Yung limang araw, naging limang linggo. Yung limang linggo, naging lima, anim na buwan. Anim na buwan na kong naghihintay. Siguro konting hintay pa, magugustuhan niya na din ako. Sa anim na buwan na yun, mas naging malapit pa kami sa isa't isa. Patagal ng patagal nagkaron kami ng magandang relasyon bilang magkaibigan. Paminsan-minsan sinasabi niya sa'kin na gusto niya ko at ganun din yung nararamdaman niya para sa'kin. Lahat ng sinasabi niya, kahit taliwas sa kinikilos niya, pinaniniwalaan ko. Wala eh, mahal ko eh.
Sa lahat ng sinabi niya may pinakatumatak sa'kin. Sa lahat ng sinabi niya, may isang pinakahindi ako makakalimutan. Sa lahat ng sinabi niya yun yung pinakapinaniwalaan ko. Dahil akala ko, totoo. Gabi na nun. Bago ako matulog naggawa ako ng mahabang essay tungkol sa nararamdaman ko para sa kanya kagaya ng palagi kong ginagawa. Kahit antok na antok na ako nun, ginawa ko pa rin para sa kanya. Pagkatapos ko yung i-post sa blog ko, pinabasa ko sa kanya. Kanino ko pa nga ba ipapabasa? Eh para sa kanya lang naman yun eh.
"Kahit kailan, hindi ako yung magiging tipo mo. Kasi kahit sa itsura pa lang, madaming iba diyan na nagkakagusto sa'yo na mas maganda at mas sikat kaysa sa'kin. Hindi naman ako ganun kaganda pero alam mo? Sigurado ako na may isang bagay akong kayang gawin na kahit kalian hindi nila magagawa. Kaya kong magsulat ng tungkol sa'yo. Kaya kong sabihin ng direkta sa'yo lahat ng nararamdaman ko. Kahit yun lang panghahawakan ko."
Naghintay ako ng halos dalawang oras para sumagot siya sa sinabi ko. Alam ko kasi online pa siya. Siguro hindi pa niya nababasa. Siguro may ginagawa lang. Siguro... siguro... Nag-iisip pa ko ng mga dahilan kung bakit ang tagal niyang sumagot pero bigla na lang siyang nag-offline. Hindi ako nanghinayang sa dalawang oras na paghihintay ko. Di bale, may bukas pa naman.
Kinabukasan, halos mapukpok ko na yung laptop ko sa tuwa ng makita ko yung napakahabang sagot niya sa sinabi ko.
"Tandaan mo, sila ang iba. Pero ikaw, ang pinakakakaiba para sa'kin. Hindi ka nalalayo sa kanila. Sa katunayan nga, mas lamang ka pa kaysa sa kanila. Ikaw lang ang bukod tanging babae na laging nandiyan para sa'kin. Hindi nang-iwan. At sana hindi ako iwanan. Oo marami akong nakilala sa paglipas ng panahon pero nandiyan lang sila panandalian at mang-iiwan rin. Hindi katulad mo na nandiyan pa rin para sa'kin hanggang ngayon at ayun yung simpleng bagay na pinahahalagahan ko ngayon. Simple man pero angat sa lahat. Si Pebbles? "Sino ba yun?" Maaring masabi ng iba. Pero mapagmamalaki ko si Pebbles Sarmiento. Yan yung babaeng hindi ko kayang iwan."
"Salamat Gabriel. Akala ko hindi mo naa-appreciate lahat ng ginagawa ko." Napatigil ako sa pagta-type. Naalala ko, dalawang linggo na lang pala birthday na niya. "Pero sorry ah, pakiramdam ko kasi wala akong maireregalo sa'yo sa birthday mo."
Ilang minuto lang sumagot na agad siya sa chat ko. "Okay lang. Ito naman. Hindi naman sa ibibigay mong bagay na malalaman kong mahal mo ko. Kahit sa simpleng pagbati lang, nararamdaman ko yun Pebbles. Simula pa lang ng makilala kita sa school, masayang masaya na ko. Akalain mo yun? Ikaw ang unang matapang na babae sa buhay ko na gumawa nun. Alam mo ba yun? Kaya ganun ka kahalaga sa'kin. Papahalagahan kita. Lahat yun nasa puso ko lang. Hindi kasi ako showy. Pero alam ko kung sino yung taong totoo sa'kin. At alam kong ikaw yun. Kaya nagmamakaawa nga ako na wag mo kong iiwanan eh. Kasi alam ko na hindi na ko makakahanap pa ng katulad mo. Mahal kita Pebbles. Mahal na mahal."
Naniwala ako sa sinabi niya. Kinagabihan nga hindi ako makatulog. Ilang beses niya ng sinabi na mahal niya ko. Pero ngayon, kagabi, lang ako naniwala ng husto. Walang mapagsidlan yung kasiyahan ko. Mahal niya rin pala ako.