Pero nagulat ako kinabukasan ng mabalitaan ko, may girlfriend na siya. At sa kasamaang palad, hindi ako yun. Ni minsan hindi niya nabanggit sa’kin na may nililigawan siyang iba. Hindi niya nasabi na may gusto siyang iba. Dahil palagi niyang sinasabi na ako ang gusto niya, na ako ang mahal niya. Na hihintayin lang daw niya akong magcollege hanggang sa pwede ng maging kami.
Pakiramdam ko niloko ako. Pakiramdam ko nasayang lahat ng nagawa ko para sa kanya. Yung tapang na inipon ko para umamin, nauwi lang lahat sa wala. Gusto kong magalit sa kanya pero hindi ko magawa. Nakaharang yung katotohanan na “hindi kami” at “wala akong karapatan”. Sinabi ko sa kanya na nasaktan ako sa nalaman ko, dahil naniwala at pinanghawakan ko yung mga salitang binitawan niya.
“Ano bang ginawa ko? Ano bang kasalanan ko? Paasa ba ko? Sinabi mo noon na gusto mong makipagkaibigan sa’kin. Binigay ko naman yung gusto mo. Naging magkaibigan tayo. Tapos ngayon, kasalanan ko pa na umasa ka? Sorry Pebbles, hindi ko naman sinasadyang saktan ka eh. Tao lang din naman ako. Nagkakagusto din naman ako. Kasalanan ko ba kung siya yung minahal ko?”
Hindi ko na matandaan kung ano yung sinagot ko sa kanya noon. Basta ang natatandaan ko na lang, lumipas ang buong gabi na umiiyak ako. Bakit ba ang tanga ko? Bakit ba umasa ako na totoo lahat ng sinabi niya? Bakit ba umasa ako na magugustuhan niya rin ako?
Ilang beses kong tinangkang putulin lahat ng komunikasyon namin pero sa huli, nakikita ko rin ang sarili ko na bumabalik sa kanya. Kahit may mahal na siyang iba, hindi ko pa din mapigilan ang sarili kong mahalin siya at umasa.
Pero ayoko namang maging habambuhay na tanga. Ayoko sanang sayangin yung pagkakaibigan namin, pero naisip ko, magkaibigan nga ba talaga kami? Sa tingin ko, hindi. Kahit kailan hindi kami naging magkaibigan. Ni hindi ko nga siya kilala. Oo, alam ko ang pangalan niya. Kaibigan ko ang kapatid niya, pero siya? Bakit ko nga ba siya nagustuhan? Hindi ba dahil lang sa gwapo at maamo niyang mukha? Bakit ko nga ba siya minahal? Hindi ba dahil sa sikat at maporma siya? Pero hanggang dun na lang yun. Hindi ko naman alam kung ano ang ugali niya. Hindi ko pa siya nakasama ng matagal. Paano ko ipagkakatiwala ang puso at sarili ko sa taong mukha lang ang maamo? Sa taong kahit kailan hindi nagsabi ng totoo?
Habang sinusulat ko ‘to, napapaiyak ako. Pero sa loob loob ko, masaya naman ako kahit papaano. Dahil minsan akong naging matapang. Nasaktan man ako ng ilang beses at pinagsisisihan ko man na nakilala ko siya, sa huli gusto ko pa ding magpasalamat dahil mayroon akong natutunan.
Bilang teenager, normal lang siguro ang magmahal. Pero isa sa mga natutunan ko na tama nga ang sinasabi ng nakakatanda. Bata pa tayo. May tamang panahon para sa pag-ibig at ang dapat nating gawin ngayon ay ang mag-aral. May mga responsibilidad pa tayong dapat gampanan at ang mga ganoong bagay ay makakapaghintay. Kaya nga siguro tayo madalas nasasaktan dahil masyado tayong nagmamadali.
Ilang linggo na kaming hindi nakakapag-usap ni Gabriel at unti-unti na akong nasasanay na hindi ko siya nakakausap. Nakakatawa pa rin naman ako, nagagawa ko pa ding sumaya. Masaya kong ibinabahagi sa inyo ang kwento ko, dahil gusto kong ibahagi rin sa inyo, ang natutunan ko, na may tamang panahon para sa lahat ng bagay.