Tula 2 | Pitong Taon Ako Noon

957 40 2
                                    

Pitong taon ako noon...

Noong una ko siyang makita,

Sa harap ng matandang simbahan.

Nawaglit sa aking isipan,

Ang kan'yang ginintuang pangalan.

Ngunit mayroong isang bagay,

Ang hindi ko makakalimutan.

Ang kan'yang boses—

Boses na kayganda sa aking pandinig,

Boses na humahaplos sa aking puso,

Boses na yumayakap sa aking pagkatao,

At boses na dumidilig sa hapis kong pangungulila.

Pitong taon ako noon...

Noong siya'y aking masilayan.

Humpak na pisngi at medyo gusot na mga mata.

Palagi siyang kumakanta,

Ng mga lumang kundiman sa saliw ng gitara.

At aking napagtanto,

Sa aking pakiramdam ay may kulang at kakaiba.

Hinahanap ko ang kanyang presensya,

Parang sanggang-dikit noong ako'y bata pa—

Ngunit sumakit ang aking ulo at nangapos ang paghinga.

Pitong taon ako noon...

Kilala pala s'ya ng aking Ina?

Siya raw ang kumandili't nagbigay buhay.

Hindi alintana ang pagsubok,

At walang patid umagapay.

Kahit hininga'y ga-putok,

At putol na ang aklat ng panalok,

Masugid n'ya akong binantayan.

Gumabay at nagpalaki,

Upang ilaw sa aming tahana'y 'di mapundi.

Hindi ko malirip ang imahe n'ya,

Ngunit magkahawig sila ng aking butihing Ina.

Sumilay ang ginintuang ngiti sa kan'yang mga labi at nagwika,

"Kamusta ka na Apo?"

Pitong taon ako noon...

Nang muling pumasok,

Sa aking gunita ang aking Lola,

Mula sa sakit na mawalan ng alaala.

KamalayanTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon