Buko Juice

16 1 0
                                    

Tanghali ng Nobyembre uno, mag-isa akong naglalakad pauwi sa amin mula sa bahay ng aking tiya nang mula sa malayo ay matanaw ko ang aking kapatid na nakaupo sa lilim ng puno ng malaking sampalok, mag-isa at may hawak na pamaspas.

"Kuya, anong ginagawa mo rito? Hindi ka pa ba uuwi?" tanong ko nang tuluyan na akong nakalapit sa kanyang kinaroroonan. Nilingon niya ako ngunit agad namang nag-iwas ng tingin. Hindi niya rin ako sinagot, nanatili lamang siyang tahimik habang patuloy niyang nilalaro ang hawak niyang pamaspas.

Madalas kong madaanan dito si kuya ngunit hindi sa ganitong oras. Malapit lang kasi dito ang pinagtatrabahuhan niya. Madalas siya dito dahil maliban sa tahimik ang lugar ay nakakapagpahinga pa siya. Sa pangalawang pagkakataon, muli kong tinitigan si kuya at hindi nakaligtas sa aking paningin ang kanyang kwintas na may palawit na itim na batong hugis luha. Gusto ko siyang tanongin kung saan niya iyon binili kasi sobrang ganda at mukhang mamahalin ngunit pinili ko nalang na manahimik dahil mukhang malalim ang iniisip niya.

Nasanay ako na kapag binabati ko si kuya ay kakawayan niya ako nang may malapad na ngiti sa labi. Na sanay ako na kapag tinatanong ko siya ay agad niya akong sinasagot ngunit ngayon ni e ay wala, nakapaninibago.
Siguro dapat ko muna siyang hayaang makapag-isip. Dahil sa kagustuhan kong hindi na maka-abala, nagpaalam na ako kay Kuya at naglakad na palayo.

"Hi Kuya!" bungad ko kay Kuya na nanonood ng Seven Deadly Sins nang nakarating na ako sa bahay matapos ang sampung minutong lakaran.

"Ang bilis mo namang nakarating? Nag-shortcut ka ano?" tanong ko habang inilalapag sa lamesita ang supot ng bibingka at buko juice na nakalagay sa plastik na binili ko kay aling Marialos kanina, umupo ako sa kanyang tabi at nakinood na rin.

"Anong ibig mong sabihin?" nagtatakang tanong niya na ngayon ay nakaharap na sa akin, hinarap ko naman siya.

"Hindi ba nagkita tayo kanina?" sagot ko sa tanong niya na nagpakunot sa makinis niyang noo.

"In fairness ha, ang ganda ng bago mong kwintas. Saan mo iyon binili? Sa GG ba kuya?"

"Ha anong kwintas? Buong araw kaya akong na tambay dito sa bahay." Bumalik na siya sa panonood ng TV. Sa 'di ano'y bigla kong naramdaman ang pagsaklob ng takot sa aking dibdib, ramdam ko rin ang unti-unting pagtayo ng buhok ko sa katawan kasabay nito ang pagbilis ng kabog ng aking dibdib.

Sabi niya nandito lang siya buong araw, kung ganoon sino yong kinausap ko kanina?

Naabot mo na ang dulo ng mga na-publish na parte.

⏰ Huling update: Apr 15, 2020 ⏰

Idagdag ang kuwentong ito sa iyong Library para ma-notify tungkol sa mga bagong parte!

Book of Horrific TalesTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon