Ikalawa

21 0 0
                                    

Ilang araw na rin siyang binabagabag ng konsiyensiya niya.

Si Kyla ang nagsabi kay Aries na nakikipagkita na naman ang kanyang girlfriend sa dati nitong kasintahan. Minsan niyang nakitang pumasok si Cristy sa loob ng building ng condo nila, mukhang nagmamadali, nakasuot ng pulang blouse na alam niyang bigay ni Aries dahil siya ang nautusan ng kaibigan para maghanap ng magandang ireregalo sa kanilang anniversary. Nagtaka siya dahil alam niyang may date ang dalawa noon. Lalapitan na sana niya ang babae, pero naunahan siya ni Vince, ang ex-boyfriend nito, at nagulat nang hinalikan si Cristy, hinawakan ang kamay at hinila papasok ng building, patungo sa elevator, hanggang sa makaakyat sa floor at makapasok sa kwarto nito.

“Alam ko rin namang may iba na,” pagtatapat sa kanya ni Aries. Matagal na rin daw nitong napapansin na iba ang mga kinikilos ni Cristy, nagiging magagalitin, matampuhin. Minsan na rin nitong nakitang may ibang kausap sa telepono, nagpaplanong makipagkita pagkatapos ng kanilang date. “May nawala e,” pagpapatuloy ni Aries.

Umiyak si Aries at hindi mapigilan ni Kyla ang pagyakap sa kaibigan. Tumulo rin ang mga luha sa kanyang mga mata dahil alam niyang may kasalanan rin siya sa kasalukuyang kalagayan ni Aries. Nang makita niya noon si Cristy na hinihila ni Vince ay natuwa siya at dali-daling kinausap si Aries. Ginusto niyang maghiwalay ang dalawa, halos gabi-gabi niyang sinasama sa mga dasal, pero ‘di na ngayong nakikita niyang nadudurog pa ang basag nang puso ni Aries.

Hinawakan ni Kyla ang mukha ni Aries, ang kamay niya ay mahigpit ang kapit sa walang ahit na pisngi, at tinignan nang diretso sa mata. “Kakayanin mo ha? Kakayanin mo,” habang pinapahid niya ang mga luha sa mata ni Aries.

Hindi man aminin ni Aries, napagtanto niya ang nawala sa kanila ni Cristy habang nakatingin sa mata si Kyla na umaalalay pa rin. Naramdaman niya ang kakaibang gaan sa pakiramdam, ang pagkaluwag ng paghinga, ang kislap sa mga mata ni Kyla, ang kuryente sa mga palad na nakahawak sa kanyang mukha. Hinalikan niya si Kyla at naramdaman niyang muli ang init na matagal nang ‘di naramdaman kay Cristy. Nagpatuloy sila, mula sa lamesa, patungo sa lapag, hanggang sa malalambot na kama at natapos sa paghahalo-halo ng lahat ng kanilang nararamdaman, ang mga nawalang ngayo’y natagpuan na at mga bagong usbong sa kanilang mga puso.

Liwanag ang lumamon sa kanilang dalawa, ang mga katawa’y magkapulupot sa isa’t-isa, sa ilalim ng kumot puting, sa ibabaw ng magulong pagkakasapin sa kama.

PariralaTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon