***
Hindi titigil ang pagsulat
hangga't
may mga salitang
ibig kumawala
mula sa hawla
ng emosyon,
ng pasakit,
ng paniniil,
ng panghuhusga,
ng pananahimik,
ng pananalangin,
ng pag-ibig.Hangga't
may mga salitang
magdadalamhati
kung ito ay mahihimlay
sa lalim ng gabi
(kaya't hindi na lamang ito
magpapatulog
at kakatok nang kakatok
sa pinto ng panaginip
upang maititik
sa gitna ng antok).Hangga't
may mga salitang
nag-iingay
sa kabila ng pagkakapinid
ng mga labi
at pagkakatali ng mga kamay
sa trabahong otso-katorse oras
(kaya't itatakas
na lamang ang pagtitik
sa tanghalian
o iluluwa sa gitna ng trapik
sa hatinggabi
mairaos lamang).Hangga't may salitang
iluluwal ang panitik
sa tuwing magigipit
sa bulag na husgado,
sa bibig na sarado,
sa pusong naabuso,
sa luhang tumutulo
susulat, uusad,
ga-kuhol, ga-pagong man
makikipaghabulan
sa pagtakbo ng oras
maisalarawan lang
ang bawat panggigipit,
ang pagkabulag ng husgado,
ang pagbusal sa bibig,
ang pagdurog sa pag-ibig,
ang panangis at hapis,
(kaya't matutuyo na lamang
ang tinta,
magninipis ang papel,
mangangapal ang kalyo sa daliri,
at magkakaubusan ng salita).Hindi titigil ang pagsulat
hangga't ang mga tulad kong
umiibig sa panitik
ay humihinga,
nagdurusa,
nagpapakasakit,
nagpaparaya,
nangangarap,
nananalamin,
nangungumpisal
at nakikipag-ulayaw sa salita.#Jun082016
BINABASA MO ANG
Art for Heartaches (Poems)
PoetryWhen we feel too much, we rhyme. | Poems in Filipino and English. Collection.