Akala ko hindi ako muling magtatanong,
Akala ko tapos na ang aking pagkukulong.
Ang pag-asang darating ka ng mga panahong iyon
Na nagtanikala sa akin sa mahabang panahon.
Kala ko'y naibaon na sa limot ang dating damdamin,
Ngunit ngayon unti-unting bumabangon sa pagkakahimbing.
Hindi pala nilamon ng lupa ang aking nararamdaman,
Nagtago lamang pala ngunit hindi lumisan.
Ngayon ako'y magsasalita na
Matapos ang halos isang dekada.
Sa aking pananahimik hindi ka pala nawala,
Hindi ako iniwan ng aking pag-asa.
Sa pag-asa kong ika'y darating ng mga panahong 'yon,
Umasa akong sa tawag ko ika'y tutugon.
Ako'y nabigo sa aking paghihintay
Aking puso'y tila nawalan ng malay.
Naghintay ako ngunit di ka dumating,
Tumawag ako ngunit di ka tumingin.
Nanlumo ako't pinasyang lumimot
Sa isang madalim na kahapon na dala ay bangungot.
Muli tayo'y pinagtagpo at ako'y biglang nagising,
Sa aking pagkakaidlip ako'y bilang napabaling.
Ikaw nga ang nasa aking harapan
Ikaw nga na hinanap ko kung saan saan.
Sa ating muling pagkikita isipan ko'y muling nabulabog,
Ang aking puso biglang bumilis ang pagkabog.
Ito ba ay isang pangitain
O isa lamang biro o isang pain.
Kung ito ay isa lamang laro,
Kaya ko bang itaya muli ang aking puso?
Ang pusong namatay ng hindi ka dumating
Nang hindi ka tumugon sa aking panalangin.
Muli kong hahanapin ang takdang panahon
Na ikaw at ako'y sabay na lilingon.
Lumipas man ang mga araw,
Sa aking alaala hindi ka napupunaw.
Lumabo man ang aking mga mata,
Sa aking isipan malinaw pa rin ang 'yong mga alaala.
Natapos man ang ating kamusmusan,
Alam kong sa'yo pa rin ako nakalaan.
Ikaw na hinintay ng mahabang panahon
Nagdala ng masasayang alaala na ni minsan ay di ko binaon.
Hihintayin kitang muli, hihintayin ko ang 'yong pagbabalik,
Sa iyong mga kwento at mga tawa tunay na akong nananabik.
Sana sa tamang panahon maging tama na ang mali
Maging pwede na ang hindi.
Sana sa tamang panahon magkita tayo
Sana sa tamang panahon maging ikaw na at ako.