NGINUYA ni Majika ang chewable bonamine, huminga siya ng pagkalalim-lalim bago sumakay sa Sta. Lucia bus na magtutungong La Union. Kaagad siyang naglagay ng face mask, hindi niya gusto ang amoy ng bus. Nang makapwesto na sa bandang likuran ng driver ay iniiwas naman niya ang aircon na nakatapat sa kanya, ayaw niya ng sobrang lamig. Saka naman siya naupo sa tabi ng bintana at inilagay ang kumot sa kanyang tabi.
Ganun siya kapag sumasakay ng big bus. Marami siyang rituals na ginagawa para maging komportable siya sa byahe. Ayaw niyang gamitin ang kanyang Hilux, ayaw rin naman niyang sumakay sa Ford ni Khen Joe. Mas mabuti na ring mag-commute, mas makakatipid pa sila.
Gustong-gusto niya ang bumyahe sa kung saan-saan pero kapag air-con bus na ang pinag-uusapan ay hindi siya nage-enjoy. Madalas kasi ay nahihilo siya sa byahe and worst ay nagsusuka pa at disoriented.
"Pwedeng tabi tayo?"
Tinitigan ni Majika ang binata na ngayon ay nakangiti pa sa kanya. Ewan ba niya pero may inis sa puso niya sa itsura nito. Alam na nga nitong naiilang siya pero parang sobrang kapal ng mukha nito para makipag-usap sa kanya.
Huminga siya ng malalim. Wala rin namang mangyayari kung paiiralin niya ang inis. Dapat nga ay magpasensya siya at pakisamahan niya ito dahil "buddies" sila bilang Red Cross Volunteers. Saka sinabi na rin ni Khen Joe, walang personalan. Magmumukha lang siyang paranoid.
Kinuha na niya ang kumot at umusog. "Maupo ka na."
"Thanks," wika ni Khen Joe nang makaupo na ito sa tabi niya.
Tumango lang siya. Pero nang maramdaman niya ang balat nito na dumikit sa kanyang braso ay para namang biglang bumilis ang tibok ng puso niya.
Anong meron?
Hindi niya tuloy maiwasang lingunin ang kanilang mga braso na nagkadikit. Nakakairita ang feeling, hindi siya sanay sa pagbilis at pagbagal ng heartbeat niya.
Hindi niya naiwasang tingnan ang Khen Joe na ngayon ay relax sa pagkakaupo nito, nakasukbit ang earphones sa mga tenga habang nakapikit.
Hindi niya alam kung gaano na siya katagal sa pagkakatitig kay Khen Joe na hindi man lang niya namalayang napasandig na ang ulo niya sa bintana ng bus. Ang bawat pores ng mukha ng binata ay pinagmamasdan niya, walang mintis! Gwapo pa rin ito! Pinagmasdan rin niya ang Adam's apple ni Khen Joe na kung minsan ay gumagalaw-galaw. Ewan ba niya pero ang cute pagmasdan niyon. Napapangiti tuloy siya ng lihim.
Naaalala pa niya dati, noong sila pa. Hindi siya nagsasawang pinagmamasdan ang binata kapag natutulog ito. Hindi siya attracted sa Adam's apple ng ibang lalaki pero sa Adam's apple nito ay cute na cute siya. She really loves Khen Joe kahit ano pang sabihin nila.
Sabi nila, mare-realized mo lang na pangit ang ex mo kapag naka-move on ka na... pero bakit ganun? Alam niyang naka-move on na siya. Hindi na rin siya bitter. Pero hindi niya pwedeng i-deny ang kagwapuhan ni Khen Joe.
Kung hindi lang nagloko noon ang binata marahil ay sila pa rin hanggang ngayon. Nagce-celebrate na rin sana sila ng anniversaries. Pero okay na rin na noon pa ay nabisto na niya ito. Atleast hindi pa ganun kabongga ang love investment niya rito.
Nag-iwas agad ng tingin si Majika nang magdilat ng mga mata ang binata. Dedma ang drama para hindi halatang pinagmasdan niya ito kanina.
"S'ya nga pala, Majika," wika nito. "May kinuha pala akong mga plastic. Sabihin mo lang kung nasusuka ka at bibigyan kita."
Kumunot ang kanyang noo. Nakakainis lang isipin na hindi pa pala nakakalimutan ng binata ang kanyang journey problem.
"Thanks, but I can manage myself." Tumalikod siya rito at pinagmasdan ang labas. Nagsisimula ng pumatak ang ulan. Hay, antagal namang umalis ng bus. Anong petsa na?
BINABASA MO ANG
You're Still The One (Complete)
Romance"Mahal kita. Mahal na mahal... na kahit pa ilang beses mo akong ipagtulakan palayo sa 'yo, hindi ako susuko. I will pay the cost of loving you." Matagal rin na panahon ang binuno ni Majika para tuluyang maka-move on sa pagkakabigo niya sa pag-ibig k...