Tuloy-tuloy ang pagdaloy ng alaala sa isipan nang sagutin niya ang tanong ng kasama. Kasabay ng mga nagbabagsakang mga patak ng ulan ang mga imahen ng lalakeng dati’y pinag-alayan niya ng sarili. Tinangay ng malakas na hangin ang kanyang payong at hininga nang dumapo ang labi ng lalake sa kanyang labi, sa umpisa’y marahan na naging mapusok, mariin, kagaya ng ulan sa kanilang mga balat, naghahalo ang tubig, ang laway, ang pawis. Lapat sa kanilang balat ang tela ng basang mga damit ngunit hindi iyong naging hadlang para magsanib ang kanilang mga sarili. Humiga sila sa putikan, nilalamon ng lupa, ng pananabik ng isa’t-isa. Malamig ang paligid, lalo na’t Disyembre, subalit magugulat ang sino mang makakaramdam sa init na nanggagaling sa kanila, nakatutunaw, nakapapaso, parang tinutuyo ang maputik na daan at tinatalo ang walang awang ulan.
“Remy, hello?”
Bumalik sa kinauupuan si Remy mula sa kanyang pagbabalik tanaw. Nasa harapan niya si Camille, sumisipsip mula sa mahal na kape, kumagat sa mahal na cake, habang hinawi ang buhok na pinaayos kanina lang sa isang sikat at mahal na salon, bago pa man siya sunduin ng driver ng mahal na sasakyan upang ihatid dito sa mahal na kapehang pinag-usapan nilang pagkakitaang dalawa. Nagtataka pa rin minsan si Remy kung bakit niya naging kaibigan, at nananatili pa rin, si Camille, lalong-lalo na’t mula ulo hanggang paa’y magkaibang-magkaiba sila.
“Ano ulit?” Pinilit ni Remy na ipakitang hindi siya nababagot sa usapan nilang dalawa.
“I was asking you about Jules, if you’re okay with him attending my despedida? E good friends naman kami, like you know, since college pa lang. Sayang naman if he won’t be there,” at bumuntong hininga. “But if you’re really uncomfortable, it’s okay if you won’t make it. I don’t want to be hassle naman to you.”
“Hindi. Okay lang. Pupunta ako.” Niyakap naman kaagad ni Camille si Remy at tumili sa ligaya. Nabaling ang tingin ng ilang mga costumer ng kapehan sa kanilang dalawa at sinubukan ni Remy na itago ang hiya kahit na hindi niya matakpan ang pamumula ng kanyang pisngi. Nang bumitaw si Camille ay nagsimula na naman siyang magkwento tungkol sa paglipat niya sa Milan, magtatrabaho bilang fashion designer, at kung gaano kasarap ang buhay doon, kahit alam naman ni Remy na buntis ang kaibigang mas mapagkunwari pa sa bag nitong gawa sa China.
“This tastes good ha. You should try one,” tinuro ng kaibigan ang cake, ang hinliliit ay hiwalay sa iba pang mga daliri. Ngumiti siya at tinakman ito, pilit nilulunok ang mapait na tsokolate at nakakaumay na mga kwento ni Camille.
BINABASA MO ANG
Parirala
RomanceLupon ng mga kuwentong umaapaw sa mga salitang parang tubig, walang depinisyon, walang tanikalang kumakahon sa mga along nagpupumiglas na makawala. Nagsisilbing parte ng isang pangungusap na sinasalamin ang tagumpay at pagkabigo ng bawat taong umibi...