PROLOGUE
Six years ago...
MAY HINDI tama sa apartment ni Derek. Sa unang tingin ay parang ordinary studio-type apartment lang na ang mga gamit ay iyong mga kailangan lang talaga. Isang kama, isang mesa na may dalawang silya bilang dining area, isang built-in cabinet, at isang mahabang couch na nakaharap sa TV at DVD player.
Ang halatang pinagbuhusan ng atensiyon at ginastusan talaga sa apartment ay ang kusina. Maliit man ay kompleto sa mga makabagong gamit tulad ng refrigerator, top-of-the-line oven, at double-burner stove. Sa loob ng built-in cabinet matatagpuan ang mamahaling kawali, kaserola, kaldero, at kung ano-ano pang gamit sa pagluluto.
Normal at mukhang walang mali. At sa mga unang linggo ay iyon din ang palaging sinasabi ni Derek sa sarili. Pilit niyang binabale-wala ang pakiramdam na parang may kulang sa apartment; that it felt emptier than before. That inside, he felt empty and lost.
Sa ikalimang buwan ay saka lang naamin ni Derek sa sarili kung bakit parang may kulang sa apartment. Wala siyang naririnig na pamilyar na tawa ng isang babae. Kapag titingin siya sa kama, walang babaeng nakahiga na napuyat sa kaguguhit sa sketch pad pero pinili pa ring manatiling gising sa umaga magkaroon lang sila ng oras para sa isa't isa. Tuwing kakain siya sa mesa ay wala nang nakaupo sa silyang katapat ng sa kanya. At lahat ng kapareha ng kanyang plato, kutsara, tinidor, baso, at mug ay hindi na nagagamit.
Sa ikaanim na buwan, naging napakahirap nang tiisin ang emptiness na kanyang nadarama. Unti-unti na rin niyang natatanggap na ang babaeng dati ay nagbibigay-kulay sa kanyang buhay ay hindi na babalik pa.
Hindi si Derek ang tipo ng lalaking nagmumukmok sa isang sulok at nagpapakamiserable. Imbes na manatili sa apartment na bawat sulok ay may bakas ng nakaraan sa piling ng partikular na babae, mas pinili niyang lumabas na lang nang madalas. Umuuwi na lang siya kapag matutulog.
Sa malapit na park napapadpad si Derek sa kanyang libreng oras. Nasa gitna iyon ng boundary ng high-end part ng Makati, middle-class area, at ng bahagi kung saan dikit-dikit ang mga bahay ng mga informal settler. Maliit ang park at hindi masyadong tinatambayan ng mga tao dahil bukod sa hiwa-hiwalay na mga bench na puwedeng tambayan at sa ilang poste ng ilaw na nagbibigay-liwanag sa gabi, isang luma at maliit na playground set lang ang naroon. Pero may kung ano sa lugar na nakakapagpakalma sa kanya. Kaya noon pa man, madalas na siyang tumambay roon.
Katulad sa araw na iyon na sapilitan na namang pinaalis ng restaurant si Derek dahil off niya. Ayaw niyang magpunta sa mataong lugar kaya umupo siya sa isang bench sa park at tumitig lang sa ilang taong naglalakad sa di-kalayuan.
Mayamaya ay naramdaman niya na may umupo sa bench na kanyang kinauupuan.
"Napapadalas na uli ang pagtambay mo rito, ah."
Napalingon si Derek. Nakita niya si Keith na nakadekuwatro pa sa pagkakaupo sa bench habang malayo rin ang tingin. Makapal na naman ang bigote at balbas ng lalaki na tumatakip na sa ibabang bahagi ng mukha nito. Magulo rin ang nakalugay na mahaba at alon-along buhok. Kung hindi lang malinis ang suot na fitted shirt at maong pants ay mapagkakamalan na itong bum.
"Ikaw, bakit nandito ka? Nagbabantay ka na naman?" tanong ni Derek sa lalaki na ngumisi lang at tumango, pagkatapos ay may itinuro. Nang tingnan iyon ay nakita niya ang isang matangkad na lalaki na nilalapitan na ng mga batang galing sa area ng mga barongbarong. Luma at kupas na ang suot na jersey jacket at pantalong maong, nakasuot ng luma na ring baseball cap at nakatsinelas lang. Sa mata ng mga hindi nakakaalam na disguise lang ang porma ng lalaki ay mukha itong simpleng tao. May dalang malaking plastic bag sa magkabilang kamay ang lalaki na ngayon ay ipinapamigay na sa mga batang tuwang-tuwa.
BINABASA MO ANG
BACHELOR'S PAD series book PREVIEWS
RomancePatikim sa mga kuwento ng Bachelor's Pad series. Preview lang po ang mga nakalagay dito, hanggang chapter 3 ng bawat story sa series. Out po sa lahat ng bookstores ang book version ng series na ito kung gusto niyo pong mabasa ang buong kuwento. ^__^