Oct. 04, 2016
Nagsimula ang lahat nang makilala ko ang pag-ibig
Isang gabi
sa kandungan niya
sa loob ng tricycle
na humahagibis sa daang makitid
Gusto ko ng mainit na yakap
at tapik sa balikat
ng lambing ng paghele
na sa kanya ko lang pwedeng mahingi
Napipikit ang mata ko noon
pero hindi naman inaantok
Gusto ko lang malaman
kung paano kaya kapag napikit na ako?
Paano niya kaya ako hihigitin
sa ilalim ng kanyang braso
para hindi manuot ang lamig ng gabi
sa aking buto?
Paano niya kaya ako ihehele
o hahaplusin ang aking buhok
para hindi maantala ang aking pagpasok
sa daigdig ng panaginip?Nang gabing makilala ko ang pag-ibig
Nagkunwari akong tulog
habang nagkunwari siyang masugid
sa pagtanaw sa kanyang daan paalis.Nalaman ko noon na ang pag-ibig
ay pagsandig ng pisngi ko
sa kandungan niyang may kalong na plastic envelope
Ang pag-ibig ay ang pagkuskos at pagkagat
ng plastik sa pino kong balat
at pagsugat
nang dahan-dahan
Ang pag-ibig ay ang hindi niya pag-angat
sa ulo ko para humimlay nang tuluyan
sa kanyang kandungan
Ang pag-ibig ay ang pagbabahala niya
sa aking sugat at sa aking antok
sa aking paglalambing
sa pagsagasa sa lamig ng aking katawan
sa gabi ng aking kamusmusan.Nadatnan ko ang pag-ibig
paulit-ulit
sa mahabang panahon,
sa tuwing gabing umuuwi
Ang pag-ibig na hinahangaan ko noon
ay ilaw ng isang tahanang gutom
Kusinera ng nakatiwangwang na kusina
malamig na kanin
at isang supot ng asin na pantawid-gutom
Ang pag-ibig ay palaging humahalinghing
at nakabuka ang mga paa
sa mga lalaking hindi ko ama.
Ang pag-ibig ay usap-usapan
ng mga kapitbahay pagkakasala.Nalaman ko na ang pag-ibig
ay masaya sinumang kaulayaw
basta't nakabuka ang paa at papag ay maingay
Ang pag-ibig ay nagtitiis sa akin
at ako sa kanya
Sapagka't wala akong ibang alam na pag-ibig maliban sa siya.Hinanap-hanap ko ang pag-ibig
hanggang sa sukdulan
Sinuot ko ang kanyang mga kamiseta
at ginaya ang kanyang pagtawa
Kinulayan ko ang aking mukha
ng kulay niya
Nilagyan ng dugo at sigarilyo ang aking labi
Hinihintay-hintay ko ang pag-ibig
sa bawat tagay
sa bawat dantay ng kamay
ng mga lalaking tipo niya
Inuudyukan ko ang pag-ibig na ako'y itama
Inaasam ko ang pag-ibig na ako'y isalbaNgunit bulag nga ang pag-ibig
gaya ng sabi nila
Sampal, tadyak, sansala,
pagkakasala
niya o ako
ay walang pinag-iba
Pinagmasdan ko ang pag-ibig hanggang sa kanyang pagtanda
Ipinagluksa ko ang pag-ibig hanggang sa mawalaNgunit hanggang ngayon
suot ko ang kanyang kamiseta
Kulay dugo ang aking labi
Masarap ang sigarilyo
At paulit-ulit ang tagay
Tinitiis ko pa rin ang pagkagat at pagsugat
sa aking balat
maihele lamang ng pagtulog
Ginagaya ko pa rin ang kanyang halinghing sa papag
at dagundong ng halakhak
kahit napapagod.Dahil bulag ang pag-ibig
at hindi niya ako iminulat
na hindi lamang siya ang nag-iisang maaari kong tingnan
may nagmamahal pa sa akin na hindi ko mabilang
at hindi makilala
sapagkatOo. Bulag ang pag-ibig niya.
At kailanman, sa aking paghahanap sa kanya,
hindi niya ako nakita.#For my little love
BINABASA MO ANG
Art for Heartaches (Poems)
PoetryWhen we feel too much, we rhyme. | Poems in Filipino and English. Collection.