CHAPTER 16 ××

251 14 10
                                    

Ramdam na ramdam ni Poch ang pagkakadiin ng sarili niyang kalawit sa katawan niya.

Lalo pang inilapit ng demonyo ang ulo nito sa mukha ni Poch.

“Bilisan mong magdesisyon #7694. Ayokong naiinip!” sabi nito sa babaeng taga-sundo.

Yun lang ang kinailangan at naging itim na usok ito at tsaka tuluyang nawala.

Ibinaba ni Poch ang tingin sa katawan niya. At nakita nga niya na halos kalahati na ng kalawit ang nakabaon sa kaniya. Walang dugo na lumalabas sa sugat niya pero sobrang sakit ng nararamdaman niya.

Hinawakan niya ng dalawang kamay ang kahoy na tangkay ng kalawit at tsaka buong lakas na hinila papalabas. Kasabay nun ang sigaw niya dahil sa labis na sakit.

Gagaling din ang sugat niya, alam ni Poch yun. Pero marahil sa sobrang sakit at pagod hindi na siya nag-abala pang gumalaw at doon na mismo nawalan ng malay.

Madilim pa din ng magkaroon ulit ng malay si Poch.

Hindi niya alam kung gaano siya katagal na walang malay. Nawala na ang sakit ng sugat pero nanlalata pa din ang buong katawan nito.

Dahan-dahan siyang tumayo gamit ang kalawit niya bilang tungkod. Nang makatayo, pinaliit niya ang kalawit, inilagay sa bulsa at tsaka umalis papunta sa harap ng ospital.

Pilit niyang itinatago ang butas sa damit niya.

Habang naglalakad hindi niya maiwasang alalahanin ang mga nangyari kanina; Napakalakas pala ng isang demonyo, ni hindi man lang siya nakalaban dito. Ang akala niya talaga katapusan na niya.

Natigil ang pag-iisip niya sa tunog ng elevator na senyales dapat na siyang bumaba.

Pagkadating niya sa wing na kinalalagyan ng kwarto ni Kyra nagulat siya na nasa ospital pa si Mang Roger at nasa labas ito ng kwarto. Aligaga ito at pabalik-balik ng lakad.

Bago pa siya makalapit nakita niyang lumabas si Kyle mula sa kwarto ni Kyra. May sinabi ito kay Mang Roger dahilan naman para yakapin siya nito.

Dahan-dahang lumapit si Poch habang pilit pa din itinatago ang butas na damit niya. Nang matanaw siya ng matanda, agad siyang niyakap nito.

“Anong nangyari?” tanong ni Poch habang nakayakap sa umiiyak na matanda.

“Muntik na… Akala ko mawawala na siya sa’kin…” humihikbing sagot nito.

Si Kyra ang tinutukoy ni Mang Roger na muntikan ng mawala sa kaniya. Sa hindi kasi mapaliwanag na dahilan panandaliang huminto ang pagtibok ng puso nito matapos kombulsyunin.

Inakay ni Poch si Mang Roger sa mga upuan para mapakalma ito. Iniwan naman silang dalawa ni Kyle.

Nang kumalma na ang matanda hinawakan niya ang kamay ni Poch.

“Salamat.” Mahinang sabi ng matanda ng hindi tumitingin kay Poch.

“Para saan?” tanong ng dalaga.

Bahagyang natawa ang matanda. “Di ko nga alam eh. Basta lang, salamat hija.” Inangat ng matanda ang ulo niya at binigyan si Poch ng isang malaking ngiti. “Uwi na tayo?”

Tumungo lang si Poch bilang pag-oo.

Tumayo si Poch para pumasok sa kwarto ni Kyra pero napansin niyang hindi gumalaw sa pwesto niya si Mang Roger.

“Di ka ho ba papasok?” tanong ni Poch.

Umiling lang ang matanda. Ayaw munang makita ni Mang Roger si Kyra ngayong gabi. Sapat ng hirap ang nakita niyang pinagdaanan ng anak niya. Gusto na lang niyang magpahinga.

Naintindihan naman ni Poch ang iling ng matanda kaya naman siya na lang ang pumasok. Kailangan niya kasing mag-palit ng damit bago pa may maka-halata sa butas ng damit niya at sa natitirang marka ng sugat sa tyan niya.

Tiningnan ni Poch ang paligid; Wala namang nag-bago sa loob ng kwarto bukod sa mga nadagdag na aparatong nakakabit kay Kyra. May isa lang siyang napansing kakaiba—nawala ang orasan ng buhay ni Kyra sa itaas ng ulo niya.

Nang makapag-bihis na, lumabas na si Poch at Mang Roger mula sa ospital at sumakay ng taxi papauwi. Tahimik silang bumabyahe nang binasag ng matanda ang katahimikan.

“Sana palagi ka lang nandito.” Sabi ni Mang Roger habang nakatingin sa bintana. “Para kahit mawala si Kyra…” Hindi na natapos ng matanda ang sinasabi niya dahil labis labis na ang pagluha nito.

“Di ako mawawala, ‘tay.” Sabi ni Poch habang hawak-hawak ang kamay ng matanda.

Gusto mong maging tao dba? Patayin mo si Kyra!

Soul SearchingTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon