Chapter 1

26.2K 663 11
                                    

Nanigas ang likod ni Mariana nang magisnan ang lalaki sa kanyang harapan.

Nakaupo ang lalaki sa isang silyang de gulong. Ngunit hindi lamang ito basta nakaupo, kundi matikas rin ang pagkakaupo. Tuwid ang likod nito at nakalapat ang dalawang kamay sa mga hita. Mayroon itong mahabang itim na buhok na kung kakalasin mula sa pagkakatali sa likod ay malamang na umabot ng hanggang balikat. May kalaparan ang noo nito, ngunit binagayan iyon ng makapal naman nitong kilay, matangos na ilong, katamtamang kapal ng labi, prominenteng panga na may kagaspangan dahil sa papatubo na nitong balbas. Ngunit ang umagaw sa kanyang atensyon ay ang mga mata nitong bughaw na maipaparis sa kulay ng langit at karagatan. Napapatungan ito ng may katamtamang haba ng pilikmata.

Tuwid lang ang tingin nito at walang mababakas na kahit anong emosyon ang mukha.

"Alam kong may tao riyan," mahina ngunit may katigasan na sabi nito.

Kahit ang boses ng lalaki ay naghatid sa kanya ng kakaibang pakiramdam. Ngunit ang mas ikinagulat nya ay ang sinabi nito. Hindi ba sya nakikita nito? Samantalang ilang hakbang lamang ang layo nya sa lalaki at malinaw rin ang kanyang nakikita na tutok ang paningin nito sa kanya.

"Bulag ako. Hindi ba halata?" muling sabi nito sa mababang tinig, at iniikot na ang gulong ng inuupuan upang sya ay talikuran.

Sandaling namagitan ang katahimikan sa kanilang dalawa, kaya naman sya na ang bumasag noon.

"Aherm! A-ako po si Mariana Jose, ang bagong katulong. Kayo po, sino?" lakas loob nyang tanong. Baka naman kasi napadaan lang naman pala ang lalaki at hindi naman talaga taga-roon. Wala rin namang nabanggit ang mayordoma sa kanya na bulag at pilay ang kanyang kakatagpuin sa kwartong itinuro sa kanya.

"Kevin Dreweyn. Makakaalis ka na."

"Ho? Teka, pinapauwi nyo na ho ba ako? Hindi ho ba ko tanggap? Kasi galing pa ho akong probinsya, Ser. Try nyo ho muna ako. Masipag ho ako at magaling sa trabaho," kabado nyang sabi. Nalintikan na, mukhang uuwi sya ng luhaan.

Umalis ng pwesto ang lalaki at lumapit sa lamesa nito. May pinindot itong button na kulay pula. Katahimikan na naman ang namayani. Maya-maya ay pumasok ang matandang katulong na naka-unipormeng asul. Ito rin ang matandang nagpatuloy sa kanya sa bahay na ito kanina. Inakay na sya nito palabas ng pinto at dinala sa kusina, na syang ipinagtaka nya dahil ang inaasahan nya ay sa gate sya nito ihahatid. Hindi na sya nakatiis at kinausap na ang matandang mayordoma.

"Manang, baka ho may pera kayo kahit magkano. Di ko ho kasi akalain na hindi ako matatanggap dito. Wala ho akong kamag-anak dito, at saka pamasahelang po papunta rito ang dala ko."

Lumingon naman ang matanda sa kanya at ngumiti nang ubod ng tamis. Inilapag nito sa kanyang harap ang isang basong juice at tinapay na mukhang masarap.

"Huwag kang mag-alala, iha, tanggap ka. Mamaya ay sasamahan kita sa magiging silid mo."

Halos maibuga nya ang juice na iniinom. "Eh ang sabi ho ni... Kevin ata yon... makakalis na raw ho ako." Bahagya syang tinapik ng matanda sa kanyang braso.

"Iyon ang magiging amo mo. Mabuti pa ay ipapaliwanag ko na sa iyo ang trabaho mo."

<<<<<>>>>>

Nakahiga na si Mariana sa kanyang kama at nakatitig sa kisame ng kanyang silid. Solo nya lamang ito. Maayos ang silid kumpara sa dati nyang tinitirhan sa probinsya. May isang bentilador, lamesang maliit sa tabi ng kama at aparador para sa kanyang gamit. Ngunit mayroon iyong dalawang pinto. Ang isa ay labasan, at ang isa naman ay nakarugtong sa kawarto ng kanyang among si Kevin.

"Master" daw ang nais ng amo na itawag nya rito. Mahigpit daw nitong bilin na ayaw nito sa mga taong maiingay ang bibig at pakialamera, pati na nagmumura. Hindi raw pala¬-salitang tao si Master. Ang nais daw nito ay palagi syang nasa tabi nito kapag ito ay gising, at makakaalis lang kapag naman tulog na. Biniro pa sya ng matanda, na nakilala nya sa pangalang Nanay Bebeng, na ihanda na raw nya ang sarili dahil siguradong mapapanisan sya ng laway. Palagi lang daw kasing nakikinig ang lalaki ng musika gamit ang headset.

Fix Me (COMPLETE)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon