Hithit-Buga ng sigarilyo si PO1 Nico Estacio.
Ramdam na kasi ang lamig ng simoy ng hangin sa loob ng sub-station ng police ng mga oras na iyon. Malapit nang mag-alas dose ng gabi at kaunti na rin ang mga taong gumagala sa may plaza ng Binangonan.
Sa sub-station na iyon naka-assign si Nico at ibang kasamahang pulis na nagmimintine ng katahimikan at kapayapaan sa lugar. Tahimik na ang kapaligiran ng plaza. Mukhang walang magiging problema, aniya sa sarili habang bumubuga ng usok.
Nag-iisa ng gabing iyon sa station si Nico dahil biglang nagkaroon ng karamdaman ang dapat ay makakasama niyang pulis. Hindi na ito nagawang palitan ng makakasama niya dahil nagkaroon ng mobilization sa kanilang pangunahing tanggapan.
Sakay ng kanyang motorsiklo ay umikot ng bayan si Nico. Partikular niyang pinuntahan ang mga lugar kung saan may potensyal na maganap na krimen.
Inikutan niya ang palengke ng bayan. Tahimik doon at wala siyang nakitang sinumang tao na kahina-hinala ang kilos.
Sumunod niyang pinuntahan ang isang covered court sa isang barangay doon kung saan may mangilan-ngilang na silang nadampot na kabataang humihithit ng marijuana.
Madilim ang lugar na iyon kaya madalas na puntahan ng mga kabataang nalilihis ng landas at nagda-drugs.
Bitbit ang flashlight, bumaba ng motorsiklo si Nico at inilawan ang kapaligiran ng court. Tahimik din ang kapaligiran.
So far so good, aniya sa sarili. Tahimik at mukhang payapang daraan ang buong magdamag.
Nang mula kung saan ay isang palahaw ang kanyang narinig!
Tulungan mo ako! Tulungan mo akooo!!! *
Isang lalaki ang humahangos sa kanyang direksyon. Tila takot na takot ito sa kung saan.
Awtomatikong hinawakan niya ang holster ng kanyang baril at tinanggal ang pagkaka-sara ng butones noon. SOP iyon dahil hindi siya sigurado kung ano ang maaaring papalapit sa kanya. Maaaring may panganib itong kasama at mabuti na ang laging handa.
Isang bagay iyong mahalagang natutunan niya sa akademya ng pulisya. Ang maging laging alisto at handa sa anumang bagay.
Nakita ni Nico na wala namang panganib na maaaring ihatid sa kanya ang lalaking noon ay nakalapit na sa kanya. Bagkus ay nagsusumamo lamang itong tulungan niya.
“Mamang pulis, tulungan mo ako! Hindi na ako tatagal! Tulungan mo ako!” pagmamakaawa nito.
“Huminahon po kayo. Ano po ang problema? May nais po bang manakit sa inyo?” mahinahon niyang tanong sa lalaki.
“Meron! May humahabol sa akin pero hindi ko siya nakikita. Nagpaparamdam lang siya at gusto niya akong saktan! Kaya huwag mo akong iiwan parang awa mo na,” sabay yakap nito sa kanya.
Nalilito man sa sinasabi ng lalaki, naramdaman niya ang panginginig ng buong katawan nito tanda ng matinding takot na bumabalot sapagkatao nito.
“Pare, nakainom ka ba o nagda-drugs ka?” muling tanong niya.
“Hindi. Basta sasama ako sa iyo. Kailangan mo akong proteksyunan sa kanya!!!”
Parang sanggol na nangunyapit sa kanya ang lalaki habang patuloy ito sa pag-iyak. Tila may kinatatakutan itong hindi naman nito masabi kung ano.
Nagpasya si PO1 Estacio na isama na lang sa istasyon ang lalaki. Doon niya ito kakausapin. Nang mga sandaling iyon ay tiyak niyang hindi nagsisinungaling ang lalaki. Hindi ito amoy alak at hindi rin naman mukhang nakatira ito ng droga.
Sa dalawang taon kasi niyang pagiging pulis ay madali na niyang masabi kung ang isang tao ay lasing o naka-droga. Trained sila sa mga ganoong gawain.
Sa istasyon ay ilang personal na detalye lang din ang nakuha niya sa hindi nakikilalang lalaki. Jinggoy Alagro ang pangalan ng lalaki. Binata at walang trabaho. Dayo lang pala ang lalaki sa kanilang bayan.
Hinggil sa kinatatakutan ng lalaki, hindi nagbabago ang deklarasyon nito na may kung anong hindi niya nakikita ang nais manakit sa kanya.
