Kurt?!

9 1 0
                                    

Naiburol na si Felix sa bahay nila sa kalapit syudad. Bumisita kaming tatlo nila Kurt at Steve, nagpakilala at kinausap ang mga magulang at kapamilya ni Felix para dumamay. Sobrang bigat ng pakiramdam ko sa mga pagkakataong yon. Gusto kong bigyan ng hustisya ang pagkamatay ni Felix. Di parin malinaw sakin kung totoo kayang may nakakita sa amin noong araw na yon at pinaghihiganti lang yung babaeng yon. Tulad ng sinabi ni Kurt, iniisip ko kung bakit di nalang kami isinumbong sa mga pulis at malabong kamag-anak niya yung babae para umabot siya sa ganitong pamamaraan dahil sabi narin ng tita ni Kurt, hindi taga-doon yung babae. Kung ano-ano nalang din ang pumapasok sa isip ko habang nakaupo at nakatitig sa kabaong ng aking namayapang kaibigan. 

"Hindi kaya may nagsabi sa pamilya ng babaeng yon kung ano totoong nangyari na nagudyok sakanila na gumanti at pinatay si Felix? Sino naman kaya yon? Kung may nakakita man maliban sa aming apat, hindi parin sapat yon para pagdiinang si Felix ang salarin. Malabo", sabi ko sa sarili ko. 

"Ang lalim ng iniisip mo ha", bulong sakin ni Steve.

"Iniisip ko parin kung sino at bakit niya nagawa to, kung sana sumuko–", sabi ko na agad pinutol ni Kurt.

 "Hindi! Wala tayong pinagsisisihan sa nagawa natin non, aksidente lang lahat ng yon, wala tayong dapat isuko. Nakapaghiganti na sila, malungkot ako na sa ating apat, si Felix ang sumalo ng kasalanan. Dapat ako nalang, tutal ko di nilabas yon di yon mangyayari", sabi niya. 

Tumahimik nalang kami pagkatapos sabihin ni Kurt yon. Marahil ay tama nga ang punto ni Kurt. 

-----

Lumipas ang mga araw, araw araw kaming nasa burol ni Felix, unti-unti ko ng natatanggap ang pagkawala ni niya. Nakakalungkot lang isipin na pagkatapos nito ay kapag pumasok na ulit kami sa school ay maraming bagay ang magbabago. Mula sa pagkain sa pananghalian, wala narin kaming tatambayan kapag magkakaroon ng mahaba habang break sa hapon, wala narin kaming masasandalan pagdating sa academics, at marami pang bagay.

Araw na kung saan ililibing na si Felix ay nagbuhos na ang emosyon sa pamilya niya at sa aming magbabarkada sa huling pagkakataon na makikita namin siya. Wala na talaga siya. 

Nagpalipas oras kaming tatlo nila Kurt at Steve sa malapit cafe. Doon, nagkwentuhan kami kung paano nagsimula ang aming samahan at mga masasayang alala kasama si Felix. Nagagawa narin namin magbiruan na kahit wala na si Felix, magpapatuloy parin ang tropang FKMS na maging successful balang araw. Mga 10 p.m. na, pasara na ang cafe, at nagyayaan na kaming magsi-uwian.

-----

Gumising ako ng maaga kahit walang pasok sa araw na yon. Pumunta ako sa lamesa para saluhan si mama na kumain ng almusal. Binuksan naman ng tito ko, na kasama rin namin sa bahay, yung tv. Habang kinakamusta ako ng mama ko sa school at sa nangyari kay Felix ay narinig ako. 

"Isang binatilyo ang natagpuang may isang tama ng bala sa kanyang ulo kagabi at nakahandusay sa tapat ng kanyang tinitirhang apartment", sabi ng reporter na agad nagpagising sa pagkakaantok ko. 

Pinanood ko ang balita. 

"Nakapanayam namin ang tita ng biktima na sinabi na nagpaalam ang kanyang pamangkin na pauwi na bandang 10pm galing sa libing ng kanyang kaklase. Tumawag nalang sakanya ang mga nakatira sa kalapit na apartment na kanyang pagmamay-ari at sinabing nakita nalang nila ang binatilyo na nakandusay pagkatapos makarinig ng dalawang malakas na putok", sabi ng reporter sa tv. 

