NUNO SA PUNSO

1.8K 20 2
                                    

Naniniwala ka ba sa mga nilalang na hindi nakikita?

Sa mga nilalang na tinatawag nilang engkanto?

Sa mga dwende at sa nuno sa punso?

Eh sa mga albularyo, naniniwala ka rin ba?

Base sa mga naranasan at nasaksihan ni April ay masasabi niyang naniniwala siya na may mga ganoong uri ng nilalang sa mundo maging ang albularyong nanggagamot sa mga sakit na hindi nalulunasan ng mga doktor o hindi napapag-aralan ng siyensya.

Isa sa mga nasaksihan niyang pangyayari noon ay ang kakaibang karanasan ng kanyang nakatatandang kapatid.

Grade school pa lamang ang ate niya noon. Dahil bata pa siya nong mga panahong iyon ay hindi niya masyadong naiintindihan ang nangyayari sa nakatatandang kapatid. Ang alam lamang niya ay may nagkakagusto dito na isang nilalang na tinatawag na nuno sa punso.

Nagsimula ang kalbaryo ng nakatatandang kapatid niya-isang hapon pagkatapos ng klase.

Napagkatuwaan nito at ng mga kaibigan na dumaan sa malawak na silong ng Grade VI Building. Bago sila makalabas sa lagusan ay madadaanan nila ang malaking punso doon. Paniniwala ng marami na ang punso na iyon ay tirahan ng Nuno. Subalit dahil nga bata pa ang kanyang ate noon ay hindi nito naisip ang bagay na iyon. Pagkauwi nito sa bahay ay bigla na lamang itong nagtatatakbo na tila takot na takot sa kung ano.

Nagtataka ang magulang nila sa nangyayari dito. Kumakalma naman ang kanyang ate kapag nakalapit at nakayakap na sa mga magulang. Muling naulit ang pangyayaring iyon nang mga sumunod na araw. Bigla-bigla itong tatakbo, mamumula ang balat at bakas sa mukha ang labis na takot habang nakatingin sa isang lugar na tila may nakikita. Tinatanong ito kung bakit pero iiling lang ito at umiiyak nalang. Halos ilang linggo ding nagpatuloy ang ganoon pangyayari.

Dahil sa labis na pag-aalala, kumunsulta ang kanilang mga magulang sa isang albularyo. At napag-alaman nila na may nagkakagustong nuno sa punso sa nakatatandang kapatid. Napatunayan iyon matapos 'patawasan' ito. Hindi niya alam kung anong klaseng proseso iyon.

Mahusay ang albularyo dahil nahulaan nito kung saan nagmula ang Nuno. Ang sabi nito ay nagustuhan umano ang kayang ate dahil sa buhok nito. Sa totoo lang, maganda talaga ang buhok noon ng kanyang nakatatandang kapatid. Iyon bang straight mula sa anit hanggang sa may batok pagkatapos ay curly sa ibaba at hanggang bewang ang haba.

Ginawaan ng orasyon at anteng anteng ang kanyang ate para pagalingin at itaboy ang nilalang na nagkakagusto sa dito. At para tuluyang maitaboy ang nilalang na iyon, kinakailangang putulin ang buhok ng kanyang ate. Nakakapanghinayang man pero wala nang ibang pagpipilian pa ang kanilang mga magulang. Sinunod ng mga ito ang sinasabi ng albularyo.

Makalipas lamang ang ilang araw ay bumalik sa normal ang lahat.

Makalipas ng ilang taon...

Nasa second year high school na noon ang nakatatandang kapatid ni April nang muling maranasan nito ang ganoong pangyayari. Same instances but this time, engkanto naman ang nagkagusto dito at nakatira sa puno ng acacia. Madaming ganyang punong madadaanan sa lugar nila.

May isang pagkakataon nang sumpungin ito sa mismong harapan niya. Isang klase ng sumpong na kakaiba. Hindi niya alam kung matatawa ba o matatakot din. Kitang kita niya kung paano itong matakot sa isang nilalang na ito lamang ang nakakakita. Nakakapanindig balahibo lalo na sa tabi niya mismo itong nakatitig! Maririnig ang ungol ng kanyang ate. Iyong tipo ng ungol na hirap huminga, namumula ang balat at isinisiksik ang sarili sa tabi habang titig na titig sa isang lugar.

Umabot sa dalawang buwan ang gamutan. Hindi literal na gamutan na tipong may sakit. Dalawang buwan din itong natigil sa pag-aaral. At tulad noong unang pagkakataon ay gumaling ang kanyang nakatatandang kapatid sa tulong ng albularyo na siya ring gumamot dito noon.

***

12/29/16

A/N: Sumagi sa isip ko kung tatanungin ko ba si ate kung anong itsura ng mga nilalang na iyon. Pero sa huli naisip kong huwag nalang. Nakakatakot! Ayoko na ring ipaalala sa kanya.

TOTOONG KWENTO NG KABABALAGHANTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon