Prologue
ALA UNA ng madaling araw nang matapos at ma-i-save ni Maki ang computer program na isang linggo na niyang tinatrabaho. Tumayo siya, minasahe ang nanigas na batok at nag-inat. Nang makaramdam ng uhaw ay lumabas siya ng kanyang opisina. Hindi na inabalang magbukas ng ilaw kasi kabisado naman niya ang penthouse na siyam na taon na niyang tirahan. Madalas namamangha pa rin siya na tumagal siya ng ganoon sa iisang lugar. Noong bata pa kasi siya, iba-iba siya ng tirahan. Bago siya masanay sa isang lugar ay ililipat na siya sa iba. So he never felt like he belongs somewhere. He never had a family or people he can call long time friends. Hanggang maipatayo ang Bachelor's Pad.
Hindi niya intensiyon na tumira sa isang building kasama ang ibang tao. Mas gusto niyang mamuhay ng mag-isa kasi mas malayo sa mga tao, mas payapa at ligtas ang pakiramdam niya. He had already given up on people and society itself when he was a teenager. Pero hindi siya hinayaan ni Matilda St. Clair na magpaka-recluse ng ganoon na lang.
Utang niya sa matandang babae ang buhay niya kaya hindi niya ito matanggihan sa tuwing may gusto itong gawin na related sa kaniya. Ang pagbigyan lahat ng gusto nito ang tanging maibibigay niyang kapalit sa lahat ng naging tulong nito sa kaniya. Lalo at hanggang ngayon hindi niya alam kung paano tumatakbo ang isip nito. Hindi niya alam kung bakit naisip siya nitong legal na ampunin. Sa tuwing nagtatanong siya ngiti lang ang palagi nitong sinasagot sa kaniya o kaya iniiba nito ang usapan.
Sa dami ng connections ni Matilda ay ipinakilala siya nito kina Apolinario Montes, Trick Alfonso at Benedict Barcenas. Ang una ang nagbalik sa normal niyang kalusugan at ang dalawang huli ang nagturo sa kaniya na tumayo sa sarili niyang mga paa financially. At kahit na una silang nagkakilala ni Keith Rivero bago dumating sa buhay niya ang matandang babae, ito pa rin ang dahilan kaya naging matalik silang magkaibigan ng lalaki.
Sa tulong ng mga ito ay naipatayo ang Bachelor's Pad kasi iyon lang ang paraan para pumayag ang adoptive mother niya na tumira siya sa isang lugar na walang bodyguards at kung sino-sino pang bantay. At least dito isa lang ang caretaker niya na alam niyang regular na nagrereport kay Matilda. Si Keith lang.
Dumeretso si Maki sa kusina, kumuha ng bote ng tubig at nakalahati iyon bago naman siya naglakad papunta sa open space area ng penthouse. Nilingon niya ang pader kung nasaan ang mga monitor ng nagkalat na CCTV camera sa loob at labas ng building. Walang tao at tahimik sa lahat ng lugar na nasa screen. Maliban sa opisina ni Keith sa ground floor kung saan abala ito sa pagtipa sa laptop at paminsan-minsan ay humihigop ng kape.
Sunod niyang napansin ang screen kung saan kita ang fourth floor hallway. Bumukas ang elevator at may lumabas mula roon. Ang janitor na gabi-gabing nagpupunta para linisin ang bawat sulok ng Bachelor's Pad maliban sa mga okupadong unit. Hindi na naalis ang tingin ni Maki rito at pinanood ito habang nagma-mop ng sahig. At katulad ng dati, hindi na niya namalayan ang paglipas ng oras. Kumurap lang siya nang matapos na maglinis ang janitor sa floor na iyon at pabalik na ito ng elevator.
Pagkatapos bigla itong tumingala, deretso ang tingin sa cctv camera. Natigilan siya kasi kahit sa screen lang pakiramdam niya nagtama ang mga paningin nila. Na para bang alam nitong nanonood siya. Naningkit pa ang mga mata nito bago binawi ang tingin at tuluyang sumakay ng elevator.
Napabuntong hininga si Maki, umiling at pumihit paharap naman sa floor to ceiling glass wall. Tumitig siya sa kadiliman sa labas na may mangilan-ngilang kumukutitap na liwanag mula sa mga gusali at establisyemento. The darkness reminded him of his life before and a couple of years after Matilda adopted him. At ang mga liwanag na iyon, nagpapaalala sa kaniya sa existence ng isang tao na throughout the years ay bumabalik-balik sa buhay niya kahit na pareho naman nilang hindi pinaplano.
BINABASA MO ANG
BACHELOR'S PAD series book PREVIEWS
RomansaPatikim sa mga kuwento ng Bachelor's Pad series. Preview lang po ang mga nakalagay dito, hanggang chapter 3 ng bawat story sa series. Out po sa lahat ng bookstores ang book version ng series na ito kung gusto niyo pong mabasa ang buong kuwento. ^__^