Mental depression, iyon ang naging konklusyon niya na marahil ay siyang nakakaapekto sa isipan ng lalaki. Sa hitsura ng lalaki ay aburido talaga ito sa buhay. Sa ganoong dis-oras ng gabi ay wala naman siyang alam namaaaring mapagdalhan sa lalaki kaya minabuti na lang niyang sa istasyon na ito manatili.
Nagtaka pa si PO 1 Estacio dahil mas gusto ng lalaki na sa loob ito ng selda manatili kahit na wala naman itong ginagawang kasalanan. Doon daw ay mas mababantayan siya ng pulis.
Walang siyang nagawa kungdi ang sumang-ayon sa kagustuhan ng lalaki dahil talagang nagpupumilit itong doon na magpahinga sa gabing iyon. Nang araw na iyon ay wala namang ibang nakakulong sa selda. Ilang minuto ang lumipas at nakita niyang tahimik na nakatulog ang lalaki.
Aniya ay ire-report na lang niya kinabukasan sa kanyang hepe ang tungkol sa lalaki. Hindi naman ito puwedeng manatili nang matagal doon dahil wala naman itong kinakaharap na kaso o ginawang krimen.
Muli ay nagsindi ng sigarilyo si PO1 Estacio, Nasa labas na siya noon ng istasyon. Tahimik na tahimik na ang buong paligid.
Nang biglang isang malakas na palahaw na nagmumula sa loob ng istasyon ang bumasag sa katahimikan ng gabi.
Hangos siya sa loob ng istasyon at laking gulat niya nang makitang namimilipit ang katawan na tila may nananakit sa lalaking nasa loob ng selda.
Malalakas na paghingi ng tulong ang palahaw ng lalaki. Hindi naman iyon ganap na maunawaan ni PO1 Estacio dahil nag-iisa ang lalaki sa selda. Mabilis niyang tinungo ang kinalalagyan ng susi ng selda.
Mabilis na sinusian ni Niko ang kandado ng selda. Subalit hindi na niya iyon nagawang buksan dahil binalot na nang matinding sindak ang buong pagkatao niya nang makitang nakasiksik sa isang sulok ng selda ang lalaki at hindi maipapaliwanag ang takot na nakarehistro sa mukha nito.
Napaatras siya mula sa selda. Ang mga kahiwagaang nasasaksihan ay hindi maipaliwanag ng kanyang isipan. May kung anong elemento, o ispiritu na nananakit sa lalaki. Nararamdaman niya ito sa mga sigaw at palahaw ng lalaki.
Binunot niya ang baril at itinutok iyon sa hangin. Subalit paano niya babarilin ang isang tao o bagay na hindi niya nakikita. Walang magawa si Niko. Hindi niya magawang tulungan ang lalaking patuloy na dumaranas ng tila walang-kaparis na pahirap.
“Patawarin mo ako!! Ako ang pumatay sa *yo!! Inaamin ko na!!! Hu hu hu!” Nagpapalahaw na umamin ang lalaki sa isang krimen.
“Ako ang pumatay sa iyo!! Akooo!!! Hu hu hu,’ paulit-ulit pang palahaw ng lalaki.
Noon tila biglang humupa ang galit ng kung anong ispiritu na nagpapahirap sa lalaki.
Noon lamang din parang nakahuma sa mga kahindik-hindik na kaganapang nasaksihan si PO1 Estacio. Mabilis nitong binuksan ang selda at tinulungan ang lalaking nawalan na ng malay-tao dahil sa matinding hirap na naranasan.
Ipinasya ni PO1 Estacio na dalhin na sa ospital ang lalaking nawalan ng malay-tao. Nang bumalik ang ulirat ay kusa itong umamin sa ginawang pagpatay sa isang babae. Inamin niya na nagawa niya ang krimen dahil nasa impluwensiya siya ng ipinagbabawal na gamot ng mga sandaling iyon. Itinuro rin nito kung saan niya inilibing ang kanyang naging biktima.
Nabigyang hustisya ang sinapit ng biktima dahil na rin sa ispiritu nitong marahil ay hindi matahimik kaya humanap ng paraan upang usigin ang konsensiyang kanyang salarin.
Para kay PO1 Estacio, isang gabi iyong hindi na niya makakalimutan sa buong buhay niya.
Ang pangyayaring iyon ay lalong nagpatibay sa kanyang paniniwala na may iba’t ibang paraan sa paghanap ng katarungan.
Wakas