***
Mahal
kung ito ang huling sandali
na pakikinggan mo ako
bago ka umalis
sasabihin kong
"Mahal kita"
Noon
nang matamis pa
ang pakahulugan
natin sa pag-ibig;
Noon
nang tunay pa
ang lambing sa iyong mata
at imbita ng iyong bisig;
Noon
nang mahigpit pa
ang hawak-kamay
nating pagkapit sa atin
Noon
nang wala pang
mga agam-agam
at mga pasakit.
Noon.Kung ito na ang huling sandali
na pakikinggan mo ako
bago ka umalis
sasabihin ko pa rin sanang
"Mahal kita"
Ngayon
kahit magkaiba na
ang pakahulugan
natin sa pag-ibig;
Ngayong
lumipas na ang lambing
at nanlamig ang 'yong bisig;
Ngayong
nasasaktan
itong mga kamay
sa pilit na pagkapit;
Ngayong
napuno na ng pagdaramdam
at panunumbat ang aking pananalig;
Ngayong
madali na sayo ang umalis at bumalik.Mahal
gusto kong malaman mong
mahal sana kita
hangga't may pag-ibig pang maipipilit
hangga't may lambing pang maisisingit
hangga't may lakas pa upang kumapit
hangga't may kahapon pang matatanaw pabalik
Mamahalin pa rin sana kita
kahit na masakit na masakit
Ngunit mahal
ano'ng magagawa ko
kung ito na ang huling sandali
na diringgin mo ako sa iyong pag-alis
Habang ang pabaon ko sayo ay Sana
iiwanan mo ako nang pagluha
Anumang pag-ibig ang maipilit
o lambing na maisingit
o tatag sa pagkapit
o kahapong igiit
kung tumalikod ka naman
na naman
ako na naiwan
ay magpipilit magsingit
ng panibagong Sana
Sana malimot ang lahat ng noon
Sana alalahanin ang pait ng ngayon
Upang sa susunod
Mahal,
sasabihin kong
wala nang pag-alis
dahil wala nang pagbalik
Sa pait ng ngayon ay lulusawin ko
ang lahat ng pag-ibig
na naaalala ng nakaraan
Dahil mahal
hindi naman maaaring
laging ako na lang
ang maiiwan,
maghihintay
at masasaktan
hanggang sa isang araw,
maisip mo na naman
akong balikan.#Aug152016 #FallbackGirlFeels
BINABASA MO ANG
Art for Heartaches (Poems)
Thơ caWhen we feel too much, we rhyme. | Poems in Filipino and English. Collection.