First time ko matakot sa katanghaliang tapat habang binabaybay ang eskinita namin.
Napahinto ako.
Hinahanap kung saan at kung kaninong bahay nagmumula ang tawa na 'yon.
Hindi ko alam kung paano lalapatan ng letra ang halakhalak ng isang babae — matinis na masaya na nakakatakot. Pinipikit ko ang aking mga mata sa tuwing tatawa ang babae. Pilit kong binubuo sa isipan ko ang imahen niya sa pamamagitan ng kanyang halakhalak.
Ang tinig niyang 'yon ay parang may malaking kawa sa kanyang harapan at may laman na kumukulong tubig. Hinahalo niya ang laman ng kawa gamit ang sanga ng puno na sinasabayan pa ng kanyang pagtawa.
Pinitik ko ang sigarilyo sa kanal. Maangas kong ibinuga sa hangin ang usok na parang artista.
Tangina.
Tanghaling tapat.
Para akong tanga.
Eskinita ko 'to!
Bakit ba ako matatakot?Malapit na ako sa gate nang makita kong may lumabas na babae sa katabing bahay ko. Hindi ko gaano binigyang pansin dahil may kausap lang ito sa cellphone — baka walang signal sa loob nila.
Maingay ang gate namin kapag binubuksan, pero sa pagkakataong ito, tinalo ng halakhak ng babae ang mga nagkikiskisang bakal ng gate. Naiwan ang braso at kamay ko na nakakapit sa kandado. Kinikilabutan ako. May mainit na hangin na dumadampi sa batok ko. Binubuksan kong pilit ang gate na sinasabayan nang tawang mangkukulam ng babae sa likuran ko. Hindi ko alam kung paano ako nakapasok sa loob ng bahay. Sumilip ako sa bintana at nakita ko na siya pala ang bagong kasambahay ng dalawang batang minumura ang yaya at lumalaban sa magulang.
Alas dos ng madaling araw.
Gusto kong bumili ng pandesal ngayon. Hindi naman sa natatakot ako na makita o makasalubong sa madlim na eskinita ang babae... kaso gabi na— baka mahamugan ako, 'tol.