"Kumain ka muna, kahapon pa kita nakikitang tulala, e! Sige, dito ka muna sa kalye magpalipas nang sama ng loob. Lolo na lang ang itawag mo sa akin, at siya ang aso kong si Blacky," pagmamalasakit ng matanda sa tulalang binata na si Jay. Alam niya na matindi ang pinagdadaanan ng binata dahil hindi ito natawa sa pangalan ni Blacky— ang aso niyang kulay puti. Tumalikod na lang ang matanda at umalis nang biglang...
"Hindi ko na kasi alam kung magseselos ako o matatakot kay Mommy at Daddy. Nabulag sila dahil sa car crash at iyon ang dahilan nang pagkamatay ng bunso kong kapatid," tulalang pagkukuwento ni Jay. Umupo ang matanda at si Blacky sa tabi ni Jay, habang tinatanaw kung saan nakatingin ang binata.
"Okey lang daw na bulag sila pero hindi nila matanggap na patay na ang kapatid ko. Pakiramdam ko patay na rin ako para sa kanila, kasi wala na silang pakialam sakin. Madalas nasa labas ako kasama ko ang aso ko. Tuwing babalik kami sa bahay, hindi mapakali ang aso ko at tinatahulan niya lagi ang paboritong upuan ng kapatid ko. Parang nakikipaglaro siya sa kay bunso na madalas nilang ginagawa."
Napatingin ang matanda kay Jay pero pinigilan niya ang kanyang sarili. Niyakap na lang ni Lolo si Blacky.
"Nagtaka ako kasi dati laging sinisigawan ni Daddy ang aso ko tuwing tumatahol pero iba ang nakita ko. Pati si Mommy, nakikipaglaro na sila ni Daddy sa aso ko at parang kinakausap nila ang kapatid ko na nakaupo sa bangko. Pinipilit nilang tanungin ang aso ko kung nakaupo ba si bunso at tumatawa."
Madilim na sa kalye at tanging malamlam na ilaw sa poste ng Meralco ang nagsisilbing liwanag sa madilim na kuwento ni Jay.
"Dumating sa point na nagseselos na si Mommy at Daddy sa aso ko. Hindi na sila nakikipaglaro sa kanya kahit alam nilang naglalaro na naman sila ni bunso. Isang gabing umuwi ako, tangina— nakita ko ang aso ko sa sahig— patay na!"
"Tapos, tapos... tangina... nakita ko si Mommy at Daddy, masayang nakikipaglaro sa upuan ni bunso! Nakikita na nila ang kapatid ko at karga-karga siya ni Mommy! Nilapitan ko ang aso ko... nilapitan ko ang aso ko, 'Lo! Wala nang mata ang aso ko, 'Lo!"
Niyakap ng matanda si Jay para pakalmahin pero hindi sapat ang yakap na iyon para sabihin ni Jay na:
"'Lo, pinatay ko sila! Pinatay ko sila— hindi ko alam kung takot ba, galit o selos sa bunso kong kapatid kung bakit ko sila pinagsasaksak!"
Bumitaw sa pagkakayakap ang matanda at akmang tatayo pero hinawakan siya ni Jay sa braso at umiiyak na winika...
"'Lo, gusto kong makasama si Mommy at Daddy pati kapatid ko! Alam ko patay na sila pero gusto ko silang makita, 'Lo! Gusto kong mabuo ulit pamilya ko, gusto ko silang makita, 'Lo!"
Ang kaninang tahimik at malungkot na kalye ay napuno ng mga tao. Nagliwanag ang malamlam na kalsada dahil sa ilaw na pula na nagmumula sa ambulansiya. Natagpuang patay ang isang lolo at ang kanyang alagang aso. Walang nakakaalam ng sagot sa tanong ng galit na pulis—
"Tangina! Bakit walang mata yung aso?!"