Umiwas si Franco sa halik na dapat sana, para sa mga labi niya. Umatras ako, ‘di makatingin nang diretso, nahihiya sa ginawa ko.
“Sorry, nakalimutan kong ayaw mo.”
Ngumiti lang siya, kagaya ng lagi niyang ginagawa sa tuwing hahalik ako sa kanya, mapa labi o pisngi, batok o kamay, o kaya naman sa tuwing yayakapin ko ang nagpupumiglas niyang katawan, o kapag hahawakan ko ang mga maiilap niyang kamay at pati na rin ang simpleng pagsandal lang sa kanyang balikat. Iiwas siya, tatawa at mananatiling nakangiti, hanggang sa magsalita akong ulit, magbubukas ng panibagong topic ng usapan, kung hindi niya susubukang magpaalam dahil may project na kailangang gawin, may report pa sa susunod na class, may urgent na aasikasuhin.
Binuksan niya ang bag niya at dinukot mula roon ang cellphone. Nag-check siya ng mga messages sa bagong biling iPhone, nabili sapamamagitan ng pinaghalong pera niya at pera ko, noong birthday niya. Minsan niyang nabanggit sa akin na gusto niyang magkaroon ng bagong cellphone dahil sa malapit nang masira ang dati nang sirang cellphone, halata dahil sa mga tape sa gilid nito. Kung mayaman lang ako ay bibilhin ko iyon para sa kanya, pero hindi maluwag ang labas ng pera sa amin, kaya naman napilitan akong gamitin ang maliit kong ipon. ‘Yon ang unang beses niya akong niyakap, nang inabot sa kanya ng kahera ang kahon ng gadget, kahit maraming tao sa paligid.
Ibinulsa niya ‘to at bumaling sa akin. “Kailangan ko nang umalis. Meron kaming, uhm,” umiwas siya ng tingin sa akin at nagkunwaring may hinahanap sa bag, “project na kailangang tapusin,” pagtatapos niya.
“Saang subject naman?”
“Sa philo class ko.”
Pangalawang beses na niyang ginamit ang excuse na project sa philosophy class niya, samantalang sabi ni Ella sa akin, na kaklase ni Franco sa klaseng ‘yon, ay tamad ang prof nila, ‘di nagpapa-quiz, nagbabasa lang ng powerpoint presentation sa tuwing nasa classroom, ni hindi man lang tumatayo sa upuan. Napakaimposibleng magbigay ng project ‘yun, patawang nabanggit ni Ella sa akin noong minsang nagkita kami.
“Sige,” sabi ko at kaagad naman siyang tumayo mula sa kinauupuan, naglakad, mabilis, papalayo sa akin, papalayo nang papalayo, hanggang sa nawala siya sa aking paningin, hanggang sa humalo siya sa mga taong nagsisilabasan ng mga building.
BINABASA MO ANG
Parirala
RomanceLupon ng mga kuwentong umaapaw sa mga salitang parang tubig, walang depinisyon, walang tanikalang kumakahon sa mga along nagpupumiglas na makawala. Nagsisilbing parte ng isang pangungusap na sinasalamin ang tagumpay at pagkabigo ng bawat taong umibi...