Prologue

48.2K 806 15
                                    

Masaganang kumakain ang anim na taong gulang na si Mariana sa mesa. Sa di kalayuan naman ay kausap ng isang matandang babae ang kapatid nito. Nilingon ni Mariana ang kapatid at saka nginitian. Gumanti naman ang kapatid ng ngiti kahit pa nangingislap ang mga mata nito ng luha.

"Magda, ako nang bahala kay Mariana. Sana maintindihan mo na ang kapatid mo lamang ang kaya kong tanggapin."

"Naiintindihan ko po, Tyang."

Bumaba ng mataas na upuan ang batang si Mariana at patakbong lumapit kay Magda.

"Ate, ang saya dito! Ang sasarap ng pagkain! Dito na ba tayo titira, Ate?"

Hinaplos ni Magda ang maliit na mukha ng kapatid. Muling napuno ng luha ang kanyang mga mata. Ang kapatid na lamang ang natitirang pamilya ni Magda. Namatay ang kanilang mga magulang noong isang araw lamang. Nagpresinta ang Tyang nya na kupkupin si Mariana, ngunit ito lamang at hindi sya kasama.

"Magpapakabait ka rito huh. Tandaan mo, mahal na mahal ka ni Ate. Pa-kiss nga."

Nanulis naman ang mamantikang nguso ng kapatid at mariin na idinampi sa kanyang pisngi.

"Ate, magpapakabait tayong dalawa rito," sabay ngiti nito.

Namigat ang dibdib ni Magda. Hindi na lamang nya sasabihin sa kapatid ang pag-iwan nya rito. Bukas ay dadalhin na ito ng kanyang Tyang sa probinsya. Masakit iyon para sa kanya, ngunit wala syang magagawa. Hindi nya rin naman kayang buhayin ang kapatid. Kaysa sa ibang tao pa mapaampon si Mariana ay mabuting sa kanilang Tyang na lamang ito mapunta.

"Magpapakabait tayo," sang-ayon nya sa kapatid. "Maghugas ka na ng kamay sa lababo, at maya-maya lamang ay matutulog na tayo."

Sumunod naman ang kapatid. Nilingon nya ang tiyahin na abala sa pagkwekwenta ng kung ano.

"Tyang, hintayin ko lamang po makatulog si Mariana at aalis na rin po ako kaagad."

"Kahit dito ka na magpalipas ng gabi, Magda. Pasensya ka na talaga. Gustuhin ko man na dalawa kayong kupkupin ay hindi ko na rin kakayanin."

Tumango na lamang sya. Dumukot ang tiyahin sa bulsa at inabutan sya ng pera. Tinanggap na rin nya dahil walang-wala na talaga sya. Nang makapaglinis ang kapatid ng sarili ay niyakag na nya ito sa kwarto na tutulugan sana nila. Ngunit si Mariana na lang mag-isa ang matutulog doon dahil aalis na rin sya kaagad.

"Ate, kahit ba nasa langit na sina nanay at tatay, nakikita pa rin nila tayo?" tanong nito pagkahiga nila ng papag.

"Oo naman."

"Eh tayo, Ate, kailan ulit natin sila makikita?"

"Sa panaginip na lang natin sila makikita, Mariana."

"Basta ikaw, Ate, wag mo kong iiwan huh."

Namasa na naman ang mga mata ni Magda. "Oo naman. Pero tandaan mo lang, kapag di mo man ako makasama, sa panaginip naman dadalawin kita."

"Hindi ka pa naman patay, Ate, eh."

Pero baka doon na rin ako humantong, sabi nya sa sarili. Magaan syang tumawa.

"Bakit, mga patay lang ba ang pwedeng mapanaginipan? Ikaw talaga. Tulog ka na. Bukas magbabago na ang buhay mo, Mariana."

Yumakap ang kapatid sa kanya. "Buhay natin, Ate."

<<<<<>>>>>

"Tyang... wag nyo akong iwan. P-parang awa nyo na po, l-lumaban kayo."

Gustuhin man ni Mariana ang magpakatatag sa harapan ng tiyahin na nag-aagaw buhay na ay hindi nya magawa. Nagkaisip syang ito na ang kasama, at hindi nya kayang makita ito sa ganoong sitwayon.

Fix Me (COMPLETE)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon