin muli ang kanyang nagibang pangarap.
Lumipas ang anim na buwan na training.
Kitang-kita sa tindig ni Bolt na handa na siya— handa na siyang pakawalan at isabak sa takbuhan.
Pinatawag siya ng kanyang Ninong.
"Handa ka na ba, Inaanak?"
"Opo, Ninong!" tugon ni Bolt habang inuunat ang katawan at pinapagpag ang mga paa't braso.
"Oh, heto. Itakbo mo 'to sa Taguig." utos ng kaniyang Ninong.
Sabay abot sa kaniya ng isang bag ng shabu.
