Simula Gitna Dulo

14 0 0
                                    

Para sa'yo na nakasama kong bumuo ng mga pangarap at hinaharap ngunit ang atin palang kwento ay isa lamang panaginip na may hangganan. Sa aking paggising, ang dulo natin ay dumating.

Simula. Gitna. Dulo.

Nagsimula tayo sa masasayang sandali kung saan tila tayo lamang ang mga tao sa mundong ating ginagalawan

Na para bang ang bawat ngiti, tawa at hagalpakan ay walang katapusan.

Nagsimula tayo sa kwentuhang walang patid at sa mga usapang wala namang pinagsisimulan ni pinagtatapusan

Mga walang kwentang bagay nga ay nagiging makabuluhan basta lang meron tayong mapag-usapan.

Nagsimula tayo sa "Pwede ba?" na nagbago ng buhay nating dalawa

Nagdala ng maraming alaala at mga pangako sa isa't isa.

Simula.

Isang salitang akala natin ay wagas at walang hanggan.

Salitang hindi alam kung dapat bang pagtiwalaan o tayo'y nililinlang lamang.

Ayoko na sanang magsimula ngunit kailangan upang malakad sa bagong daan.

Kung saan natapos ang walang hanggan.

Kung saan ang lahat ay saya ang dala at lungkot at walang puwang.

Kung saan ikaw at ako ay naging magkatuwang.

Bumuo tayo ng mga pangarap at pangako sa gitna

Kung saan ang lahat ay narinig ng buwan at mga tala.

Naging saksi ang kalawakan sa ating wagas na pagmamahalan

Sa pagitan ng simula at katapusan.

Ang ating mundong pinagtagpo at pinag-isa

Dinala tayo sa mundong tayo lang ang nakakakita.

Gitna.

Kung saan ang saya ay mas lalong lumalalim

Mundong hinuhulog tayo sa malalim na bangin.

Ang lahat ng pagsubok ay hinaharap ng magkasama.

Magkahawak ang mga kamay kahit nanlalamig na sa kaba.

Magkasama hanggang sa panaginip na tila totoo ang lahat ng pangyayari

Hindi na pipiliing magising kung maaari.

Mga pag-uusap na noon ay puno ng saya biglang nawalan ng sigla

Nagsimulang manlamig tulad ng hanging umiihip sa umaga

Nagtatalong isip at puso kung tutuloy pa ba o bibitaw na

Pagkat sa pagbitaw ng mga kamay ay may sakit na madarama

Ngunit sa patuloy na paghawak ay patuloy rin ang pagluha

Nagsimula sa "Pwede ba?" natapos sa "Tama na."

Dulo.

Kung saan ang lahat ng sakit ay naipon na

Ang lahat ng luha ay bumuhos na tulad ng bagyong nananalansa.

Ngunit puso nga yata'y namanhid at napagod na rin

Pagkat sa aking pagbitaw wala ng maramdaman ang aking damdamin.

Ang dulong hindi nakita noon ay sumampal na sa harapan

Kung saan ang istoryang ito ay natapos na sa isang paalam.

Wala mang "paalam" na narinig

Ang pananahimik ang nagsilbing tinig.

Sa katahimikang pinuno ng mga salita

Naroon ang humihiyaw na pagmamakaawa

Na ang ating kwento ay nais ng matapos

Puso'y nagmamakaawa na't naghihikahos.

Ito ang ating kwentong nagsimula sa saya

Sa gitna'y umipon ng maraming alaala

Ngunit sa dulo'y naroon ang tuldok ng luha

Walang laban sa iginuhit ng tadhana.

Paalam sa iyo na nakasama kong bumuo ng kwentong ito.

Paalam sa iyo.

Tahimik na TinigTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon