Bagong araw na naman. Bagong araw na hindi ko kasama ang aking pamilya. Buti na lang andito ang aking syota hindi ako nagiisa. Lahat ng makikita mong bagay ay puti sa aming kinalulugaran.
Miss ko na ang aking mga kapamilya. Sana miss na rin nila ako. Sana napatawad na nila ako. Sana nakalimutan na nila ang aking mga kasalanan sa kanila. Sana hindi na nila ako kinamumuhian. Sana man lang madalaw nila ako kahit konting oras lang. Sana. Sana. Sana. Puno ng sana ang aking utak.
Kasalanan ko rin naman eh. Kasalanan ko kung bakit ang layo na nila sa akin. Kasalanan kong trinato ko silang estranghero. Kasalanan kong ang sama ng pakikitungo ko sa kanila. Kasalanan kong pinagtulakan ko sila palayo. Oo na. Ako na may kasalanan. Hindi ko kasi matanggap na patay na ang aking pinakamamahal na syota. Hindi ko tanggap na ako ang dahilan kung bakit siya namatay. Hindi ko tanggap na bago siya mamatay ay hindi ko man lang nasabing mahal na mahal ko siya. At mas lalong hindi ko matanggap na nagaway kami bago siya mamatay.
Kaya ayun napagdesisyonan ko na lang magpakamatay. Para naman makasama ko na ang aking syota. Buti na lamang pinatawad ako ng Panginoon sa kasalanan kong pagtitiwakal.
Mahal na mahal ko kayo diyan sa lupa. Kahit na hindi ko naiparamdam sa inyo.