"Noong nakaraang buwan ay may natala ding parehas na insidente na kung saan estudyanteng babae naman ang natagpuang nakahandusay at may tama ng bala sa kanyang ulo sa mismong pwesto", sabi ng reporter at nagsisimula ng bumilis ang tibok ng puso ko. 

"Kurt?!", sigaw ko habang nakaharap sa tv. 

"Anak, hindi ba gayan din ang nangyari kay Felix", tanong ng mama ko. 

Di ko na siya sinagot at nagmadali na akong nag-asikaso at umalis para tumungo sa apartment ni Kurt. Habang nasa byahe ay tinawagan ko ulit si Steve para sabihin ang nangyari kay Kurt. 

"PRE! Tang*na, pumunta ka kaagad dito sa apartment nila Kurt! Dali", sigaw ko habang nakasakay ng sasakyan.

 "May nangyari kay Kurt?!", sagot ni Steve. 

Naluluha na kinakabahan ako habang nasa biyahe. Sa pagkakataong ito, hindi ko na alam kung bakit humantong sa ganitong kalalang sitwasyon ang aksidenteng dinulot namin nung nakaraang buwan. Tinatanong ko ang aking sarili kung ano na ba talaga ang dapat ginawa ko noon. Dapat ba ay sumuko nalang kami at hinayaang may makulong sa aming tatlo kaysa sa ganito, dalawang pinakamalalapit na kaibigan ko na ang nawala ng ganon ganon nalang. Ganito ba kabagsik ang hustisya? 

-----

Nang makarating ako sa apartment ni Kurt ay nandoon narin si Steve naghihintay at umiiyak. Naroon narin ang ilang pamilya ni Kurt na humahagulgol sa loob ng apartment. Lumapit ang tita ni Kurt sa aming dalawa ni Steve at kinausap sa labas ng apartment. 

"Anong nangyari?! Bakit si Kurt?!", nagngangalit na tanong ng tita ni Kurt sa amin. 

Humingi kami ng paumanhin at pinaliwanag ko sa tita ni Kurt ang lahat lahat. Nang malinawan na siya at mahimasmasan ay tinanong niya ako. 

"Hindi ba kayo natatakot na baka isa sainyong dalawa ang maaaring matulad sa sinapit ng pamangkin ko at sa isa niyo pang kaibigan?", tanong niya sa amin. 

Di na kami sumagot dahil mas nangingibabaw sa amin sa mga oras na yon ang biglaang pagkamatay ni Kurt. Pansin ko na di ako gaanong lumuha ngayon hindi tulad sa pagkawala ni Felix, siguro dahil hindi pa nga ako naka recover kay Felix ay sinundan agad ng pagkawala ni Kurt. Wala na akong natitira pang emosyon na mailabas, umupo nalang ako sa labas ng apartment ni Kurt, di alintana ang init ng sikat ng araw at natulala ng ilang oras, walang iniisip. Maya't maya pa ay lumapit na sa akin si Steve. 

"Ang bilis ng mga pangyayari", sabi niya sakin.

 "May mga tao talagang nagagawang pumatay dahil sila rin ay patay na sa kalooban nila", dagdag niya pa.

 "Anong gusto mong sabihin?", tanong ko sakanya.

"Kung totoo mang may iisang tao sa likod ng krimen na ito, siguro nga ay totoo na pinaghihiganti niya yung babaeng yon. Naging halimaw ang taong yon para bigyang hustisya ang pinakamamahal niya", sabi niya. 

Nalilito ako sa mga sinasabi ni Steve sa akin sa mga oras na yon pero naiintindihan ko yung pinaparating niyang ideya na kami rin ang may pananagutan sa nangyayari sa amin. Ngayon, dalawa nalang kami ni Steve. Sapat na ba yung pagkamatay ng dalawa naming kaibigan para makamit nila ang hustisya?

-----

Tropang FKMSTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon